At titipunin sa harapan Niya ang lahat ng mga bansa at Kanyang pagbubukud-bukurin ang mga tao na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing. Mateo 25:32. LBD 359.1
Mangyayari sa harapan ng lahat ng daigdig ang eksena ng paghuhukom; sapagkat mapatutunayang tama nga ang pamahalaan ng Diyos sa paghuhukom na ito, at tatayo ang Kanyang kautusan na “banal, at matuwid, at mabuti” (Roma 7:12). Pagkatapos ay pagpapasyahan na ang bawat kaso, at sesentensyahan na ang lahat. Hindi na magmumukhang kaakit-akit ang kasalanan, kundi makikita sa buo nitong nakapangingilabot na lawak.— The Review and Herald, September 20, 1898. LBD 359.2
“At titipunin sa harapan Niya ang lahat ng mga bansa.” . . . Bawat gawa, maliit at malaki, ay kikilalanin. Iyong dati ay ipinalalagay na wala namang kuwenta ay lilitaw na rito sa kung ano talaga ito. Kikilalanin na ang dalawang kusing ng balo. Ang inialok na baso ng malamig na tubig, ang bilangguang binisita, ang nagugutom na pinakain—may sarili nitong hatid na gantimpala bawat isa. At ang di-nagampanang tungkulin na iyon, ang makasariling gawang iyon, ay hindi kakalimutan. Sa bukas na bulwagan sa palibot ng trono ng Diyos, lilitaw ito na ibang-iba talaga sa kung ano ito nang ito ay isagawa. . . . Makikita na ang mga makasariling kalayawan at pagpapakasasang ito ay ginawang mapagmahal sa kalayawan ang tao kaysa mapagmahal sa Diyos. . . . Pero hindi kinakailangang madaya ang sinuman; at hindi tayo madadaya kung lubusan tayong nanindigan kay Cristo na susunod tayo sa Kanya sa masama mang ulat gayundin sa mabuting ulat.— The Review and Herald, September 5, 1899. LBD 359.3
Ang karakter na ipinakikita natin ngayon ay siyang nagpapasya ng kahahantungan natin sa hinaharap. Masusumpungan ang kaligayahan ng langit sa pamamagitan ng pakikiayon sa kalooban ng Diyos, at kung maging kaanib man ang mga tao ng makaharing pamilya sa langit, ito ay dahil nag-umpisa na ang langit sa kanila sa lupa. . . . Dadalhin ng matuwid ang bawat biyaya, bawat mahalaga at napabanal na kakayahan, sa mga bulwagan sa itaas, at ipagpapalit ang lupa sa langit. Alam ng Diyos kung sino ang mga tapat at totoong sakop ng Kanyang kaharian sa lupa, at ang mga gumagawa ng Kanyang kalooban sa lupa kung paanong ginagawa rin ito sa langit, ay gagawing mga kasapi ng maharlikang pamilya sa itaas.— The Review and Herald, March 26, 1895. LBD 359.4