Pasanin ninyo ang Aking pamatok, at matuto kayo sa Akin; sapagkat Ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso at makatatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. Mateo 11:29. LBD 66.1
Tanging sa pamamagitan lamang ng tulong ng banal na Guro natin mauunawaan ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos. Sa Kanyang paaralan natin matututuhan kung paano maging maamo at mapagpakumbaba. Itinuturo Niya sa atin kung paano unawain ang mga hiwaga ng kadiyosan.— Manuscript 99, 1902. LBD 66.2
Hayaang matutuhan ng mga nagnanasa ng pinakamataas na uri ng edukasyon . . . na malapit ang Diyos sa kanilang may buong pusong humahanap sa Kanya. LBD 66.3
Habang mas tumatanaw ang isa sa karakter ng Diyos, higit naman siyang nagiging mapagpakumbaba, at mas bumababa ang pagtingin niya sa kanyang sarili. Ito nga ang patotoong nakikita niya ang Diyos, na nakikiisa siya kay Jesu-Cristo. Malibang maging maamo at mapagpakumbaba tayo, hindi natin maaaring angkining nauunawaan natin ang karakter ng Diyos. Maaaring isipin ng mga tao na nagtataglay sila ng mas mataas na mga kwalipikasyon. Ang kanilang mahuhusay na mga talento, mataas na pinag-aralan, kagalingan sa pagsasalita, kasipagan, at kasiglahan ay maaaring maging nakalulugod sa pag-iisip at gumising ng paghanga sa kanila na hindi makababasa sa likod ng panlabas na kaanyuan. Ngunit malibang maiugnay ang pagpapakumbaba at kahinhinan sa iba pang mga kaloob na ito, makikita ang pagluwalhati at pagtataas sa sarili. Malibang itinatalaga ang bawat kakayanan sa Panginoon, malibang hanapin nilang pinagkatiwalaan ng Panginoon ng mga kaloob ang biyayang gagawa upang ang kanilang mga kakayanan ay maging katanggaptanggap sa Diyos, tinitingnan sila ng Panginoon . . . bilang masasamang alipin. “Ang mga hain ng Diyos ay bagbag na diwa, isang bagbag at nagsisising puso, O Diyos, ay hindi Mo hahamakin.” . . . Silang may mga pusong natunaw at napasakop, na nakatanaw sa maluwalhating pagpapakita ng karakter ng Diyos ay hindi magpapakita ng mapagpabayang maling palagay. . . . Mawawala ang sarili sa tinataglay nilang pagkakaunawa sa kaluwalhatian ng Diyos at ng kanilang sariling kawalan. Ang lahat ng nagpapahalaga sa masaya at banal na paglakad kasama ang Diyos . . . ay walang gagawin malibang makamtan nila ang isang tanaw ng Kanyang kaluwalhatian. Sa bawat lugar at sa bawat pagkakataon, mananalangin sila sa Diyos upang mapahintulutang silang makita Siya. Pahahalagahan nila ang maamo at nagsisising espiritu na natatakot sa salita ng Diyos.— Letter 87, 1896. LBD 66.4