At kayo’y Aking tatanggapin, at Ako’y magiging ama sa inyo, at kayo’y Aking magiging mga anak na lalaki at babae, sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat. 2 Corinto 6:17, 18. LBD 12.1
Tumatawag ang Maylalang ng sansinukob sa inyo bilang isang mapagmahal na Ama. . . . Nag-aalok ang inyong Ama sa langit na gawin kayong kaanib ng maharlikang sambahayan, na maging kabahagi kayo ng makadiyos na likas sa pamamagitan ng Kanyang labis na dakila at mahahalagang mga pangako. . . . Habang nakikibahagi kayo sa karakter ng mga dalisay at hindi nagkasalang anghel, at ni Cristo, ang iyong Manunubos, higit ninyong tataglayin ang wangis ng Diyos, at mas magiging malabo ang inyong pagkakahawig sa sanlibutan.— Testimonies for the Church, vol. 2, p. 44. LBD 12.2
“At kayo’y Aking tatanggapin, at Ako’y magiging ama sa inyo, at kayo’y Aking magiging mga anak na lalaki at babae. . . .” Anong dakilang pangako ang ibinibigay dito sa kondisyon ng pagsunod! . . . . Nangangako Siyang magiging Ama sa inyo. O, anong dakilang pagsasamahan ito! Mas mataas at banal kaysa anumang relasyon sa lupa. Kung gagawin ninyo ang pagsasakripisyo, kung kailangan ninyong itakwil ang inyong ama, ina, mga kapatid na lalaki at babae, asawa, at mga anak para kay Cristo, hindi pa rin kayo mawawalan ng kaibigan. Inaampon kayo ng Diyos sa Kanyang pamilya; magiging kaanib kayo ng maharlikang sambahayan, mga anak na lalaki at babae ng Haring namamahala sa langit ng mga langit.— Testimonies for the Church, vol. 1, p. 510. LBD 12.3
Kung tatawagin ninyong inyong Ama ang Diyos, kinikilala ninyo ang inyong mga sarili na Kanyang anak, na ginagabayan ng Kanyang karunungan, at sumusunod sa lahat, na nalalaman ninyong hindi nagbabago ang Kanyang pag-ibig. Inyong tatanggapin ang Kanyang panukala para sa inyong buhay. Bilang mga anak ng Diyos, magtataglay kayo ng Kanyang karangalan, Kanyang karakter, Kanyang sambahayan, Kanyang gawain, bilang mga tampulan ng Kanyang pinakamataas na pagmamalasakit. Magiging kasiyahan ninyong kilalanin at parangalan ang inyong relasyon sa inyong Ama, at sa bawat kaanib ng Kanyang sambahayan.— Thoughts From the Mount of Blessing, p. 105. LBD 12.4
Ama natin ang Diyos, isang magiliw na magulang, maalalahanin sa Kanyang mga espirituwal na mga anak. Nangako Siyang maging tagapag-ingat, tagapayo, tagapaggabay, at kaibigan ng lahat na sumusunod sa Kanya.— Letter 79, 1898. LBD 12.5