Sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan bago pa kayo humingi sa Kanya. Mateo 6:8. LBD 14.1
Kung ang Diyos, na banal na pintor, ay nagbibigay sa karaniwang mga bulaklak, na ang kanilang iba’t ibang kulay ay namamatay sa loob ng isang araw, gaano higit na kadakila ang Kanyang pag-aalaga sa mga nilalang sa Kanyang sariling larawan? . . . Kung magmamahal at susunod ang mga tao sa Diyos, at gagawin ang kanilang bahagi, ibibigay ng Diyos ang lahat ng kanilang pangangailangan. . . . Walang sinuman ang makapagdaragdag ng isang pulgada sa kanyang taas, gaano man niya ito gustuhin. Ganito rin kawalang kabuluhan ang mag-alala sa kinabukasan at sa mga pangangailangan nito. Gawin mo ang iyong tungkulin, at magtiwala sa Diyos; dahil alam Niya ang mga bagay na kailangan ninyo. . . . Nagbabantay Siyang may higit na pagkamagiliw kaysa isang ina sa kanyang anak na may karamdaman. . . . Kaibigan ang Diyos sa panahon ng kahirapan at suliranin, tagapag-ingat sa pangangailangan, at tagapagligtas sa sanlibong panganib na hindi natin nakikita.—The Review and Herald, September 18, 1888. LBD 14.2
Nananahan ang Diyos sa bawat tahanan; naririnig Niya ang bawat salitang binibigkas, nakikinig sa bawat inihahandog na panalangin, nararamdaman ang kalumbayan at kabiguan ng bawat kaluluwa, pinahahalagahan ang pagturing na ibinibigay sa ama, ina, kapatid na babae, kaibigan, at kapwa. Nagmamalasakit Siya para sa ating mga pangangailangan, at patuloy na umaagos ang Kanyang pag-ibig, habag, at biyaya upang punuan ang ating mga pangangailangan. . . . Maaari tayong manahang mapayapa sa Kanyang pag-aalaga.— Thoughts From the Mount of Blessing, p. 160. LBD 14.3
Tinutulungan ng Diyos ang mahihina, at pinalalakas iyong walang lakas. Sa mga larangan kung saan pinakalaganap ang mga pagsubok, pakikipagpunyagi, at kahirapan, nangangailangan ng higit na pagbabantay ang mga manggagawa ng Diyos. Sa mga gumagawa sa gitna ng pakikidigma, sinasabi ng Diyos na, “Ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.” LBD 14.4
Iniaayon ng Diyos ang Kanyang sarili sa ating mga natatanging panga-ngailangan. Lilim Siya sa ating kanang kamay. Lumalakad Siyang malapit sa ating tabi, na nakahandang magbigay ng lahat ng ating kailangan. Lumalapit Siya sa mga nakikisangkot sa taos-pusong paglilingkod sa Kanya. Nakikilala Niya ang lahat sa kanilang pangalan. O anong mga katiyakan ang mayroon tayo sa magiliw na pag-ibig ni Cristo.— The S.D.A. Bible Commentary, vol. 3, p. 1153. LBD 14.5