Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na nanggagaling sa Ama ng mga ilaw, na sa Kanya ay walang pag-iiba, o anino man ng pagbabago. Santiago 1:17. LBD 15.1
Nahahayag ang kapangyarihan ng Diyos sa pagtibok ng puso, sa pagkilos ng mga baga, at sa mga nabubuhay na agos na umiikot sa libu-libong iba’t ibang daluyan ng katawan. May pagkakautang tayo sa Kanya para sa bawat sandali ng buhay, at para sa kaalwanan ng buhay. Regalo ng Maylalang ang mga kapangyarihan at kakayanang nag-aangat sa tao sa ibabaw ng mas mababang nilalang. Pinupuno Niya tayo ng mga kapakinabangan. May pagkakautang tayo sa Kanya para sa pagkaing ating tinatanggap, sa tubig na ating iniinom, sa mga kasuotang ating isinusuot, sa hanging ating nilalanghap. Kung wala ang natatangi Niyang pagbibigay, mapupuno ang hangin ng salot at lason. Isa Siyang masaganang tagapagbigay at tagapag-ingat. Nagliliwanag ang araw sa lupa, at lumuluwalhati sa buong kalikasan, sa nakapangingilabot at banal na ningning ng buwan, sa kaluwalhatian sa kalangitan, na nakakalatan ng maniningning na mga bituwin, sa ulan na nagpapasagana sa lupa, at nagpapatubo sa mga halaman, sa mga mahahalagang bagay ng kalikasan sa lahat ng kanilang kayamanan, sa matatayog na mga puno, sa mga palumpong at mga halaman, sa kumakaway na pananim, sa asul na kalangitan, sa luntiang lupain, sa mga pagbabago ng araw at ng gabi, sa pagbabalik ng kapanahunan, nangungusap ang lahat sa tao tungkol sa pag-ibig ng Maylalang. Iniugnay Niya tayo sa Kanyang sarili sa pamamagitan ng lahat nitong mga paalala sa langit at sa lupa.— The Review and Herald, September 18, 1888. LBD 15.2
Maaari nating sabihin sa Kanya ang ating mga panlupang pinagkakaabalahan, na humihingi sa Kanya ng tinapay at kasuotan at gayundin para sa tinapay ng buhay at sa kasuotan ng katuwiran ni Cristo. . . . Nakalaan ang mga regalo Niyang nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa sa mga anak ng Diyos. Ang mga regalong napakahalaga na anupa’t dumarating sila sa atin sa pamamagitan ng mahalagang sakripisyo ng dugo ng Manunubos; mga regalong magpupuno sa pinakamalalim na pagnanasa ng puso; mga regalong tatagal hanggang sa walang-hanggan, ay tatanggapin at kasisiyahan ng lahat ng lalapit sa Diyos gaya ng mga maliliit na mga bata. Kunin ninyo ang mga pangako ng Diyos bilang inyong sariling pag-aari, magsumamo kayo para sa kanila sa Kanyang harapan bilang Kanyang sariling mga pananalita, at tatanggapin ninyo ang kalubusan ng kaligayahan.— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 133, 134. LBD 15.3