Aming kinikilala ang aming kasamaan, O PANGINOON at ang kasamaan ng aming mga magulang; sapagkat kami ay nagkasala laban sa iyo. Huwag mo kaming kamuhian, alang-alang sa iyong pangalan; huwag mong hamakin ang iyong trono ng kaluwalhatian alalahanin mo at huwag mong sirain ang iyong tipan sa amin. Jeremias 14:20,21. TKK 318.1
Itaas natin ang ating mga panalangin sa Diyos para sa Kanyang nakapagbabalik-loob at nakapagpapabagong biyaya. Dapat ganapin ang mga pagtitipon sa bawat iglesya para sa mataimtim na pananalangin at masigasig na pagsasaliksik ng Salita upang malaman kung ano ang katotohanan. Panghawakan ang mga pangako ng Diyos, at humiling sa Diyos nang may buhay na pananampalataya para sa pagbubuhos ng Kanyang Banal na Espiritu. Kapag ang Banal na Espiritu ay ibinuhos na sa atin, ang utak at taba ay maaalis mula sa Salita ng Diyos. . . . TKK 318.2
Kapag ang mga iglesya ay naging buhay at gumagawa na mga iglesya, ipagkakaloob ang Banal na Espiritu bilang sagot sa kanilang tapat na kahilingan. Kung gayon ang katotohanan ng Salita ng Diyos ay isasaalang-alang nang may bagong interes, at sisiyasatin na parang kapahayagan ito mula sa mga bulwagan sa itaas. Ang bawat pagpapahayag ng inspirasyon tungkol kay Cristo ay aangkin sa kaloob-looban ng kaluluwa ng mga umiibig sa Kanya. TKK 318.3
Titigil ang inggit, paninibugho, at masamang pag-aakala. Ituturing bilang awtoridad mula sa langit ang Biblia. Ang pag-aaral nito ay gagawing abala ang isipan, at bubusugin ng mga katotohanan nito ang kaluluwa. Ang mga pangako ng Diyos na ngayo'y inulit na parang ang kaluluwa ay hindi pa natitikman ang Kanyang pag-ibig, sa panahong iyon ay magliliwanag sa dambana ng puso, at mahuhulog bilang nag-aalab na mga salita mula sa mga labi ng mga sugo ng Diyos. Pagkatapos ay magsusumamo sila sa mga kaluluwa nang may kasigasigang hindi matatanggihan. Kung magkagayo'y mabubuksan ang mga bintana ng langit para sa pagbuhos ng huling ulan. Magkakaisa sa pag-ibig ang mga tagasunod ni Cristo. TKK 318.4
Ang tanging paraan upang maihayag sa mundo ang katotohanan, sa dalisay at banal na katangian nito, ay para sa mga nag-aangking pinaniniwalaan ito na maging tagapagtaguyod ng kapangyarihan nito. Hinihiling ng Biblia sa mga anak na lalaki at babae ng Diyos na tumayo sa isang mataas na entablado; sapagkat tinatawag sila ng Diyos na kumatawan kay Cristo sa mundo. Habang kinakatawanan nila si Cristo, kinakatawanan nila ang Ama. Ang pagkakaisa ng mga mananampalataya ay nagpapatotoo ng kanilang pagiging isa kay Cristo, at ang pagkakaisang ito ay hinihingi ng naipong liwanag na ngayo'y umiilaw sa landas ng mga anak ng Diyos.— REVIEW AND HERALD, February 25,1980 . TKK 318.5