Puspusin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa, ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, Roma 15:13, TKK 340.1
Marami ang nababanggit tungkol sa pagkakaloob ng Banal na Espiritu, at sa pamamagitan ng iba ito ay binibigyang kahulugan sa paraang nakasisira sa mga iglesya. Ang buhay na walang hanggan ay ang pagtanggap ng mga buhay na elemento sa mga Kasulatan at pagsasagawa ng kalooban ng Diyos. Ito ay ang pagkain ng laman at pag-inom ng dugo ng Anak ng Diyos. Sa mga gumagawa nito, ang buhay at kawalang kamatayan ay nalilinawan sa pamamagitan ng ebanghelyo, sapagkat ang Salita ng Diyos sa katunayan ay katotohanan, espiritu at buhay. Pribilehiyo ng lahat ng nananampalataya kay Jesu-Cristo bilang kanilang personal na Tagapagligtas na kumain sa Salita ng Diyos. Ang impluwensiya ng Banal na Espiritu ang naggagawad sa Salitang iyon, ang Biblia, ang walang kamatayang katotohanan, na siyang nagbibigay ng lakas at kalamnan sa mapanalangining nagsasaliksik. TKK 340.2
“Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan,” ang pahayag ni Cristo, “sapagkat iniisip ninyo na sa mga iyon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at iyon ang nagpapatotoo tungkol sa akin” (Juan 5:39). Yaong mga naghuhukay sa malalim ay nakatatagpo ng natatagong hiyas ng katotohanan. Ang Banal na Espiritu ay naroroon sa mga taimtim na tagapagsaliksik. Sumisinag sa Salita ang pagbibigay liwanag nito, na itinatatak ang katotohanan sa isipan na may bago at sariwang kahalagahan. Ang nagsasaliksik ay napupuno ng kapayapaan at kasiyahang hindi naramdaman dati. Ang kahalagahan ng katotohanan ay nauunawaang hindi pa nangyari nang una. Sumisinag sa Salita ang isang bago at makalangit na liwanag, na nililiwanagan ito na parang nabahiran ng ginto ang bawat letra. Ang Diyos mismo ang nagsalita sa isip at puso, na ginagawa ang Salita na espiritu at buhay. TKK 340.3
Itinataas ng bawat mananaliksik ng Salita ang kanyang puso sa Diyos, na namamanhik sa tulong ng Espiritu. At hindi magtatagal ay kanyang matutuklasang ang nagdadala sa kanya sa ibabaw ng lahat ng gawa-gawang pahayag ng mga nagkukunwaring guro, na ang kanilang mahina, at pagiray- giray na teorya ay hindi sinusuportahan sa pamamagitan ng Salita ng buhay na Diyos.— MANUSCRIPT RELEASES, no. 21, pp. 131,132. TKK 340.4