Magalak kayong lagi sa Panginoon; muli kong sasabihin, Magalak kayo, Filipos 4:4. TKK 341.1
Manalangin, manalanging taimtim nang walang patid, ngunit huwag kalilimutang magpuri. Tungkulin ng lahat ng anak ng Diyos na ipagsanggalang ang Kanyang karakter. Maidadakila mo ang Panginoon; maipakikita mo ang kapangyarihan ng umaalalay na biyaya. Maraming hindi nakikilala ang dakilang pag-ibig ng Diyos o ang banal na kaawaan ni Jesus. Libu-libo pa nga ang humahamak sa walang kapantay na biyayang nasa panukala ng pagliligtas. Ang lahat ng mga kabahagi ng dakilang kaligtasang ito ay hindi malinaw sa bagay na ito. Hindi sila nagpapalago ng mga pusong mapagpasalamat. Ngunit ang tema ng pagtubos ay nais aralin ng mga anghel; ito ang magiging siyensiya at awit ng mga tinubos sa buong walang maliw na walang hanggan. Hindi ba ito karapat-dapat sa maingat na pag-iisip at pag-aaral ngayon? Hindi ba't dapat nating purihin ang Diyos nang buong puso at kaluluwa at tinig “dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao” (Mga Awit 107:8)? TKK 341.2
Purihin ang Diyos sa kapulungan ng bayan Niya. Nang sinabi sa mga Hebreo noong unang panahon ang salita ng Panginoon, ang utos ay: “At sabihin ng buong bayan, ‘Amen’ ” (Mga Awit 106:48). Nang dinala sa siyudad ni David ang kaban ng tipan, at ang awit ng pagsasaya at tagumpay ay inawit, “At sinabi ng buong bayan, Amen!’ at pinuri ang PANGINOON” (1 Cronica 16:36). Ang maalab na tugong ito ay patunay na naunawaan nila ang sinabi at nakibahagi sila sa pagsamba sa Diyos. TKK 341.3
Labis ang pormalidad sa ating serbisyong panrelihiyon. Nais ng Panginoon na ang Kanyang mga ministrong nangangaral ng Salita ay pasiglahin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu; at ang mga taong nakikinig ay hindi dapat na maupong inaantok na nagwawalang-bahala, o nakatunganga, na hindi tumutugon sa kung ano ang sinabi. Ang impresyong ipinakikita sa mga hindi mananampalataya ay hindi kaaya-aya sa relihiyon ni Cristo. Hindi salat sa ambisyon at sigasig ang malamlam at walang ingat na mga nag-aangking Kristiyano kapag nakikibahagi sila sa makasanlibutang mga gawain; ngunit hindi kumikilos nang malalim sa kanila ang mga bagay na walang hanggan ang halaga. Maaaring maging kaaya-ayang awit ang tinig ng Diyos sa Kanyang mga mensahero; ngunit hindi pinapansin ang banal na babala nito, mga saway, at lahat ng mga pagpapasigla. Ginawa silang paralisado ng espiritu ng sanlibutan. Ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos ay sinasabi sa mabibigat na mga tainga at matitigas na pusong hindi mataniman. Dapat magkaroon ng gising at aktibong mga iglesya para magpasigla at magmalasakit sa mga ministro ni Cristo at tulungan sila sa gawain ng pagliligtas ng mga kaluluwa. Kung ang iglesya ay lumalakad sa liwanag, laging magkakaroon ng masaya at masiglang mga tugon at pananalita ng masayang pagpupuri.— TESTIMONIES FOR THE CHURCH, vol. 5, pp. 317, 318 . TKK 341.4