Ang buong bilang ng mga sumampalataya ay may pagkakaisa sa puso at kaluluwa; sinuma'y walang nagsabing kanya ang anuman sa kanyang mga ari- arian, kundi lahat nilang pag-aari ay para sa lahat, Mga Gawa 4:32. TKK 342.1
Nagpapahayag ang tala, “Walang sinumang naghihirap sa kanila,” at sinasabi nito kung paano napunan ang pangangailangan. Yaong mga may pera at pag-aari sa mga mananampalataya ay masayang nagsakripisyo nito para punan ang kagipitan. Ipinagbenta ang kanilang mga bahay o ang kanilang mga lupain, dinala ang halaga at inilagay ang mga ito sa mga paanan ng mga apostol, “at ipinamahagi sa bawat isa, ayon sa kailangan ng sinuman” (Mga Gawa 4:34, 35). TKK 342.2
Ang pagkamatulunging ito sa bahagi ng mga mananampalataya ay resulta ng pagbubuhos ng Espiritu. Ang mga nabago sa ebanghelyo ay “may nagkakaisang puso at nagkakaisang kaluluwa.” Magkaparehong interes ang namamahala sa kanila—ang tagumpay ng misyong ipinagkatiwala sa kanila; walang lugar sa kanilang mga buhay ang pagiging makasarili. Ang pag-ibig nila sa kanilang mga kapatid at ang layuning kanilang niyakap ay higit pa sa kanilang pagmamahal sa salapi at pag-aari. Nagpapatunay ang kanilang mga gawa na kanilang ibinibilang ang mga kaluluwa ng mga tao na may mas malaking halaga kaysa makasanlibutang kayamanan. TKK 342.3
Magiging gayon palagi kapag ang Espiritu ng Diyos ang nag-aangkin ng buhay. Yaong ang mga puso ay napuno ng pag-ibig ni Cristo ay susunod sa halimbawa Niyang para sa ating kapakanan ay naging dukha, upang sa Kanyang kahirapan ay gawin tayong mayaman. Ang salapi, oras, at impluwensiya— lahat ng mga kaloob na kanilang tinanggap mula sa kamay ng Diyos, kanilang pahahalagahan lamang bilang isang paraan para umusad ang gawain ng ebanghelyo. Gayon ang unang iglesya; at kung ang iglesya ng kasalukuyan ay makita na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ang mga miyembro ay nakuha ang damdamin mula sa mga bagay ng sanlibutan, na sa gayon ay handa silang mag-sakripisyo para ang kanilang kapwa tao ay makarinig ng ebanghelyo, magkakaroon ng makapangyarihang impluwensiya sa mga nakikinig ang mga katotohanang ipinahahayag.— THE ACTS of THE APOSTLES, pp. 70, 71. TKK 342.4