Tingnan ninyo, siya'y dumarating na nasa mga ulap; at makikita siya ng bawat mata, at ng mga umulos sa kanya; at ang lahat ng mga lipi sa lupa ay tatangis dahil sa kanya, Gayon nga, Amen, “Ako ang Alpha at ang Omega,” sabi ng Panginoong Diyos, na siyang ngayon at ang nakaraan at ang darating, ang Makapangyarihan sa lahat, Apocalipsis 1:7, 8, TKK 380.1
Ang paraan ng Diyos ay gawin ang araw ng maliliit na bagay bilang panimula ng pagtatagumpay ng katotohanan at katuwiran. Sa dahilang ito walang kailangang magalak sa isang masaganang panimula, o malumbay sa tila kahinaan. Ang Diyos sa Kanyang bayan ay kayamanan, kalubusan, at kapangyarihan. Ang Kanyang mga layunin para sa Kanyang piniling Bayan ay, gaya ng walang hanggang mga burol, matatag at hindi natitinag. TKK 380.2
Alalahaning hindi kakayahan ng tao ang nagtatag ng iglesya ng Diyos, maging ang pagwasak nito. Sa buong kapanahunan ang Banal na Espirirtu ay isang umaapaw na bukal ng buhay. . . . May pagtatagumpay para sa lahat ng nakikipaglaban nang matuwid, sa lubos na pakikiisa sa kautusan ng Diyos. Magtatagumpay sila sa lahat ng pakikipaglaban. Habang kanilang isinusulong ang gawain ng Diyos sa harap ng lahat ng mga kaaway, pagkakalooban sila ng pag-iingat ng banal na mga anghel. TKK 380.3
Ipinangako ni Cristo ang Kanyang sarili na tulungan ang lahat ng aanib sa Kanyang hukbo, para makipagtulungan sa Kanya sa pakikipaglaban laban sa nakikita at hindi nakikitang mga kaaway. Ipingako Niyang sila ay magiging mga kasamang tagapagmana Niya sa isang walang kamatayang mana, na sila ay maghahari bilang mga hari at mga pari sa harap ng Diyos. Ang mga nagnanais na makibahagi sa buhay na ito sa kahihiyan ng Tagapagligtas ay makikibahagi kasama Niya sa Kanyang kaluwalhatian. Ang mga piniling mapasama sa kaapihan ng bayan ng Diyos kaysa magkaroon ng pansamantalang kasiyahan ng kasalanan ay pagkakalooban ng kalalagyan kasama si Cristo sa Kanyang trono. TKK 380.4
Panghawakang matibay ang Salita ng buhay. Ang unos ng pagsalungat ay mapapagod sa sarili nitong pangangalit. Mamamatay ang hiyawan. Ipagpatuloy ang gawain ng Panginoon nang may katapangan at kasiyahan. Ang Ama sa itaas, na nagbabantay sa Kanyang mga pinili nang may mahabaging pagmamalasakit, ay pagpapalain ang mga pagsisikap na ginawa sa Kanyang pangalan. Hindi kailanman titigil ang Kanyang gawain hanggang sa pagtatapos nito sa kalagitnaan ng mapanagumpay na hiyaw, “Biyaya, biyaya sa kanya.”— SIGNS OF THE TIMES, November 14,1900 . TKK 380.5