Sapagkat “sa sandaling panahon, ang siyang dumarating ay darating, at hindi maaantala, Ngunit ang aking matuwid na lingkod ay mabubuhay sa pananampalataya, Ngunit kung siya'y tumalikod, ang aking kaluluwa ay hindi malulugod sa kanya,” Hebreo 10:37, 38, TKK 382.1
Kapwa manlalakbay, nasa kalagitnaan pa rin tayo ng mga anino at kaguluhan ng makamundong mga gawain; subalit sa medaling panahon magpapakita ang ating Tagapagligtas upang magdala ng kalayaan at kapahingaan. Sa pamamagitan ng pananampalataya ating pagmasdan ang mapalad na hinaharap, gaya ng inilalarawan ng kamay ng Diyos. Siya na namatay para sa mga kasalanan ng mundo, ay binubuksan ang mga pintuan ng Paraiso sa lahat ng mga nananampalataya sa Kanya. Sa madaling panahon ang digmaan ay lalabanan, ang pagtatagumpay makakamit. Sa madaling panahon makikita natin Siya na Siyang sentro ng ating mga pag-asa sa buhay na walang hanggan. At sa Kanyang presensiya ang mga pasubok at mga paghihirap ng buhay na ito ay tila walang halaga. Ang mga unang bagay “ay hindi na maaalala, o darating man sa isipan” (Isaias 65:17). “Kaya't huwag ninyong itakuwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala. Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiis, upang kapag inyong nagampanan ang kalooban ng Diyos ay tanggapin ninyo ang pangako. Sapagkat ‘sa sandaling panahon, ang siyang dumarating ay darating, at hindi maaantala’” (Hebreo 10:35-37). . . . TKK 382.2
Tumingala ka, tumingala ka, at hayaang patuloy na madagdagan ang iyong pananampalataya. Hayaang gabayaan ka ng pananampalatayang ito sa makitid na daan na naghahatid sa mga pintuan ng siyudad tungo sa dakilang kabilang ibayo, ang malawak at walang hanggang hinaharap ng kaluwalhatiang para sa mga tinubos. “Kaya, maging matiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Hinihintay ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa, na siya'y nagtitiis para dito hanggang sa ito ay tumanggap ng una at huling ulan. Maging matiyaga rin kayo. Patatagin ninyo ang inyong mga puso, sapagkat ang pagdating ng Panginoon ay malapit na” (Santiago 5:7, 8). TKK 382.3
Ang mga bansa ng mga naligtas ay hindi kikilala ng ibang kautusan maliban sa kautusan ng langit. Ang lahat ay magiging isang masaya at nagkakaisang pamilya, dinamitan ng kasuotan ng papuri at pagpapasalamat. Sa ibabaw ng tanawin ang mga tala ng umaga ay sabay-sabay na aawit, at ang mga anak ng Diyos ay hihiyaw sa kagalakan, habang magkakaisa ang Diyos at si Cristo sa pagpapahayag, Hindi na magkakaroon ng kasalanan, at hindi na magkakaroon ng kamatayan.— REVIEW AND HERALD, July 1,1915 . TKK 382.4