Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo. 1 Timoteo 4:16 BN 143.1
Nakabasa ako ng tungkol sa isang lalaki na, habang naglalakbay sa panahon ng taglamig sa gitna ng makapal na niyebe, ay namanhid dahil sa lamig, na halos hindi maramdamang pinalalamig na ang kanyang kalakasan. Malapit na siyang mamatay dahil sa lamig, at nakahanda nang isuko ang kanyang pakikipaglaban para mabuhay, nang marinig niya ang mga daing ng kapwa niya manlalakbay na malapit na ring mamatay dahil sa lamig. Nagising ang kanyang awa, at nagdesisyon siyang iligtas siya. Hinagod niya ang malayelong mga braso ng lalaki at pagkatapos ng malaking pagsisikap ay naitayo niya ito. Dahil hindi makatayo ang nagdurusa, binuhat niya ito ng mga brasong mahabagin sa gitna ng niyebeng inakala niyang hindi niya makakayang daanan kung nag-iisa. BN 143.2
Noong madala niya ang kanyang kapwa manlalakbay sa isang ligtas na lugar, sumagi sa kanyang isip ang katotohanang sa pagliligtas niya sa kanyang kapwa ay nailigtas niya rin ang kanyang sarili. Ang kanyang mga pagsisikap na matulungan ang kapwa ay nagpabilis sa agos ng kanyang dugong nagyeyelo sa kanyang sariling ugat at nagpadala ng malusog na init sa mga kaduluhan ng kanyang pangangatawan. BN 143.3
Ang aral na sa pagtulong sa kapwa, tayo mismo ay makakatanggap ng tulong ay dapat patuloy na maiharap sa mga kabataang mananampalataya sa pamamagitan ng prinsipyo at halimbawa upang sa kanilang karanasan ay makuha nila ang pinakamabuting mga bunga. Iyong mga nalulumbay, iyong madaling mag-isip na ang daan tungo sa buhay na walang hanggan ay mahirap, ay dapat gumawa upang makatulong sa kapwa. Ang mga ganitong pagsisikap na sinasamahan ng panalangin para sa banal na liwanag, ay magpapatibok sa kanilang mga pusong may nakapagbibigay- buhay na impluwensya ng biyaya ng Diyos. Ang kanilang mga damdamin ay kikinang na may higit na banal na pagkamatimtiman. Ang buo nilang buhay Cristiano ay higit na magiging totoo, higit na masikap, at higit na mapanalanginin.... Ang mga patotoong dadalhin nila sa mga pagsamba kapag Sabbath ay mapupuno ng kapangyarihan. Taglay ang kaligayahan, sila ay magpapatotoo tungkol sa kahalagahan ng karanasang kanilang natanggap sa paggawa para sa kapwa. BN 143.4