Narito, binibigyan kita ng isang pantas at matalinong pag-iisip. 1 Hari 3:12 BN 145.1
Si Solomon sa kanyang kabataan ay ginawa rin sa kanyang pagpili ang ginawang pagpili ni David. Higit sa bawat makalupang kayamanan, humingi siya sa Diyos ng pantas at mapang-unawang puso. . . . Ang kapangyarihan ng kanyang pang-unawa, ang naaabot ng kanyang kaalaman, ang luwalhati ng kanyang paghahari ay naging kamanghaan sa buong mundo. BN 145.2
Ang pangalan ni Jehovah ay naparangalang mabuti sa unang bahagi ng paghahari ni Solomon. Ang pagkapantas at katuwirang ipinakita ng hari ay naging patotoo sa lahat ng mga bansa sa kabutihan ng karakter ng Diyos na kanyang pinaglilingkuran. Sa loob ng ilang panahon, ang Israel ay naging liwanag ng sanlibutan, na ipinahahayag ang kadakilaan ni Jehovah. Hindi sa nangingibabaw na katalinuhan, sa nakamamanghang kayamanan, sa malawak na kapangyarihan, at kasikatang kanyang angkin matatagpuan ang tunay na kaluwalhatian ng unang bahagi ng paghahari Solomon; kundi sa karangalang kanyang dinala sa pangalan ng Diyos ng Israel sa pamamagitan ng matalinong paggamit ng mga kaloob ng Kalangitan. BN 145.3
Sa paglipas ng mga taon at lumawig pa ang kasikatan ni Solomon, nagsikap siyang parangalan ang Diyos sa pamamagitan ng pagdadagdag sa kanyang kalakasang mental at espirituwal at sa patuloy na pagbibigay sa iba ng mga biyayang kanyang tinanggap. Walang higit na nakauunawa kaysa kanya na sa pamamagitan lamang ng biyaya ni Jehovah natatanggap niya ang kapangyarihan at kaalaman at pag- unawa, at ang mga kaloob na ito ay ibinigay upang ibigay niya sa sanlibutan ang kaalaman tungkol sa Hari ng mga hari. BN 145.4
Habang ang isang tao ay nahihikayat sa katotohanan, nagpapatuloy ang pagbabago sa karakter. Nagkakaroon siya ng higit na pag-unawa tungkol sa pagiging tagasunod sa Diyos. Ang kaisipan at kalooban ng Diyos ay nagiging kanya, at sa pamamagitan ng patuloy na pagtingin sa Diyos para sa paggabay, siya ay nagiging lalaking may higit na pang-unawa. Nagkakaroon ng pangkalahatang paglinang sa pag-iisip na inilalagay sa paggabay ng Espiritu ng Diyos. BN 145.5