At sila'y umawit ng mga papuri na may kagalakan, at sila'y yumukod at sumamba. 2 Groniea 29:30 BN 147.1
Ang paghahayag ng katotohanang may pag-ibig at damdamin, sa bahay-bahay, ay sang-ayon sa tagubilin ni Cristo na ibinigay sa Kanyang mga alagad noong suguin Niya sila sa kanilang unang paglalakbay misyonero. Sa pamamagitan ng mga awit ng papuri sa Diyos, marami ang maaabot. Ang Diyos ay paroroon upang magdala ng pagtanggap sa mga puso. “Ako'y laging sumasainyo” ang Kanyang pangako. Taglay ang katiyakan ng nananatiling presensya ng Tagapagbigay ng tulong, maaari tayong gumawa na may pag-asa at pananampalataya at katapangan. BN 147.2
Silang may kaloob ng pag-awit ay kinakailangan. Ang awitin ay isa sa pinakamabisang paraan ng pagdidiin ng espirituwal na katotohanan sa puso. Madalas na sa pamamagitan ng mga salita ng banal na awit ay nabubuksan ang mga bukal ng pagsisisi at pananampalataya. ... Ang mga kaanib sa iglesia, mga kabataan at mga matatanda, ay dapat na maturuang humayo upang ipahayag ang huling mensahe sa sanlibutan. Kung sila ay hahayong may pagpapakumbaba, ang mga anghel ng Diyos ay sasama sa kanila, na tinuturuan sila kung paano itaas ang tinig sa pananalangin, kung paano itaas ang tinig sa pag-awit, at kung paano ipangaral ang mensahe ng ebanghelyo para sa kapanahunang ito. BN 147.3
Matutong umawit ng mga pinakapayak na mga awit. Ang mga ito ay makatutulong sa inyong gawaing pagbabahay-bahay, at ang mga puso ay makararamdam ng impluwensya ng Banal na Espiritu. Si Cristo ay madalas na naririnig na umaawit ng mga himno ng papuri. . . . May katuwaan sa Kanyang puso. Mababasa natin mula sa Kasulatan na may kasiyahan sa kalagitnaan ng mga anghel sa langit sa bawat isang makasalanang nagsisisi at ang Panginoon ay nagagalak sa Kanyang iglesia na may pag-awit. BN 147.4
Gaya ng mga alagad, habang ikaw ay nagtutungo sa bawat lugar na ipinapahayag ang kasaysayan ng pag-ibig ng Tagapagligtas, magkakaroon ka ng mga kaibigan at makikita mo ang bunga ng iyong paghihirap. BN 147.5