Sa dukha ako'y naging isang ama, at siniyasat ko ang usapin niyaong hindi ko nakikilala. Job 29:16 BN 153.1
Patunay ito na si Job ay may katuwirang sang-ayon kay Cristo. Sa pamamagitan ni Jesus, ang mga tao ay maaaring magtaglay ng espiritu ng magiliw na kahabagan sa mga nangangailangan at nagugulumihanan. . . . Siya ay bumaba sa pinakamababang pagkadusta at naging masunurin hanggang kamatayan, maging ang kamatayan sa krus, upang tayo ay Kanyang itaas na maging kasamang tagapagmana Niya. Ang buong sanlibutan ay nangangailangan noong tanging si Cristo lamang ang makapagbibigay sa kanila. Hindi Niya inilayo ang Kanyang sarili sa kanilang tumatawag sa Kanya na humihingi ng tulong. Hindi Niya ginawa ang katulad ng ginagawa ng marami ngayon, na nagsasabing, “Sana'y huwag nila akong gambalain ng kanilang mga pinagkakaabalahan. Nais kong ipunin ang aking mga kayamanan, upang mamuhunan sa mga bahay at mga lupa.” Si Jesus, ang Karangyaan ng kalangitan, ay iniwan ang kagandahan ng Kanyang makalangit na tahanan, at sa mabiyayang layunin ng Kanyang puso ipinahayag Niya ang karakter ng Diyos sa mga lalaki sa buong sanlibutan. BN 153.2
Kung aalisin ang kahirapan, hindi tayo magkakaroon ng paraan upang maunawaan ang kahabagan at pag-ibig ng Diyos, walang paraan upang makilala ang mapagmahal at maawaing Ama sa langit. BN 153.3
Saklolohan muna ninyo ang mga panlupang pangangailangan ng mga mahihirap at pagaanin ang kanilang mga pisikal na pangangailangan at kahirapan, at makahahanap ka ng bukas na daraanan sa puso, kung saan maaari kang magtanim ng mga binhi ng kabutihan at relihiyon. BN 153.4
Wala nang higit na kagandahan sa ebanghelyo kaysa pagdadala nito sa mga pinakanangangailangan at mahihirap na lugar.... Ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos ay pumapasok sa dampa ng mahihirap at nililiwanagan ang kubo ng aba. . . . Ang mga sinag mula sa Araw ng Katuwiran ay nagdadala ng katuwaan sa may karamdaman at nagdurusa. Ang mga anghel ng Diyos ay naroroon. . . . Silang kinamuhian at inabandona ay maaaring maiangat sa pamamagitan ng pananampalataya at pagpapatawad sa ikararangal ng mga anak na lalaki at babae ng Diyos. BN 153.5
_______________
Ang Cristianismo ay pagbibigay kaaliwan sa mga mahihirap. BN 153.6