Kung magkagayo'y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay sa likod. Isaias 58:8 BN 155.1
Hindi ba ito ang ninanasa nating lahat? Oh, may kalusugan at kapayapaan sa pagganap sa kalooban ng ating Ama sa Langit. “Ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng Panginoon ay magiging iyong bantay sa likod. Kung magkagayo'y tatawag ka at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at Siya'y magsasabi, ‘Narito ako.’ Kung iyong alisin sa gitna mo ang pamatok, ang pang-aalipusta, at ang pagsasalita ng masama; Kung magmamagandang loob ka sa gutom, at iyong tugunin ang nais ng nagdadalamhati, kung magkagayo'y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman at ang iyong kadiliman ay magiging parang katanghaliang tapat. At patuloy na papatnubayan ka ng Panginoon, at masisiyahan ang iyong kaluluwa sa tuyong dako, at palalakasin ang iyong mga buto; at ikaw ay magiging parang halamanang nadilig, at parang bukal na ang tubig ay hindi nauubos.” BN 155.2
Kapag iyong dinamitan ang hubad, at dinala ang mahirap. . .sa iyong bahay, at ibinigay ang iyong tinapay sa mga nagugutom, “kung magkagayon ay sisikat ang iyong liwanag na parang umaga at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw.” Ang paggawa ng mabuti ay napakaiging gamot sa karamdaman. BN 155.3
Ang kasiyahan ng paggawa ng mabuti sa kapwa ay nagbibigay ng ningning sa damdamin na sumisilakbo sa pandama, nagpapabilis sa sirkulasyon ng dugo, at nagpapasigla sa kalusugang mental at pisikal. BN 155.4
Ang dalisay at hindi nadungisang relihiyon ay hindi isang damdamin, kundi ang paggawa ng kahabagan at pag-ibig. Ang relihiyong ito ay kailangan para sa kalusugan at kaligayahan. Ito ay pumapasok sa narumihang templo ng kaluluwa, at taglay ang panghampas ay pinapalayas ang mga makasalanang mapanghimasok. Kinukuha ang luklukan, pinapabanal nito ang lahat sa pamamagitan ng presensya nito, nililiwanagan ang puso. . . . Binubuksan nito ang durungawan ng kaluluwa patungo sa langit, na pinapapasok ang liwanag ng pag-ibig ng Diyos. Dumarating kasama nito ang kapayapaan at katinuan. Ang kalakasang pisikal, mental, at moral ay nadaragdagan, dahil ang impluwensya ng kalangitan, bilang isang nabubuhay at aktibong ahensya, ay pumupuno sa kaluluwa. BN 155.5