Go to full page →

Setyembre — Pagpapakabanal BN 157

Lubos na Pinabanal: Katawan, Kaluluwa, at Espiritu, 1 Setyembre BN 157

Pakabanalin nawa kayong lubos mismo ng Diyos ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 1 Tesaloniea 5:23 BN 157.1

Ang pagpapakabanal na inihayag sa Banal na Kasulatan ay may kinalaman sa buong pagkatao — espíritu, kaluluwa, at katawan. BN 157.2

Narito ang tunay na kaisipan ng lubos na pagtatalaga. Nanalangin si Pablo na tanggapin ang iglesia sa Tesaloniea ang dakilang pagpapalang ito. “Pakabanalin nawa kayong lubos mismo ng Diyos ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo.” 1 Tesaloniea 5:23.... BN 157.3

Ang tunay na pagpapakabanal ay isang lubos na pag-alinsunod sa kalooban ng Diyos. Ang mga kaisipan at damdaming mapanghimagsik ay napagtatagumpayan, at ang tinig ni Jesus ay nakagigising ng isang bagong buhay na sinasakop ang buong pagkatao. Silang tunay na pinabanal ay hindi ilalagay ang kanilang mga sariling opinyon bilang pamantayan ng tama at mali. Hindi sila panatiko o makasarili; kundi sila ay nagbabantay sa sarili, na palaging nangangambang hindi nila masunod ang mga batayan ng mga pangakong inilaan para sa kanila.... BN 157.4

Ang pagpapakabanal sang-ayon sa Biblia ay hindi binubuo ng malakas na damdamin. Dito maraming naliligaw. Ginagawa nilang batayan ang damdamin. Kapag sila ay masaya, inaangkin nilang sila ay pinabanal. BN 157.5

Ang mga masasayang damdamin o ang kawalan ng kasiyahan ay hindi ebidensyang ang isang tao ay pinabanal o hindi pinabanal. Walang biglaang pagpapakabanal. Ang tunay na pagpapakabanal ay araw-araw na gawaing nagpapatuloy sa buong buhay. Silang nakikipagdigma sa mga pang-araw-araw na tukso, na nananagumpay sa sarili nilang mga kahinaan, at nagnanasa para sa kabanalan ng puso at kabuhayan ay hindi nag-aangkinng may pagmamalaki tungkol sa kanilang sariling kabanalan. Sila ay nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran. Ang kasalanan para sa kanila ay lumalabas na labis na nakamumuhi. BN 157.6

_______________

Ang tunay na pagpapakabanal...ay walang iba kundi ang araw-araw na kamatayan sa sarili at araw-araw na pagkakahalintulad sa kalooban ng Diyos. BN 157.7