Mga asawang lalaki, mahalin ninyo ang inyu-inyong mga asawa, gaya ni Cristo na nagmahal sa iglesia, at ibinigay ang Kanyang sarili alang-alang sa kanya; upang Kanyang pakabanalin siya,na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig sa salita, upang Kanyang maiharap sa Kanyang sarili ang isang maluwalhating iglesia, na walang batik, o kulubot, o anumang gayong bagay, kundi siya ay maging banal at walang dungis. Efeso 5:25-27 BN 158.1
Narito ang pagpapakabanal sang-ayon sa Biblia. Ito ay hindi lamang palabas o panlabas na gawain. Ito ay pagpapakabanal na tinatanggap sa pamamagitan ng mga daluyan ng katotohanan. Ito ay katotohanang tinatanggap sa puso at ginagampanan sa buhay. BN 158.2
Si Jesus, sa kalagayang tao, ay sakdal, ngunit lumago pa rin Siya sa biyaya. Lueas 2:52: “Lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.” Maging ang pinakaperpektong Cristiano ay maaaring patuloy na lumago sa kaalaman at pag-ibig sa Diyos. .. . BN 158.3
“Subalit lumago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian ngayon at hanggang sa araw ng walang hanggan. Amen.” BN 158.4
Ang pagpapakabanal ay hindi gawain sa isang sandali, isang oras, o isang araw. Ito ay patuloy na paglago sa biyaya. Hindi natin malalaman kung gaano ang magiging lakas ng pakikipagtunggali sa susunod na araw. Buhay si Satanas, at kumikilos at araw-araw nating kailangang masikap na magsumamo sa Diyos para sa tulong at lakas na mapaglabanan siya. Hanggang naghahari si Satanas magkakaroon tayo ng sariling kailangang masupil, mga pagsubok na kailangang mapanagumpayan, at wala tayong pagtitigilan, walang lugar kung saan maaari nating sabihing atin nang natamo. .. . BN 158.5
Ang buhay Cristiano ay patuloy na pagsulong. Si Jesus ay umuupong tagapagpadalisay ng Kanyang bayan; at kapag ang Kanyang larawan ay lubusan nang naipahayag nila, sila ay magiging sakdal at banal, at nakahanda na para sa langit. BN 158.6
Ang bawat nabubuhay na Cristiano ay susulong sa bawat araw sa banal na kabuhayan. Habang siya ay sumusulong patungo sa kasakdalan, nakararanas siya ng pagkahikayat sa Diyos sa bawat araw; at ang pagkahikayat na ito ay hindi nakukumpleto hanggang hindi niya natatamo ang ganap na karakter na Cristiano, isang buong paghahanda para sa pinakahuling paghipo ng buhay na walang hanggan. BN 158.7