Magalak kayong lagi sa Panginoon; muli kong sasabihin. Magalak kayo. Filipos 4:4 BN 160.1
Sa pamamagitan ni Jesus ang mga nagkasalang mga anak ni Adan ay nagiging “mga anak ng Diyos.” “Sapagkat ang gumagawang banal at ang mga ginawang banal ay pawang nagmula sa isa. Dahil dito ay hindi nahihiya si Jesus na tawagin silang mga kapatid.” Ang buhay Cristiano ay dapat maging isang buhay ng pananampalataya, ng tagumpay, at ng kasiyahan sa Diyos. “Sapagkat ang sinumang ipinapanganak ng Diyos ay dumadaig sa sanlibutan at ito ang tagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.” Tunay ang pagkakasabi ng lingkod ng Diyos na si Nehemias, “Ang kagalakan ng Panginoon ang inyong kalakasan.” At sinasabi ni Pablo: “Magalak kayong lagi sa Panginoon; muli kong sasabihin, magalak kayo.” “Magalak kayong lagi. Manalangin kayong walang patid. Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo.” BN 160.2
Ganito ang mga bunga ng pagpapakabanal sang-ayon sa Biblia. BN 160.3
Ang likas ng taong tunay na may katuwiran ay lubos na napupuno ng pag-ibig para sa Diyos at sa kanyang kapwa na anupa't taos-puso niyang ginagawa ang mga gawain ni Cristo. BN 160.4
Ang lahat ng napapasailalim sa kanyang impluwensya ay nakakikita sa kagandahan at halimuyak ng kanyang buhay Cristiano, habang siya mismo ay hindi ito napapansin, sapagkat ito ay katugma sa kanyang mga nakasanayan at hilig. Nananalangin siya para sa banal na kaliwanagan, at natutuwang lumakad sa liwanag na iyon. Ito ay kanyang pagkain at inuming tumalima sa kalooban ng kanyang Ama sa langit. Ang kanyang buhay ay natatago kay Cristo sa Diyos; ngunit hindi niya ipinagmamalaki ito, o napapansin man. Ngumingiti ang Diyos sa mga mapagpakumbaba at mabababang malapit na sumusunod sa mga yapak ng Panginoon. Naaakit ang mga anghel sa kanila at natutuwang manatili sa kanilang landas. Maaaring sila ay madaan-daanan lamang bilang hindi karapat-dapat ng pansin ng mga nag-aangkin ng matataas na natamo at nagagalak sa pagpapasikat ng kanilang mabuting mga gawa: ngunit ang mga anghel sa langit ay maibiging yumuyukod sa ibabaw nila at nagiging moog ng apoy sa palibot nila Ibinigay sa tao ang pribilehiyong maging tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. BN 160.5