Kung paanong Ako'y lyong sinugo sa sanlibutan, sila ay sinugo Ko rin sa sanlibutan. At dahil sa kanila'y pinabanal Ko ang Aking sarili, upang sila naman ay pabanalin sa katotohanan. Juan 17:18, 19 BN 161.1
Sinabi ni Cristo na pinabanal Niya ang Kanyang sarili, upang tayo rin ay pabanalin. Tinanggap Niya sa Kanyang sarili ang ating mga likas, at naging isang walang dungis na tularan para sa mga tao. Hindi Siya nakagawa ng pagkakamali, upang tayo rin ay maging mananagumpay, at pumasok sa Kanyang kaharian bilang mga nanaig. Nanalangin Siyang tayo ay pakabanalin sa katotohanan. Ano ang katotohanan? Sinabi Niyang, “Ang Iyong salita ay katotohanan.” Ang Kanyang mga alagad ay pinabanal sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan. Sinabi Niyang, “Gayunma'y hindi lamang sila ang idinadalangin Ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa Akin sa pamamagitan ng kanilang salita.” Ang panalanging iyon ay para sa atin. Tayo ay nanampalataya sa patotoo ng mga alagad ni Cristo. Nanalangin Siya upang ang Kanyang mga alagad ay maging iisa, na gaya Niya at ng Ama na iisa; at ang pagkakaisang ito ng mga mananampalataya ay magiging patotoo sa sanlibutan na sinugo Niya tayo at ating taglay ang patunay ng Kanyang biyaya. BN 161.2
Tayo ay kailangang madala sa banal na pagkamalapit sa Manunubos ng sanlibutan. Tayo ay dapat na makiisa kay Cristo na gaya Niyang kaisa sa Ama. Napakabuting pagbabago ang nararanasan ng bayan ng Diyos sa pamamagitan ng pakikiisa sa Anak ng Diyos! Ang ating mga panlasa, hilig, ambisyon, at mga damdamin ay nalulupig at nadadala sa pagkakatulad sa kaisipan at espiritu ni Cristo. Ito ang pinakagawaing nais ng Diyos na gawin para sa kanilang nananampalataya sa Kanya. Ang ating buhay at pagkilos ay dapat magkaroon ng nakahuhulmang kapangyarihan sa sanlibutan. Ang espiritu ni Cristo ay dapat manguna sa buhay ng Kanyang mga tagasunod, upang magsalita at kumilos silang gaya ni Jesus. Sinabi ni Cristo, “At ang kaluwalhatiang ibinigay Mo sa Akin ay ibinigay Ko sa kanila.” ... BN 161.3
Ang biyaya ni Cristo ay makagagawa ng kamangha-manghang pagbabago sa buhay at karakter ng tumatanggap nito; at kung tayo ay mga tunay na alagad ni Cristo, makikita ng sanlibutan na ang banal na kapangyarihan ay may ginawa para sa atin; sapagkat samantalang tayo ay nasa sanlibutan, hindi tayo sa sanlibutan. BN 161.4