Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salita ng Kanyang biyaya, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana na kasama ng lahat na mga ginawang banal. Gawa 20:32 BN 171.1
Ang mahalagang pananampalatayang kinasihan ng Diyos ay nagbibigay ng kalakasan at karangalan. Habang nartanatili ang kaisipan sa Kanyang kabutihan, Kanyang habag, at Kanyang pagibig, palinaw nang palinaw ang magiging pagkaunawa sa katotohanan; magiging higit na mataas at banal ang pagnanasa para sa kadalisayan ng puso at pagiging malinaw ng pag-iisip. Ang kaluluwang nananahan sa mga banal na kaisipan ay nababago ng pakikipagtalastasan sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang Salita. Ang katotohanan ay napakalaki, napakalayo ng abot, napakalalim, napakalawak na anupa't ang sarili ay nakakalimutan. Ang puso ay napapalambot at napapasuko sa pagpapakumbaba, kabutihan, at pag-ibig. BN 171.2
Ang mga likas na kapangyarihan ay napapalawak dahil sa banal na pagsunod. Mula sa pag-aaral ng mga salita ng buhay, ang mga mag- aaral ay maaaring humayong taglay ang mga kaisipang pinalawak, pinataas, pinarangal. . . . Magiging malakas ang kanilang mga pag- iisip dahil sa kadalisayan. Ang bawat kagalingang intelektwal ay mapapasigla. Maaari nilang maturuan at madisiplina ang kanilang mga sarili upang ang lahat na nasa ilalim ng kanilang impluwensya ay makakita kung ano ang maaaring maabot ng tao, at kung ano ang makakaya niyang gawin, kapag nakaugnay sa Diyos ng karunungan at kapangyarihan. BN 171.3
Hindi kailanman pinapababa ng katotohanan iyong tumatanggap. Ang impluwensya ng katotohanan sa kanyang tumatanggap dito ay hahantong sa kanyang pag-angat. . . . BN 171.4
Silang pinapabanal sa pamamagitan ng katotohanan ay mga buhay na patotoo sa kapangyarihan nito at sila ay mga kinatawan ng Panginoon na nabuhay mag-uli. Ang relihiyon ni Cristo ay magpapakinis sa panlasa, magpapabanal sa pananaw, mag-aangat, magpapadalisay, at magpaparangal sa kaluluwa, upang ang Cristiano ay maging higit na handa para sa pakikisama sa mga anghel sa langit. BN 171.5
Ninanais ng Diyos na punuin natin ang ating mga isip ng mga dakilang kaisipan, mga dalisay na kaisipan Walang taong nagtataglay ng espiritung nagnanasang makaunawa sa mga turo nito ang maaaring makabasa ng maski iisang talata mula sa Biblia na walang nakukuhang nakatutulong na kaisipan mula dito. BN 171.6