Sapagkat sila'y lalamunin ng bukbok na parang bihisan, at kakainin sila ng uod na parang balahibo ng tupa; ngunit ang Aking katuwiran ay magiging magpakailanman, at ang Aking pagliligtas ay sa lahat ng salinlahi. Isaias 51:8 BN 178.1
Nakahanap ako sa mga kasuotang kailangan ko ng ilang mga kasuotang lana na sa unang tingin ay tila maayos, ngunit noong ilagay sa ilaw at inalog na mabuti ay nakita ang nakasisirang gawain ng mga bukbok. Kung hindi kami malapit na nagsiyasat, marahil ay hindi namin natuklasan ang kanilang paninira. Ang bukbok ay napakaliit na hayop na halos hindi makita, ngunit hayag ang mga bakas nito, at ang kasiraang ginagawa nito sa mga kasuotang balahibo at lana ay nagpapakitang praktikal na manggagawa ito kahit na hindi nakikita at inaasahan. BN 178.2
Ang Iihim ngunit nakasisirang gawain ng mga bukbok ay nagpaalala sa atin sa ilang mga taong ating nakilala. Gaano kadalas na ang ating mga puso ay nagdusa dahil sa biglaang pahayag sa pagkilos nilang inaasahan nating makagagawa nang higit na mabuti. Ngunit nahayag ang tunay nilang karakter na dati ay nakatago sa paningin ng lahat. Kapag inilagay sa liwanag ng Salita ng Diyos at ang karakter ay matagpuang gaya ng kasuotan na kinain ng bukbok na kapag inalog at sinaliksik ay makakakitaan ng nakasisirang gawain na nagaganap na ng lihim sa loob ng maraming taon. BN 178.3
Nangailangan ng mahabang panahon sa kadiliman bago magawa ng bukbok ang paninira. Nangangailangan din ng panahon, paunti-unti, para ang isang bata o kabataan ay makadama ng kagaanan at kasiyahan at pagiging ligtas sa isang masamang gawain, isang tagong landas sa paningin ng lahat. Ang iisang pagkilos, maging mabuti o masama, ay hindi nakabubuo ng karakter, ngunit ang mga pag-iisip at damdamin na pinagbibigyan ay naghahanda ng daan para sa mga pagkilos na katulad ng mga ito. . . . Mag-ingat kayong huwag pahintulutan ang inyong mga paang kunin ang unang hakbang sa daan ng kasamaan. BN 178.4
Kung ilalatag ninyo ang pundasyon ng inyong karakter sa dalisay at mabuting buhay na hinahanap ang tulong at kalakasan mula sa Diyos, ang inyong karakter ay hindi magiging gaya ng kasuotang kinain ng bukbok, ngunit ito'y magiging matibay at buo. BN 178.5