Titindig kayo sa harap ng mga uban at igagalang ninyo ang mukha ng matanda, at katatakutan ninyo ang inyong Diyos; Ako ang Panginoon. Levitico 19:32 BN 188.1
May mga paglilingkod na nararapat sa ibang hindi maaaring isantabi habang sumusunod sa mga utos ng Diyos. Ang mabuhay, mag-isip, at kumilos para sa sarili lamang ay katumbas ng pagiging walang silbing mga lingkod ng Diyos.. . . BN 188.2
Labis na marami sa ating samahan ang hindi mapalagay, madaldal, mapag-angat sa sarili, at inuuna ang kanilang sarili na hindi nagtataglay ng paggalang sa edad, karanasan, o katungkulan. Nagdurusa ang iglesia sa kasalukuyan dahil sa kakulangan ng tulong mula sa isang kabaligtarang karakter—mga lalaking mapagpakumbaba, tahimik, at may takot sa Diyos na magdadala sa mga pasaning nakaatang sa kanila na hindi kanais-nais, hindi para sa karangalan kundi upang makapaglingkod sa kanilang Panginoon na namatay para sa kanila. Ang mga taong may ganitong karakter ay hindi nag-iisip na nakababawas sa kanilang karangalan ang pagtindig sa harapan ng may gulang at pagbigay galang sa mga nakatatanda. . . . BN 188.3
Magalak Niyang pararangalan silang may takot at paggalang sa Diyos. Maaaring maitaas ang tao upang makapagbuo ng kawing na nag-uugnay sa langit at sa lupa. Nagmula siya sa kamay ng Manlalalang na may timbang na karakter, na nagtataglay ng mga kakayanan para sa pagpapabuti sapat upang maiangat niya ang kanyang sarili halos hanggang sa kalagayan ng isang anghel sa pamamagitan ng pagsasanib ng kapangyarihan ng Diyos sa pagsisikap ng tao. Ngunit kapag naiangat siya nang ganito, hindi niya mapapansin ang kanyang sariling kabutihan at kadakilaan. BN 188.4
Higit na iginaganyak ng Diyos ang matimtimang paggalang sa mga matatanda. Sinasabi Niyang, “Ang ulong may uban ay putong ng kaluwalhatian (kung) masusumpungan sa daan ng katuwiran.” Nagpapabatid ito ng mga labang ipinaglaban, at mga tagumpay na tinamo; ng mga pasaning dinala, at mga tuksong tinanggihan. Naglalahad ito tungkol sa mga napapagod na mga paang nalalapit na sa kanilang pamamahinga, ng mga lugar na malapit nang maging bakante. Tulungan ang mga batang pag-isipan ang tungkol dito, at kanilang padadaliin ang daan ng mga matatanda sa pamamagitan ng kanilang paggalang at pagrespeto at magdadala ng biyaya at kagandahan sa kanilang mga murang kabuhayan habang kanilang sinusunod ang kautusan na “titindig kayo sa harapan ng may uban at igagalang ninyo ang mukha ng matanda.” BN 188.5