Isang Diyos na kakilakilabot sa kapulungan ng rnga banal, at kinatatakutan ng higit sa lahat na nangasa palibot Niya. Awit 89:7 BN 190.1
Ang isa pang mahalagang biyayang dapat maingatan ay ang paggalang. Ang tunay na paggalang sa Diyos ay inudyukan sa pamamagitan ng pagkilala sa Kanyang walang hanggang kadakilaan at pagkadama sa Kanyang presensya. Ang puso ng bawat anak ay dapat magtaglay ng pagkakadamang ito sa Kanya na hindi nakikita. Dapat maturuan ang mga batang ingatang banal ang oras at lugar ng panalangin at ang mga paglilingkod sa pagsambang pampubliko dahil naroroon ang Diyos. At habang nakikita ang paggalang sa kanyang pag-uugali at pagkilos, higit na mapapalalim ang damdaming pinagmumulan nito. BN 190.2
Makabubuti para sa mga bata at matatanda ang pag-aralan, pagbulay- bulayin, at ulit-ulitin ang mga salitang ito ng Banal na Kasulatan na nagpapakita kung paano dapat ituring ang lugar na naglalahad ng natatanging presensya ng Diyos. BN 190.3
“Hubarin mo ang iyong panyapak sa iyong mga paa,” inutusan Niya si Moises sa nagniningas na puno; “sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa.” BN 190.4
Matapos mamasdan ang pangitain ng mga anghel, sinabi ni Jacob na, “Tunay na ang Panginoon ay nasa dakong ito, at hindi ko nalalaman.” BN 190.5
Dapat makita ang pagpapakumbaba at paggalang sa pagkilos ng lahat na pumapasok sa presensya ng Diyos. Sa ngalan ni Jesus maaari tayong makalapit na may katiyakan sa Kanyang harapan, ngunit hindi tayo dapat lumapit sa Kanya na may lakas ng loob sa maling palagay, na tila Siya ay kapantay natin. May ilang nagsasalita sa dakila at pinakamakapangyarihan at banal na Diyos, na naninirahan sa liwanag na hindi malalapitan, na parang nangungusap sila sa isang kapantay nila, o maging mababa pa sa kanila. May ilang kumikilos sa Kanyang bahay sa paraang hindi nila gagawin sa presensya ng isang makalupang tagapangulo. Dapat alalahanin ng mga ito na sila ay nasa paningin Niyang sinasamba ng mga serafin, na nagtatakip ng mukha ang mga anghel sa Kanyang harapan. Dapat pagpitaganan ang Diyos; yuyukod na may pagpapakumbaba ang lahat ng tunay na kumikilala sa Kanyang presensya sa Kanyang harapan. BN 190.6