Banal at kagalang-galang ang Kanyang pangalan. Awit 111:9 BN 191.1
ailangan ding maipakita ang paggalang sa pangalan ng Diyos. Hindi dapat nababanggit na may kagaanan at walang pagpapahalaga ang pangalang iyon. Maging sa panalangin ay dapat iwasan ang madalas at walang kabuluhang pag-uulit nito. Silang nadadala sa pakikipagtipan sa Diyos ay nangangakong mangungusap tungkol sa Kanya sa pinakamagalang at pamimitagang pamamaraan. . . . BN 191.2
Ang pagmumura, at lahat ng pananalitang nasa anyo ng panunumpa, ay hindi nakapagbibigay karangalan sa Diyos. Nakakikita ang Panginoon, nakaririnig ang Panginoon, at hindi Niya pawawalang salain ang lumalabag. Hindi Siya malilibak. Silang bumabanggit sa pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan ay mahihintakutan kapag napasakamay sila ng buhay na Diyos. BN 191.3
Sa pamamagitan ng hindi nag-iisip na pagbanggit sa Diyos sa pangkaraniwang pag-uusap, sa pamamagitan ng paghingi sa Kanya sa mga bagay na walang kabuluhan, at sa pamamagitan ng madalas at walang pag-iisip na pag-ulit sa Kanyang pangalan sinisiraang-puri natin ang Diyos. BN 191.4
Napakalabo ng pagtingin ng ilan sa kabanalan ng Diyos, at gaano kadalas nilang binabanggit sa walang kabuluhan ang banal at kagalang-galang Niyang pangalan, na hindi nakikilalang ang Diyos, ang dakila at makapangyarihang Diyos, ang kanilang binabanggit. Habang nananalangin, gumagamit ang ilan ng mga pananalitang hindi maingat at walang galang, na nagpapalungkot sa magiliw na Espiritu ng Panginoon at nagiging dahilan upang hindi marinig ng kalangitan ang kanilang mga panalangin. BN 191.5
“Banal at kagalang-galang ang Kanyang pangalan.” Hindi kailanman nararapat na ituring na walang kabuluhan sa anomang kaparaanan ang mga titulo o katawagan sa Diyos. Sa panalangin, tayo ay pumapasok sa silid ng Kataas-taasan, at nararapat tayong lumapit sa Kanyang harapan na may banal na pagkamangha. Ang mga anghel ay nagsisipagtakip ng kanilang mga mukha sa Kanyang presensya. Ang mga kerubin at ang mga maliliwanag at banal na mga serafin ay Iumalapit sa Kanyang luklukan na may banal na paggalang. Gaano pa kaya tayong mga mortal at makasalanang mga nilalang ay dapat na lumapit sa kaparaanang may paggalang sa harapan ng Panginoon, ang ating Manlalalang! BN 191.6