Inyong dinggin ang Aking tinig, at Ako'y magiging inyong Diyos, at kayo'y magiging Aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos Ko sa inyo, sa ikabubuti ninyo. ]eremias 7:23 BN 192.1
Kailangan mo at kailangan kong mapalinaw at mapalakas ang ating mga espirituwal na pananaw upang matunghayan ang panukala ng pagkatubos na gaya nang hindi pa natin natutunghayan. Nais nating makadama ang ating mga puso ng malalakas na pagtibok ng pag-ibig ng isang Tagapagligtas. Sa pananaliksik sa kasulatan, sa pagpapakain sa mga salita ng buhay, ituring itong tinig ng Diyos sa kaluluwa. Maaari tayong malito kung minsan sa mga tinig ng ating mga kaibigan; ngunit sa Biblia mayroon tayong mga payo ng Diyos tungkol sa lahat ng mga mahahalagang paksa patungkol sa walang hanggan, at matututo tayong lubos sa mga bagay na pansamantala. Palaging akma ang mga turo nito sa ating kalagayan at sukat upang ihanda tayong manindigan sa pagsubok at maghanda sa atin para sa gawaing ibinigay sa atin ng Diyos. BN 192.2
Ang Biblia ay tinig ng Diyos na nangungusap sa atin, na kasing tiyak kung atin itong naririnig sa ating mga tainga. Kung malalaman natin ito, gaano ang pagkamanghang tataglayin natin sa pagbubukas ng Salita ng Diyos, at gaano nga ang ating magiging kasigasigan sa pagsunod sa mga payo nito. Ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Kasulatan ay pahahalagahan bilang pakikiniig sa Isang Walang Hanggan. BN 192.3
Dapat nating buksan ang Salita ng Diyos na may paggalang at may taos-pusong pagnanasang makilala ang kalooban ng Diyos tungkol sa atin. Mangunguna ang mga anghel sa langit sa ating pagsasaliksik. Nangungusap sa atin ang Diyos sa Kanyang Salita. Tayo ay nasa silid ng Kataas-taasan, sa mismong presensya ng Diyos. Si Cristo ay pumapasok sa ating mga puso. BN 192.4
Ipakitang pinapahalagahan mo ang iyong pananampalataya, na nangungusap na may paggalang tungkol sa mga banal na bagay. Huwag mong pahintulutang makatakas sa iyong mga labi ang isa mang magaan at walang kabuluhang pananalita sa tuwing sumisipi ng Kasulatan. Habang hinahawakan mo ang Biblia sa iyong mga kamay, alalahaning nakatayo ka sa banal na lupa. BN 192.5