At ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga magulang, nagsugo sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang mga sugo, na bumangong maaga at nagsugo, sapagkat Siya'y nagdalang habag sa Kanyang bayan, at sa Kanyang tahanang dako. Ngunit kanilang tinuya ang mga sugo ng Diyos, at niwalang kabuluhan ang Kanyang mga salita, at dinusta ang Kanyang mga propeta hanggang sa ang pag-iinit ng Panginoon ay bumugso laban sa Kanyang bayan hanggang sa mawalan ng kagamutan. 2 Cronica 36:15,16 BN 194.1
Nararapat na magpakita ng paggalang sa mga kinatawan ng Diyos—sa mga ministro, guro, at mga magulang na tinawagan upang mangusap at kumilos para sa Kanya. Sa paggalang na ipinapakita sa kanila Siya ay napaparangalan. BN 194.2
Ang edukasyon at pagsasanay sa mga kabataan ay dapat magkaroon ng karakter na magtataas sa mga banal na bagay at hihikayat ng dalisay na katapatan para sa Diyos sa Kanyang tahanan. Maraming nag-aangking mga anak ng makalangit na Hari ang hindi nagtataglay ng tunay na pagpapahalaga sa kabanalan ng mga bagay na walang hanggan.... BN 194.3
Madalang silang natuturuan na kinatawan ng Diyos ang mga ministro, na ang pabalitang kanilang dinadala ay ahensyang itinalaga ng Diyos para sa kaligtasan ng mga kaluluwa, at lahat ng nabibigyan ng pagkakataong makamit ang pribilehiyong ito ay magiging pampalasa ng buhay tungo sa buhay o kamatayan tungo sa kamatayan. . . . BN 194.4
Marami . . . ang ginagawang tampulan ng pagpuna sa tahanan ang paglilingkod sa Diyos, na sumasang-ayon sa ilang mga bagay samantalang hinahatulan ang iba. . . . Tungkol sa paglilingkod sa santuwaryo, kung ang tagapagsalita ay may bahid, matakot kang banggitin ito. Mangusap ka lamang tungkol sa mabuting gawaing kanyang ginagawa, tungkol sa mabubuting kaisipang kanyang inilahad, na dapat mong sundin na gaya nang tagubiling nagmumula sa isang kinatawan ng Diyos.. . . BN 194.5
Malibang maidiin ang matuwid na kaisipan ng tunay na pagsamba at paggalang sa mga tao, magkakaroon ng lumalawig na pagkahilig na ilagay ang mga bagay na banal at walang hanggan sa hanay ng mga pangkaraniwang bagay, at silang nag-aangkin ng katotohanan ay magiging pasakit sa Diyos at kahihiyan sa relihiyon. Taglay ang magagaspang nilang mga kaisipan, hindi nila kailanman matututuhang pahalagahan ang dalisay at banal na kalangitan, kung saan ang lahat ay kadalisayan at kaganapan, kung saan may ganap na paggalang ang bawat nilalang para sa Diyos at sa Kanyang kabanalan. BN 194.6
Inilalarawan ni Pablo ang gawain ng mga kinatawan ng Diyos na maihaharap sa pamamagitan ng mga ito ang bawat tao na sakdal kay Jesu-Cristo. BN 194.7