lpangingilin ninyo ang Aking mga sabbath, at igagalang ninyo ang Aking santuwaryo; Ako ang Panginoon. Levitico 19:30 BN 195.1
Mataas at banal ang Diyos; at para sa mapagpakumbaba at nananampalatayang kaluluwa, ang Kanyang tahanan sa lupa, ang lugar kung saan nagtitipon upang sumamba ang Kanyang bayan, ay siyang pintuan ng kalangitan. Ang awit ng papuri, ang mga salitang binigkas ng mga ministro ni Cristo, ay siyang mga itinalagang ahensya ng Diyos upang ihanda ang isang bayan para sa iglesia sa kaitaasan, para sa higit na mataas na pagsamba. BN 195.2
Sa tuwing pumapasok ang mga sumasamba sa lugar na pagpupulungan, kailangang isagawa nila itong may kaayusan, na tahimik na dumadaan patungo sa kanilang mga luklukan. . . . Ang pangkaraniwang pag-uusapan, pagbubulungan, at pagtatawanan ay hindi dapat pahintulutan sa bahay ng pagsamba, maging bago magsimula o pagkatapos ng pagsamba. Dapat maging katangian ng mga sumasamba ang maalab at masikap na kabanalan. BN 195.3
Kung kailangang maghintay ng ilang minuto bago magsimula ang pagpupulong, hayaang panatilihin nila ang tunay na espiritu ng kabanalan sa pamamagitan ng tahimik na pagninilay-nilay, na pinapanatili ang pusong nakataas sa Diyos sa pananalangin upang maging natatanging pakinabang ang paglilingkod sa kanilang sariling mga puso at humantong sa pagsisisi at pagkahikayat ng ibang mga kaluluwa. Dapat nilang alalahaning nasa tahanan ang mga makalangit na tagapagbalita. Tayong lahat ay nawawalan ng napakalaking bahagi ng matamis na pakikipagniig sa Diyos dahil sa ating sariling kabalisahan, dahil sa hindi pagpapahalaga sa mga sandali ng pagbubulay-bulay at pananalangin. . . . BN 195.4
Itaas ninyo ang mga pamantayan ng Cristianismo sa isip ng inyong mga anak; tulungan ninyo silang maihabi si Jesus sa kanilang mga karanasan; turuan ninyo silang magkaroon ng pinakamataas na paggalang sa tahanan ng Diyos at unawaing sa tuwing pumapasok sila sa bahay ng Diyos ito ay dapat gawing may pusong pinalambot at pinasakop sa ganitong mga kaisipan: “Narito ang Diyos. Bahay Niya ito. Dapat akong magkaroon ng mga dalisay na kaisipan at pinakabanal na mga motibo. . . . Ito ang lugar kung saan kinakatagpo at binabasbasan ng Diyos ang Kanyang bayan.” ... BN 195.5
Hindi lamang dapat magturo ang mga magulang, kundi mag-utos, sa kanilang mga anak na pumasok sa santuwaryo na may kahinahunan at paggalang. BN 195.6
Sanayin mo ang paggalang hanggang maging bahagi ito ng iyong pagkatao. BN 195.7