Masdan ninyo kung gaanong pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo'y mangatawag na mga anak ng Diyos. 1 Juan 3:1 BN 198.1
Anong pag-ibig, anong hindi matutumbasang pag-ibig, na, bagaman mga makasalanan at mga taga-ibang lupa, maaari tayong maibalik sa Diyos at ampunin sa Kanyang sambahayan! Maaari natin Siyang tawagin sa magiliw na pangalang, “Ama Namin,” na isang tanda ng ating pagmamahal sa Kanya at pangako ng Kanyang matimyas na paglingap at pakikipagrelasyon sa atin. At ang Anak ng Diyos, na minamasdan ang mga tagapagmana ng biyaya, ay “hindi Siya nahihiyang tawagin silang mga kapatid.” Sila pa nga ay may higit na banal na relasyon sa Diyos kaysa mga anghel na hindi nagkasala. BN 198.2
Ang lahat ng makaamang pag-ibig na bumaba sa atin mula sa maraming henerasyon sa pamamagitan ng daluyan ng mga puso ng tao, lahat ng mga bukal ng katimyasan na bumukas sa mga kaluluwa ng mga tao, ay tila munting sapa-sapaan lamang sa hindi masukat na kalawakan ng dagat, kung ihahambing sa walang hanggang pag-ibig ng Diyos. Hindi ito mabigkas ng dila o mailarawan ng panulat. Maaari mong pagbulay-bulayan ito sa bawat araw ng iyong buhay; maaari mong saliksiking mabuti ang Kasulatan upang maunawaan ito, maaari mong tawagin ang bawat kapangyarihan at kakayahang ibinigay sa inyo ng Diyos, sa pagsisikap na maunawaan ang pag-ibig at pagmamahal ng Ama sa langit, ngunit mayroon pa ring walang hanggan sa kabila nito. BN 198.3
Sa lahat ng kanyang mga anak, nakikita ng Diyos ang larawan ng kanyang bugtong na Anak. May pag-ibig Siyang tumitingin sa kanila na higit pa sa kayang ihayag ng wika. Niyayakap Niya sila sa Kanyang mga bisig ng pag-ibig. Nagagalak ang Panginoon sa Kanyang bayan. BN 198.4
Tinubos Niya tayo mula sa sanlibutang walang pagmamalasakit at pinili tayong maging kaanib ng Kanyang makaharing sambahayan, mga anak na lalaki at babae ng makalangit na Hari. Inaanyayahan Niya tayong magtiwala sa Kanya, isang pagtitiwalang higit na malalim at matibay kaysa pagtitiwala ng anak sa kanyang ama sa lupa. BN 198.5
Ang Diyos ay isang magiliw, mapagmahal, at makalangit na Ama sa atin. BN 198.6