Sapagkat sa ganitong bagay kayo'y ;tinawag, sapagkat si Cristo man ay nagbata dahil sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang kayo'y mangagsisunod sa mga hakbang Niya. Na Siya'y hindi nagkasala, kinasumpungan man ng daya ang Kanyang bibig. 1 Pedro 2:21, 22 BN 205.1
Si Cristo ang ating halimbawa sa lahat ng mga bagay. Sa kalooban ng Diyos, nagugol ang Kanyang kabataan sa Nazaret, kung saan may gayong karakter ang mga naninirahan na palagi siyang nalalantad sa mga tukso, at kailangan Niyang magbantay upang manatiling dalisay at walang dungis sa gitna ng napakaraming kasalanan at kasamaan. BN 205.2
Hindi pinili ni Cristo ang lugar na ito. Ang Ama Niya sa langit ang pumili nito para sa Kanya, kung saan masusubukan ang Kanyang karakter sa iba 't ibang kaparaanan. Napailalim ang kabataan ni Cristo sa matitinding pagsubok, kahirapan, at pakikipagpunyagi, upang mabuo Niya ang isang ganap na karakter na dahil dito Siya ay naging isang perpektong halimbawa para sa mga bata, kabataan at matatanda... . BN 205.3
Pinanukala ang buhay ni Cristo upang ipakitang hindi nakasalig ang kadalisayan, katatagan, at pagiging matibay sa mga prinsipyo sa buhay na malaya sa kahirapan, karukhaan, at kawalan. Binata ni Cristo na walang pag-angal ang mga pagsubok at kahirapang iniaangal ng napakaraming mga kabataan. At ang disiplinang ito ang siya mismong karanasang kailangan ng mga kabataan, na magpapatibay sa kanilang karakter at gagawin silang gaya ni Cristo, malakas sa espiritu upang tumanggi sa tukso. Hindi sila mapapanagumpayan ng mga pakana ni Satanas kung hihiwalay sila mula sa impluwensya nilang magliligaw sa kanila at magpaparumi sa kanilang moralidad. Sa pamamagitan ng araw-araw na pananalangin sa Diyos, magkakaroon sila ng katalinuhan at biyaya mula sa Kanya upang mapanghawakan ang mga sigalot at mga mahihirap na katotohanan ng buhay, at lumabas na matagumpay. Ang katapatan at kapayapaan ng isip ay mapapanatili lamang sa pamamagitan ng pagbabantay at pananalangin. Ang buhay ni Cristo ay halimbawa ng masikap na kalakasan, na hindi pinahintulutang pahinain ng paninira, panunuya, kagutuman, o mga kahirapan. . . . At kung paano nila pinananatili ang kanilang katapatan ng karakter sa kabila ng mga nakapagpapahina ng kalooban, ang kanilang katatagan, kalakasan, at pagtitiyaga ay lalago, at lalakas sila sa espiritu. BN 205.4