Kaya 't nararapat sa Kanya na sa lahat ng mga bagay ay matulad sa Kanyang mga kapatid, upang maging isang dakilang saserdoteng maawain at tapat sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang gumawa ng pangpalubag-loob patungkol sa mga kasalanan ng bayan. Hebreo 2:17 BN 206.1
Nakatayo ang Nakatatandang Kapatid ng ating lahi sa tabi ng walang hanggang luklukan. Tumitingin Siya sa bawat kaluluwang binabaling ang paningin sa Kanya bilang kanilang Tagapagligtas. Alam Niya sa pamamagitan ng karanasan kung ano ang mga kahinaan ng sangkatauhan, kung ano ang ating mga pagnanasa, at kung saan malakas ang tukso sa atin. . . . Binabantayan ka Niya, natatakot na anak ng Diyos. Natutukso ka ba? Ililigtas ka Niya. Mahina ka ba? Palalakasin ka Niya. Wala ka bang alam? Tuturuan ka Niya. Nasugatan ka ba? Pagagalingin ka Niya. Isinasaysay ng Panginoon “ang bilang ng mga bituin”; ngunit “Kanyang pinapagaling ang mga bagbag na puso, at tinatalian Niya ang kanilang mga sugat “. BN 206.2
Anoman ang iyong mga kagulumihanan at mga pagsubok, ilatag mo ang iyong kaso sa harapan ng Panginoon. Mapapatibay ang iyong espiritu para makatagal ka. Mabubuksan ang daan upang maikalas mo ang iyong sarili mula sa kahihiyan at kahirapan. Habang nakikilala mo ang iyong sariling higit na mahina at walang kakayahan, higit kang magiging malakas sa Kanyang kalakasan. Habang bumibigat ang iyong mga pasanin ay higit na magiging mabiyaya ang kapahingahan sa pagsuko mo sa kanila sa iyong Tagabuhat ng Pasanin. BN 206.3
Maaaring magpahi walay sa mga kaibigan ang mga kalagayan. Maaaring mamagitan sa atin at sa kanila ang mga tubig ng malawak na karagatan. Ngunit walang kalagayan, walang distansya ang maghihiwalay sa atin mula sa Tagapagligtas. Saanman tayo naroroon, Siya ay nasa ating kanang kamay, upang umalalay, magpanatili, mag-angat, at magpasaya. Ang pag- ibig ni Cristo para sa Kanyang mga tinubos ay higit pa sa pag-ibig ng ina para sa kanyang anak. Karapatan natin ang manahan sa Kanyang pag- ibig; upang sabihing, “Ako'y magtitiwala sa Kanya; dahil ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa akin.” BN 206.4
Maaaring magbago ang pag-ibig ng tao, ngunit hindi magbabago ang pag-ibig ni Cristo. Kapag humihingi tayo sa Kanya ng tulong, nakaunat ang Kanyang kamay upang magligtas. BN 206.5
Ninanais Niyang mapag-alaman nating nagbalik Siya sa langit bilang ating Nakatatandang Kapatid at ang hindi masusukat na kapangyarihang ibinigay sa Kanya ay inilagay para sa ating paggamit. BN 206.6