Kaya't sinabi ng Faraon sa kanyang mga lingkod, “Makakakita kaya tayo ng isang taong kagaya nito, na kinakasihan ng espiritu ng Diyos?” Sinabi ng Faraori kay Jose, “Yamang itinuro sa iyo ng Diyos ang lahat ng ito, ay walang matalino o pantas na gaya mo. Ikaw ang magiging pinuno sa aking bahay, at ayon sa iyong salita ay susunod ang aking buong bayan; tanging tungkol lamang sa pagkahari magiging mataas ako kaysa iyo.” Genesis 41:38-40 BN 66.1
Mula pa piitan, si Jose ay itinaas upang maging pinuno sa buong lupain ng Ehipto. Ito ay katayuan ng mataas na karangalan, ngunit puno ng kahirapan at kapahamakan. Hindi makatatayo ang isang tao sa napakataas na lugar na walang panganib. Kung paanong ang mababang bulaklak sa libis ay hindi nagagalaw ng bagyo habang binubunot nito ang mataas na puno sa tuktok ng bundok, silang nagpanatili sa kanilang katapatan sa pagpapakumbaba ay maaaring hilahin pababa sa hukay ng mga tuksong kaakibat sa makamundong tagumpay at karangalan. Ngunit nakayanan ng katapatan ni Jose ang pagsubok maging ng paghihirap o ng kaalwanan. Iyong katapatan sa Diyos na nakita sa kanya noong siya ay tumayo sa palasyo ng Faraon ay siya ring namasdan noong siya ay bihag sa isang selda. Isa pa rin siyang banyaga sa bansa ng mga di-binyagan, hiwalay sa kanyang mga kaanak, sa mga sumasamba sa Diyos; ngunit nanalig siyang ang banal na kamay ang siyang gumagabay sa kanyang mga hakbang, at sa patuloy na pagtitiwala sa Diyos, matapat niyang ginampanan ang mga tungkulin sa kanyang posisyon. Sa pamamagitan ni Jose ang paningin ng hari at ng mga dakilang tao sa Ehipto ay napatuon sa tunay na Diyos; at natutuhan nilang gumalang sa mga prinsipyong naipapahayag sa buhay at pag-uugali ng isang sumasamba kay Jehova. BN 66.2
Paano nakapagbigay si Jose nang gayong tala ng katatagan ng karakter, katuwiran, at kaalaman?—Sa kanyang kabataan ginampanan niya ang mga tungkulin imbes na mga hilig; at ang katapatan, payak na pagtitiwala, at marangal na likas ng kabataan ay nagbunga sa mga gawa ng lalaki Ang matapat na pagbibigay pansin sa tungkulin sa bawat kalagayan, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas, ay siyang nagsanay sa bawat kakayahan para sa pinakamataas nitong paglilingkod. Siya na nabubuhay sang-ayon sa kalooban ng Manlalalang ay nagtatabi para sa kanyang sarili ng pinakamakatotohanan at marangal na pag-unlad ng karakter. BN 66.3