Si Naaman na punong kawal ng hukbo ng hari ng Siria, ay dakilang lalaki sa harapan ng kanyang panginoon .... Siya ay isang makapangyarihang lalaki na may kagitingan, subalit siya'y ketongin. Ang mga taga-Siria, sa isa sa kanilang pagsalakay ay nagdala ng bihag na dalagita mula sa lupain ng Israel, at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman. Sinabi niya sa kanyang babaing panginoon, ‘Sanay naroon ang aking panginoon na kasama ng propeta na nasa Samaria! Kanyang pagagalingin siya sa kanyang ketong. 2 Hari 5:1-3 BN 131.1
Isang aliping malayo sa kanyang tahanan, ang dalagitang ito ay naging isa pa rin sa mga saksi ng Diyos, na hindi namamalayang ginagampanan ang layunin kung bakit pinili ng Diyos ang Israel bilang Kanyang bayan. Habang siya ay naglilingkod sa paganong tahanang iyon, ang kanyang mga damdamin ay nagising para sa kanyang panginoon, at sa pagkakagunita sa nakamamanghang himala ng pagpapagaling na nagawa sa pamamagitan ni Eliseo, sinabi niya sa panginoon niyang babae, “Sana'y naroon ang aking panginoon na kasama ng propeta na nasa Samaria! Kanyang pagagalingin siya sa kanyang ketong.” Alam niyang ang kapangyarihan ng kalangitan ay na kay Eliseo, at naniniwala siyang sa pamamagitan ng kapangyarihang ito maaaring mapagaling si Naaman. BN 131.2
Ang pagkilos ng bihag na batang babae, ang paraan kung paano siya kumikilos sa tahanang pagano, ay isang malakas na patotoo sa kapangyarihan ng pagsasanay sa tahanan habang bata pa. Wala nang higit na mataas na gawain kaysa doon sa nabigay sa mga ama at ina sa pangangalaga at pagsasanay ng kanilang mga anak. BN 131.3
Hindi natin alam kung anong linya ng paglilingkod matatawagan ang ating mga anak. Maaari nilang gugulin ang buong buhay nila sa tahanan; maaari silang mapunta sa mga pangkaraniwang gawain, o bilang mga tagapagturo ng ebanghelyo sa mga paganong lupain; ngunit ang lahat ay magkakatulad na tinatawagan upang maging misyonero para sa Diyos, mga ministro ng kahabagan sa sanlibutan.... BN 131.4
Habang tinuturuan siya tungkol sa Diyos, hindi nalalaman ng mga magulang ng batang Hebreo kung ano ang kanyang magiging kapalaran. Ngunit sila ay naging tapat sa kanilang gawain; at sa tahanan ng kapitang taga-Siria na kanyang tinutuluyan, ang kanilang anak ay sumaksi para sa Diyos na natutunan niyang parangalan. BN 131.5