Nang magtatakipsilim na, lumapit sa Kanya ang mga alagad Niya, na nagsasabi, . . . Papuntahin mo na ang mga tao sa mga nayon upang makabili sila ng kanilang makakain. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, . . . Bigyan ninyo sila ng makakain. At sinabi nila sa Kanya, Mayroon lamang tayong limang tinapay at dalawang isda. Sinabi Niya, Dalhin ninyo rito sa Akin. . . . Tumingala Siya sa langit, binasbasan Niya ang mga ito, pinagputul-putol at ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa maraming tao... Kinuha nila ang mga lumabis na pinagputul-putol na tinapay, at napuno ang labindalawang kaing. Mateo 14:15-20 BN 132.1
Sa talinghagang ito nakapaloob ang isang malalim na araling espirituwal para sa mga manggagawa ng Diyos. . . . Sa buong pagtitiwala sa Diyos, tinanggap ni Jesus ang tinapay; at bagaman mayroon pero kakaunti para sa sarili Niyang pamilyang mga alagad, hindi Niya sila inanyayahang kumain, kundi nagsimulang ipamigay ito, inaatasan silang paglingkuran ang mga tao. Ang pagkain ay dumami sa Kanyang mga kamay; at ang kamay ng mga alagad na iniunat patungo kay Cristo, na Siya mismo ang Tmapay ng Buhay, ay hindi nawalan. Ang kakaunti ay naging sapat para sa lahat. Matapos mapunan ang pangangailangan ng mga tao, tinipon ang natira, at si Cristo at ang Kanyang mga alagad ay nakakain ng mahalagang pagkaing ibinigay ng kalangitan. BN 132.2
Ang mga alagad ang daluyan ng pakikipagtalastasan sa pamamagitan ni Cristo at ng mga tao. Dapat itong maging pampalakas ng loob sa mga alagad ngayon. Si Cristo ang Dakilang Sentro, ang Pinagmumulan ng lahat ng kalakasan. Dapat tumanggap ang Kanyang mga alagad mula sa Kanya.... Habang nagpapatuloy tayo sa pagbibigay, patuloy rin tayong tatanggap; at habang lalo tayong nagbibigay, lalo naman tayong tatanggap. . . . BN 132.3
Tingnan mo iyong tubigang tumatanggap ng ulan mula sa kalangitan ngunit wala namang labasan. Hindi ito nagiging pagpapala kaninoman, bagkus ang hindi umaagos na pagkamakasarili nito ay lumalason sa hangin sa palibot nito. Ngayon, tunghayan naman ang ilog na umaagos mula sa gilid ng bundok na pinananariwa ang nauuhaw na lupain na dinadaanan nito. Anong dakilang pagpapala ang dinadala nito! Maaaring maisip na sa labis na mapagbiyayang pagbibigay mauubos ang pinagkukunan nito. Ngunit hindi gayon. Bahagi ng dakilang panukala ng Diyos na ang ilog na nagbibigay ay hindi mauubusan; at sa bawat araw, sa bawat taon ay patuloy itong aagos, na palaging tumatanggap at palaging nagbibigay. BN 132.4