Ako’y nagmamadali at hindi naaantala na sundin ang iyong mga utos. Awit 119:60. LBD 40.1
Bumubuo sa tao ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ng isang magandang karakter na kasang-ayon sa lahat na dalisay at banal at walang dungis. Sa buhay ng ganitong tao nagiging malinaw ang mensahe ng ebanghelyo ni Cristo. Sa pagtanggap sa kahabagan ni Cristo at sa Kanyang pagpapagaling mula sa kapangyarihan ng kasalanan, dinadala siya sa tamang pakikipagrelasyon sa Diyos. Ang kanyang buhay, na nalinis mula sa lahat ng pagmamataas at pagkamakasarili, ay puno ng pag-ibig ng Diyos. Nagbibigay sa kanya ang kanyang araw-araw na pagsunod sa batas ng Diyos ng karakter na tumitiyak para sa kanya ng buhay na walang-hanggan sa kaharian ng Diyos. LBD 40.2
Sa Kanyang buhay dito sa lupa, nagbibigay ang Tagapagligtas sa atin ng halimbawa ng banal na pamumuhay na maaaring mapasaatin kung ating itatalaga ang mga araw sa paggawa ng kabutihan sa mga kaluluwang nangangailangan ng ating pagtulong. Karapatan nating magdala ng kasiyahan sa mga nalulumbay, liwanag sa nadidiliman, at buhay sa mga namamatay. Dumarating ang mensahe ng Panginoon sa atin, “Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa? Gumawa . . . samantalang araw pa. Dumarating ang gabi, na walang taong makakagawa.” Ang bawat salitang ating binibigkas, bawat pagkilos na ating ginagawa na nagdudulot ng kasiyahan sa iba ay magdaragdag sa sarili nating kasiyahan, at gagawing gaya ng buhay ni Cristo ang ating mga buhay. LBD 40.3
Dapat magalak na tanggapin at magalak ding isagawa ang mga pang-arawaraw nating tungkulin. Ang paghahayag sa pamamagitan ng mga salita at pagkilos ng isang buhay na magpapakita ng mga kabutihan ng kalangitan ang pangunahin nating tungkulin. Naibigay sa atin ang Salita ng buhay upang pag-aralan at isagawa. Dapat na nasa mahigpit na pagkakatulad ang ating mga kilos sa mga batas ng kaharian sa langit. Sasang-ayunan kung magkagayon ng kalangitan ang ating gawain; at darami ang mga talentong ginagamit natin sa Kanyang paglilingkod para sa higit na kabutihan. Magniningning ang buhay ng nakatalaga sa gitna ng kadiliman ng sanlibutan, na ginagabayan ang mga kaluluwang nangamamatay sa katotohanan ng Salita. . . . LBD 40.4
Sa Kanyang Kaloob sa sanlibutan, ipinahayag ng Panginoon kung gaano Siya kabuti, upang taglayin natin sa ating mga buhay ang mga tanda ng ating pagkamamamayan sa langit sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa bawat sinag ng ilaw na natanggap natin na lumiwanag sa pamamagitan ng mabubuting gawa sa ating mga kapwa-tao.— Manuscript 49, 1907. LBD 40.5