Kaya't sila'y ipinatawag nila at inutusan na sa anumang paraan ay huwag na silang magsalita ni magturo sa pangalan ni Jesus, Ngunit sumagot sa kanila si Pedro at si Juan, “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig muna sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol, sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig” Mga Gawa 4:18-20, TKK 332.1
Ang panagako ng Banal na Espiritu ang pinakamaliwanag na pag-asa at ang pinakamalakas na kaaliwang maaaring iwan ni Cristo sa Kanyang mga alagad nang umakyat Siya sa langit. Ang katotohanan ng Salita ng Diyos ay nailibing sa ilalim ng basura ng mga maling interpretasyon; ang kasabihan ng mga tao, ang mga salita ng pagkataong may kahinaan, ay itinaas na higit sa Salita ng buhay na Diyos. Sa ilalim ng nagbibigay-liwanag na kapangyarihan ng Banal na Espiritu, inihiwalay ng mga apostol ang katotohanan mula sa mga maling teorya, at ibinigay sa mga tao ang salita ng buhay. TKK 332.2
Madalas na tinatanggihan ang Banal na Espiritu sapagkat dumarating ito sa hindi inaasahang mga paraan. Karagdagang mga katunayan na ang mga apostol ay nagsasalita at kumikilos sa ilalim ng inspirasyon ng Diyos ang ibinigay sa mga paring Judio at mga pinuno, ngunit sila'y matigas sa kanilang pagtanggi sa mensahe ng katotohanan. Dumating si Cristo sa hindi nila inaasahang paraan, at bagamat may mga pagkakataong sila ay kumbinsidong Siya ang Anak na Diyos, gayunpaman ay tinanggihan nilang maniwala, at sa gayon ay naging mas bulag at nagmatigas kaysa dati. Kanilang ipinako si Cristo, ngunit sa kaawaan ni Cristo ay binigyan sila ng dagdag na patunay sa mga gawang ipinakita ng mga alagad. Sinugo Niya ang Kanyang mga lingkod para sabihin sa kanila ang kanilang ginawa, at kahit na sa nakatatakot na akusasyong kanilang pinatay ang Prinsipe ng buhay, Siya'y muling nanawagan sa kanila upang magsisi. Ngunit, sa kanilang pakiramdam na sila'y ligtas sa sarili nilang katuwiran, hindi handa ang mga gurong Judio na amining ang mga taong sumasaway sa kanila sa pagpapako kay Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. . . . TKK 332.3
Hindi ipinahayag ang galit ng Diyos laban sa mga tao dahil lamang sa kasalanang kanilang nagawa, ngunit dahil pinili nilang magpatuloy sa kalagayan ng paglaban, sapagkat kanilang inuulit ang kasalanan ng nakalipas sa kabila ng liwanag at patotoong ibinigay sa kanila. Kung napasakop ang mga pinunong Judio, napatawad sana sila; ngunit nagmatigas sila at hindi napasakop. Sa gayunding paraan, ang makasalanan, sa pamamagitan ng patuloy na pagtanggi, ay naglalagay ng kanyang sarili kung saan wala siyang nalalaman kundi ang paglaban.— SIGNS OF THE TIMES, September 27,1899 . TKK 332.4