Ngunit ikaw naman, magsalita ka ng mga bagay na angkop sa mahusay na aral, Tito 2:1. TKK 336.1
Nasa patuloy tayong panganib ng pagiging higit sa kasimplihan ng ebanghelio. May malalim na pagnanais sa bahagi ng karamihan na gumulantang sa mundo taglay ang isang bagay na orihinal, na magbubuhat sa mga tao tungo sa lubos na kalagayang espiritwal, at baguhin ang kasalukuyang nangyayaring karanasan. Totoong may malaking pangangailangan sa kasalukuyang kalagayan ng karanasan; sapagkat ang kabanalan ng katotohanang pangkasalukuyan ay hindi nangyayari kung paanong nararapat, ngunit ang pagbabagong kailangan natin ay pagbabago ng puso, at matatamo lamang natin sa indibidwal nating paglapit sa Diyos para sa pagpapala Niya, sa pamamagitan ng pakikiusap sa Kanya para sa Kanyang kapangyarihan, sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin na dumating ang Kanyang biyaya sa atin, at mabago ang ating mga karakter. Ito ang pagbabagong ating kinakailangan ngayon, at para maabot ang karanasang ito dapat tayong magsikap ng buong lakas at magpakita ng buong pusong pagiging maalab. Dapat tayong tumawag ng may totoong sinseridad, “Ano ang aking gagawin para maligtas?” Dapat nating malaman kung anong mga hakbang ang ating nilalakaran tungo sa langit. TKK 336.2
Nagbigay si Cristo sa Kanyang mga alagad ng mga katotohanang ang lawak at lalim at halaga ay hindi masyadong pinahalagahan, o naunawaan, at ang gayunding kalagayan ang makikita sa bayan ng Diyos ngayon. Hindi rin natin nagawang angkinin ang kadakilaan, na makita ang kagandahan ng katotohanang ipinagkatiwala sa atin ng Diyos ngayon. Kung uunlad tayo sa espiritwal na pagkaunawa, makikita natin ang katotohanang umuunlad at lumalawak ayon sa paraang hindi natin pinangarap, ngunit kailanman ay hindi ito lalago sa daang magdadala sa atin sa pag-iisip na malalaman natin ang mga oras at mga panahong inilagay ng Diyos sa Kanyang sariling kapangyarihan. TKK 336.3
Muli't muli na ako'y binigyang babala tungkol sa pagbibigay ng oras. Hindi na magkakaroon pa ng mensahe para sa bayan ng Diyos na nakabatay sa panahon. Hindi natin malalaman ang eksaktong oras maging sa pagbubuhos ng Espiritu Santo o ang pagdating ni Cristo.— REVIEW AND HERALD, March 22,1892 . TKK 336.4