“Hindi ba't mahigpit naming ipinagbawal sa inyo na huwag kayong magturo sa pangalang ito, ngunit tingnan ninyo, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig pa ninyong iparating sa amin ang dugo ng taong ito!” Ngunit sumagot si Pedro at ang mga apostol, “Kailangang sa Diyos kami sumunod, sa halip na sa mga tao” Mga Gawa 5:28,29, TKK 346.1
Narinig ko ang mga nadaramtan ng kasuotang pandigma na sinasalita ang katotohanan na may dakilang kapangyarihan. May epekto ito. Nakita ko yaong mga itinali: mga asawang babaeng tinalian ng kanilang mga asawang lalaki; at mga anak na tinalian ng kanilang mga magulang. Ang mga tapat na hinawakan o pinigilang marinig ang katotohanang ngayon ay sabik na pinanghahawakan ang sinalitang katotohanan. Naglaho lahat ng takot sa kanilang mga kamag-anak. Ang katotohanan lamang ang naitaas sa kanila. Ginigiliw ito at higit na mahalaga kaysa buhay. Nagugutom at nauuhaw sila sa katotohanan. Aking itinanong ang dahilan ng malaking pagbabagong ito. Sumagot ang anghel, “Ito ang huling ulan. Ang pagpapanariwa mula sa presensiya ng Panginoon. Ang malakas na tinig ng ikatlong anghel.” TKK 346.2
Dakilang kapangyarihan ang taglay ng mga piniling ito. Ang sabi ng anghel, “Tingnan mo!” Ang aking atensyon ay natuon sa masasama, o mga hindi nananampalataya. Nagtataka silang lahat. Ang kasigasigan at kapangyarihang taglay ng bayan ng Diyos ay pumukaw at nagpagalit sa kanila. Pagkalito, pagkalito ang pumapaligid sa kanila. Nakita ko ang hakbang na isinagawa laban sa grupong ito, na nagtataglay ng kapangyarihan at liwanag ng Diyos. Kumapal ang kadiliman sa paligid nila, gayunman sila'y nakatayo doon, na sinasang- ayunan ng Diyos, at nagtitiwala sa Kanya. Nakita ko silang naguguluhan. TKK 346.3
Sumunod ay nakita ko silang taimtim na tumatawag sa Diyos. Sa mga araw at gabi ang kanilang pagtawag ay hindi tumitigil. Narinig ko ang mga salitang ito, “Maganap nawa ang iyong kalooban, o Diyos! Kung makaluluwalhati ito sa iyong pangalan, gumawa ka ng paraang makatakas ang Iyong bayan! Iligtas mo kami mula sa mga paganong pumapaligid sa amin! Inilagay nila kami sa kamatayan; ngunit makapaghahatid ng kaligtasan ang iyong bisig.” Ito ang lahat ng mga salitang naaalala ko. Sila'y parang may malalim na damdamin ng pagiging hindi karapatdapat, at nagpakita ng buong pagpapasakop sa kalooban ng Diyos. Gayunman ang lahat, walang hindi kasama, ay taimtim na nakikiusap, at nakikipag-punyaging gaya ni Jacob para sa pagliligtas.— REVIEW AND HERALD, December 31,1857. TKK 346.4