Sapagkat ang ating pakikipaglaban ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pinuno, laban sa mga may kapangyarihan, laban sa mga kapangyarihang di-nakikita na naghahari sa sanlibutan sa kadilimang ito, laban sa hukbong espiritwal ng kasamaan sa kalangitan, Efeso 6:12, TKK 352.1
sang pakikipaglaban ang buhay ng Kristiyano. Ngunit “ang ating pakikipaglaban ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pinuno, laban sa mga may kapangyarihan, laban sa mga kapangyarihang di-nakikita na naghahari sa sanlibutan sa kadilimang ito, laban sa hukbong espiritwal ng kasamaan sa kalangitan.” Magiging matagumpay lamang tayo sa pakikipaglabang ito ng katuwiran laban sa kawalang katuwiran sa pamamagitan ng tulong ng Diyos. Ang ating kaloobang may hangganan ay kailangang dalhin sa pagpapasakop sa kalooban ng Walang Hanggan; dapat makipag-isa sa Diyos ang kalooban ng tao. Ito ay magdadala sa banal na Espiritu para tumulong sa atin; at bawat pagsakop ay mauuwi sa pagsasauli ng biniling pag-aari ng Diyos, tungo sa pagpapanumbalik ng Kanyang larawan sa kaluluwa. TKK 352.2
Kumikilos ang Panginoong Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu; sapagkat ito ang Kanyang kinatawan. Sa pamamagitan nito ay inihahalo Niya ang espiritwal na buhay sa kaluluwa, na pinasisigla ang lakas nito sa ikabubuti, na nililinis ito sa karumihang moral, at ginagawa Niya itong angkop sa Kanyang kaharian. May malaking pagpapalang ibibigay Si Jesus, mayayamang mga kaloob na ipamamahagi sa mga tao. Siya ang kahanga-hangang Tagapayo, walang hanggan sa karunungan at kalakasan, at kung ating kikilalanin ang kapangyarihan ng Kanyang Espiritu, at pasasakop para hubugin nito, tatayo tayong walang kakulangan sa Kanya. Anong kaisipan ito! Kay Cristo “naninirahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos sa katawan, at kayo'y napuspos sa kanya” (Colosas 2:9, 10). TKK 352.3
Hindi kailanman malalaman ng tao ang kaligayahan hanggang sa ito ay pasakop para hubugin ng Espiritu ng Diyos. Pinatatalima ng Espiritu ang napanauling kaluluwa sa modelo, si Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng impluwensiya ng Espiritu, binago ang pakikipaglaban sa Diyos tungo sa pananampalataya at pag-ibig, at ang pagmamataas tungo sa kapakumbabaan. Nauunawaan ng kaluluwa ang kagandahan ng katotohanan, at pinararangalan si Cristo sa kahusayan at kasakdalan ng karakter. Habang nangyayari ang mga pagbabagong ito, nagsisimula ang mga anghel ng nakaaakit na awit, at nagsasaya ang Diyos at si Cristo sa mga kaluluwang inanyuan sa wangis ng Diyos.— REVIEW AND HERALD, February 10,1903. TKK 352.4