Kaya't kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang kayo'y makatagal sa araw na masama, at kung magawa na ninyo ang lahat ay tumayong matatag. Kaya't tumindig kayo, na ang inyong mga baywang ay nabibigkisan ng katotohanan na suot ang baluti ng katuwiran, at nakasuot sa inyong mga paa ang pagiging handa para sa ebanghelyo ng kapayapaan. Kasama ng lahat ng mga ito, taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na sa pamamagitan nito ay inyong masusugpo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama. At taglayin ninyo ang helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Diyos. Efeso 6:13-17, TKK 353.1
Kailangang harapin ng mga sundalong nakikibahagi sa digmaan ang mga kahirapan. Magaspang na mga pagkain ang ibinibigay sa kanila, at iyon kadalasan ay limitado. May mahaba silang lakarin, araw-araw, sa mahihirap na mga daan at nakapapasong sikat ng araw, nagkakampo kapag gabi, na natutulog sa lupang walang sapin, na mayroon lamang langit bilang kanilang takip, lantad sa tigmak na ulan at maginaw na nagyeyelong hamog, gutom, nanghihina, sobrang pagod, na ngayon ay nakatayo na inaasinta ng kaaway, ngayon ay nasa nakamamatay na pakikipagsagupa. Sa gayon ay kanilang natututuhan ang kahulugan ng kahirapan. Yaong napabilang sa mga sundalo ni Cristo ay inaasahan ding gawin ang mahihirap na trabaho, at pasanin ang masakit na mga pagsubok na may pagtitiis para kay Cristo. Ngunit yaong mga nagdurusa kasama Niya ay maghahari ring kasama Niya. TKK 353.2
Kung gayon ay sino sa atin ang pumasok sa paglilingkod para umasa sa kaginhawahan ng buhay, at lumiban sa tungkulin kung nais natin, na ibinababa ang ang baluti ng sundalo at magsusuot ng damit ng sibilyan, at matutulog sa puwesto ng tungkulin na sa gayon ay inilalagay ang gawain ng Diyos sa kahihiyan? Ang maibigin sa kaalwanan ay hindi magsasagawa ng pagtanggi sa sarili at matiyagaang pagtitiis; at kapag ang mga lalaki ay kailangang gumawa ng malalaking hakbang para sa Diyos, ang mga ito ay hindi handang sumagot, “Narito ako; suguin mo.” Mahihirap at mabibigat na trabaho ay kailangang gawin, ngunit mapalad yaong mga handang gawin ito kapag tinawag ang pangalan nila. Hindi gagantimpalaan ng Diyos ang mga lalaki at babae sa susunod na sanlibutan sa pagsisikap nilang maging komportable rito. TKK 353.3
Tayo ngayon ay nasa larangan ng digmaan. Walang panahon para magpahinga, walang panahon para sa kaalwanan, walang panahon para sa makasariling kalayawan. Matapos makamit ang isang kalamangan, dapat kang makipaglaban muli, dapat kang humayo para manakop at magtagumpay, na nagtitipon ng panibagong lakas para sa panibagong pakikipagpunyagi. Nagbibigay ang bawat pagtatagumpay ng dagdag na tapang, pananampalataya, at determinasyon. Sa pamamagitan ng banal na kapangyarihan mapapatunayan mong nakahihigit ka para sa iyong mga kaaway.— SIGNS of THE TIMES, September 7,1891 . TKK 353.4