Sa kahuli-hulihan, patuloy kayong magpakalakas sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang lakas, Efeso 6:10. TKK 357.1
Bilang bayan, naghihintay tayo sa pagdating ng Panginoon sa mga ulap ng langit; at gaano ang dapat na pag-iingat nating suriin ang ating mga puso upang malaman natin kung nasa pananampalataya tayo. Parang may ulap sa mga mata ng marami, sapagkat nabibigo silang unawain ang mga espiritwal na mga bagay, at hindi nakikita ang mga paggawa ni Satanas para dakpin ang mga kaluluwa. Hindi dapat na maging alipin ng silakbo ng damdamin ang mga Kristiyano; dapat silang pangunahan ng Espiritu ng Diyos. Ngunit naging laruan ng kaaway ang marami, dahil kapag dumating ang tukso, hindi sila nagpapahinga kay Jesus, sa halip ay nag-aalala sa sarili nila sa labas ng Kanyang mga bisig, at sa kabalisahan ay nawala ang lahat nilang pananampalataya at tapang. Hindi nila naalala na si Jesus ay tumulong sa kanila mula sa kahirapan ng nakalipas, na ang Kanyang biyaya ay sapat para sa araw-araw na pagsubok, at makatutulong Siya sa kasalukuyang bagabag. TKK 357.2
Nagkakamali tayo sa ating maliliit at araw-araw na kahirapan, at hinahayaan silang inisin at galitin tayo; habang bumabagsak tayo sa ilalim nila, at sa gayon ay gumagawa ng ikatitisod para sa kanilang sarili at sa iba. Ngunit ang mga pagpapalang may pinakamalaking halaga ay magiging resulta ng katatagan ng pagtitiis sa araw-araw na panggagalit; sapagkat kailangan nating magkaroon ng lakas para pasanin ang mas malaking mga hirap. Ipipilit sa atin ni Satanas ang pinakamatinding mga tukso, at dapat tayo matutong lumapit sa Diyos sa anuman at lahat ng kagipitan. . . . TKK 357.3
Sinasabi nating tayo ay mga Kristiyano ng Biblia, at hindi tayo iniwan sa kadiliman para humakbang patuloy sa kawalang kasiguruhan. Dapat nating malaman kung saan tayo patungo. Hindi maaaring nasa kadiliman tayo kung sumusunod tayo kay Cristo bilang ating tagapanguna, sapagkat Kanyang sinabi, “Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12). Kapag ang daan ay parang napaliligiran ng kahirapan, at natatakpan ng ulap ng kadiliman, dapat tayong maniwalang may liwanag sa unahan, at hindi lilingon sa kanan o sa kaliwa, sa halip ay magpatuloy, sa kabila ng lahat ng mga pagsubok at mga tukso.— REVIEW AND HERALD, May 19,1891 . TKK 357.4