Sapagkat hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, “Abba! Ama!” Roma 8:15, TKK 358.1
Nag-uumpisa sa puso ang gawain ng pagpapabanal, at dapat nating marating ang ganoong ugnayan sa Diyos, na anupa't mailalagay ni Jesus ang larawan ng Diyos sa atin. Dapat maalis ang sarili upang bigyang-puwang si Jesus, ngunit marami na ang may mga pusong puno ng mga idolo na wala ng puwang para sa Manunubos. Nabihag na ang mga puso ng mga tao. Itinutuon nila ang kanilang isipan at damdamin sa kanilang mga negosyo, posisyon, at pamilya. Pinanghahawakan nila ang kanilang mga opinyon at mga pamamaraan, at itinatangi ang mga ito bilang mga idolo ng kaluluwa; ngunit hindi natin maaaring isuko ang ating mga sarili sa paglilingkod lamang sa sarili, na pinanghahawakan ang sariling mga paraan at mga ideya at inihihiwalay ang mga katotohanan ng Diyos. TKK 358.2
Dapat maalis ang sarili. Ngunit hindi lamang ito ang kailangan, sapagkat kapag tinanggihan na natin ang ating mga idolo, ang lugar nila ay dapat mapunan. Kung maiwang mapanglaw ang puso, at hindi mapunan, malalagay ito sa kondisyon ng isang bahay na “walang laman, nawalisan at naiayos na” (Mateo 12:44), ngunit walang panauhin para manahan dito. Nagsama ang masamang Espiritu ng pitong mga espiritung mas malala pa kaysa kanya, at pumasok sila roon at nanahan doon; at ang huling kalagayan ng taong iyon ay mas malala pa kaysa dati. . . . TKK 358.3
Maaaring maramdaman mong hindi mo makuha ang pagsang-ayon ng langit. Maaari mong sabihing, “Ipinanganak akong may pagkahilig sa kasamaang ito, at hindi ako makapagtatagumpay.” Ngunit ibinigay na ng ating Ama sa langit ang lahat ng kaloob kung saan magtatagumpay ka sa lahat ng masamang gawi. Dapat kang magtagumpay tulad ng pagtatagumpay ni Cristo para sa iyo. “Ang magtagumpay ay pagkakalooban ko na umupong kasama ko sa aking trono, gaya ko naman na nagtagumpay at umupong kasama ng aking Ama sa kanyang trono” (Apocalipsis 3:21). Nilagay ng kasalanan sa peligro ang pamilya ng tao, at bago pa nalikha ang tao, may probisyon nang ginawa na kung mabigo man siya sa pagsubok, si Jesus ang kanyang magiging sakripisyo at kasiguruhan, na sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya, ang tao ay maaaring maipagbati sa Diyos, sapagkat si Cristo ang Kordero “na pinaslang buhat nang itatag ang sanlibutan” (Apocalipsis 13:8). Namatay si Cristo sa Kalbaryo upang magkaroon ng kapangyarihang magtagumpay ang tao sa kanyang likas na pagkahilig sa kasalanan. TKK 358.4
Ngunit may nagsasabing, “Maaari ba akong magkaroon ng sariling pamamaraan, at kumilos bilang ako?” Hindi, hindi ka maaaring magkaroon ng sariling pamamaraan, at makapasok sa kaharian ng langit. Hindi magkakaroon ng “sarili kong paraan” doon. Ang pamamaraan natin ay dapat palitan ng pamamaraan ng Diyos.— REVIEW AND HERALD, February 23,1892. TKK 358.5