“Alam ko ang iyong mga gawa. Tingnan mo, inilagay ko sa harapan mo ang isang pintong bukas, na hindi maisasara ng sinuman. Alam kong ikaw ay may kaunting kapangyarihan, ngunit tinupad mo ang aking salita, at hindi mo itinakuwil ang aking pangalan,” Apocalipsis 3:8. TKK 360.1
Maitataas sa Diyos at sa harapan ng Kanyang mga anghel yaong magiging mga mapagtagumpay. Ipinangako ni Jesus na ipahahayag ang kanilang mga pangalan sa harapan ng Ama at sa harapan ng mga anghel ng langit. Ipinagkaloob Niya sa atin ang Kanyang saganang mga pangako para mapalakas tayo na maging mapagtagumpay. Ang Totoong Saksi ay nagbigay sa atin ng kasiguruhan, na inilagay Niya sa atin ang isang bukas na pinto, na walang taong makapagsasara. TKK 360.2
Silang nagsisikap na maging tapat sa Diyos ay maaaring tanggihan ang maraming mga pribilehiyo ng sanlibutan; ang kanilang pamamaraan ay maaaring nababakuran at ang kanilang gawain ay mapigilan ng kaaway ng katotohanan; ngunit walang kapangyarihang makapagsasara ng pinto ng pakikipag-ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng mga kaluluwa. Ang Kristiyano sa sarili niya ay maaaring magsara ng pinto sa pamamagitan ng pagpapalayaw sa kasalanan, o sa pamamagitan ng pagtanggi sa liwanag ng langit. Maaari niyang ilayo ang kanyang mga pandinig sa pakikinig ng mensahe ng katotohanan, at sa ganitong paraan ay inilalayo ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at kaluluwa. TKK 360.3
Maaaring mayroon kang pandinig, at hindi makarinig. Maaaring may paningin ka, at hindi makakita ng liwanag, o makatanggap ng tanglaw na ipinagkaloob ng Diyos para sa iyo. Maaari mong isara ang pintuan sa liwanag kung paanong ang mga Pariseo ay mabisang nagsara ng pintuan kay Cristo nang nagturo Siya sa kalagitnaan nila. Hindi nila tinanggap ang liwanag at kaalamang dala Niya, dahil dumating ito sa paraang hindi nila inaasahan na pagdating nito. Si Cristo ang liwanag ng sanlibutan, at kung tatanggapin nila ang liwanag na mapagbiyaya Niyang dinala sa kanila, magreresulta ito sa kanilang kaligtasan, ngunit kanilang tinanggihan ang Banal ng Israel. TKK 360.4
Sinabi ni Cristo sa kanila na “inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw sapagkat ang kanilang mga gawa ay masasama. Sapagkat ang bawat na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit ang ilaw, upang ang kanyang mga gawa ay huwag malantad” (Juan 3:19, 20). Kanyang sinabi, “Subalit ayaw ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay” (Juan 5:40). Bukas ang daan; ngunit sa kanilang sariling paraan ng pagkilos ay kanilang isinara ang pintuan, at pinutol ang ugnayan kay Cristo. Maaari rin natin ito magawa sa pamamagitan ng pagtanggi sa liwanag at katotohanan.— REVIEW AND HERALD, Mareh 26,1889 . TKK 360.5