Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga tumakabo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Kaya't tumakbo kayo sa gayong paraan upang iyon ay inyong mapagwagian. Ang bawat nakikipaglaban sa mga palaro ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng mga bagay; ginagawa nila iyon upang sila ay makatanggap ng isang korona na may pagkasira, ngunit tayo'y sa walang pagkasira. 1 Corinto 9:24,25 TKK 361.1
G aano karaming taon na tayong nasa hardin ng Panginoon? At anong pakinabang ang ating nadala sa Panginoon? Paano natin hinaharap ang sumusuring mata ng Diyos? Lumalago ba tayo sa paggalang, pag-ibig, pagpapakumbaba, at kapanatagan sa Diyos? Iniibig ba natin ang pagpapasalamat para sa lahat Niyang kaawaan? Sinisikap ba nating pagpalain ang mga nakapaligid sa atin? Ipinakikita ba natin ang espiritu ni Jesus sa ating mga pamilya? Itinuturo ba natin ang Kanyang Salita sa ating mga anak, at ipinaaalam sa kanila ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos? Dapat ilarawan ng mga Kristiyano si Jesus sa pamamagitan ng pagiging mabuti at paggawa ng mabuti. Sa gayon ay magkakaroon ng samyo tungkol sa buhay, isang pagiging kaibig-ibig ng karakter, na maghahayag ng katotohanang siya ay anak ng Diyos, isang tagapagmana ng langit. TKK 361.2
Mga kapatid, huwag nang maging mga tamad na lingkod. Bawat kaluluwa ay dapat humarap laban sa kinahiligan. Naparito si Cristo hindi para iligtas ang mga tao kasama ang kanilang mga kasalanan, sa halip ay mula sa kanilang mga kasalanan. Ginawa Niyang posible para sa ating magmay-ari ng banal na karakter; kung magkagayon ay huwag maging kontento sa mga depekto at kasiraan. Sa halip ay habang masigasig nating pinagsisikapan ang kasakdalan ng karakter, dapat nating tandaang ang pagpapakabanal ay hindi gawaing sandali lamang, sa halip ay habambuhay. Sinabi ni Pablo, “Ako'y namamatay araw-araw” (1 Corinto 15:31). Araw araw ang gawain ng pagtatagumpay ay dapat sumulong. Araw araw ay dapat nating labanan ang tukso, at makuha ang tagumpay laban sa pagkamakasarili sa lahat ng anyo nito. TKK 361.3
Araw-araw ay dapat nating taglayin ang pag-ibig at kapakumbabaan, at palaguin sa ating sarili ang lahat ng mabubuting karakter na makalulugod sa Diyos at magpapaging karapatdapat sa atin para sa pinagpalang kalipunan ng langit. Sa lahat ng mga nagsisikap na isakatuparan ang gawaing ito, napakahalaga ng pangako, “Ang magtagumpay ay bibihisang gayon ng mapuputing damit; at hindi ko kailanman papawiin ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay. At ipahahayag ko ang kanyang pangalan sa harapan ng aking Ama, at sa harapan ng kanyang mga anghel” (Apocalipsis 3:5).— HISTORICAL SKETCHES, p. 181. TKK 361.4