Subalit salamat sa Diyos, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoon noong Jesu-Cristo, 1 Corinto 15:57 TKK 366.1
Ang buhay ng Kristiyano ay buhay ng patuloy na pakikipaglaban. Ito ay isang digmaan at isang martsa. Ang bawat kilos ng pagsunod, bawat pagsisikap ng pagtanggi sa sarili, bawat pagsubok na may katapangang hinaharap, bawat tuksong napagtagumpayan, bawat tagumpay na nakamit, ay hakbang sa martsa tungo sa walang hanggang tagumpay. TKK 366.2
May pag-asa para sa mga tao. Sinabi ni Cristo, “Ang magtagumpay ay pagkakalooban ko na umupong kasama ko sa aking trono, gaya ko naman na nagtagumpay at umupong kasama ng aking Ama sa kanyang trono” (Apocalipsis 3:21). Ngunit huwag nating kalilimutang ang pagsisikap na isinagawa sa sarili nating kalakasan ay walang kabuluhan. Ang ating kalakasan ay kahinaan, ang ating paghatol ay kamangmangan. Tanging sa pangalan at lakas ng ating Manlulupig tayo ay lulupig. Kapag pinahihirapan tayo ng mga tukso, kapag ang mga pagnanasang hindi gaya ng kay Cristo ay humihiyaw ng pangunguna, maghandog tayo ng taimtim at masigasig na panalangin sa Ama sa langit sa pangalan ni Cristo. Magdadala ito ng banal na tulong. Sa pangalan ng Manunubos maaari tayong magkamit ng tagumpay. TKK 366.3
Habang, nakikita ang kasamaan ng kasalanan, ay magtirapa tayo sa harapan ng krus, na humihingi ng kapatawaran at lakas, ang ating panalangin ay naririnig at tinutugon. Yaong nagpapahayag ng kanilang mga kahilingan sa Diyos sa pangalan ni Cristo ay hindi kailanman tatanggihan. Sinabi ng Panginoon, “Ang lumalapit sa akin kailanman ay hindi ko itataboy” (Juan 6:37). “Kanyang pahahalagahan ang sa hikahos na dalangin” (Mga Awit 102:17). Ang ating tulong ay nanggagaling sa Kanya na humahawak sa lahat ng bagay sa Kanyang mga kamay. Ang kapayapaang Kanyang isinusugo ay kasiguruhan ng Kanyang pag-ibig sa atin. TKK 366.4
Wala nang anumang mas mahina ngunit hindi malulupig kaysa kaluluwang nakaramdam ng kawalan, at umaasang lubos sa gawa ng napako at nagbangong Tagapagligtas. Isusugo ng Diyos ang lahat ng mga anghel sa langit para sa tulong ng isang naglagay ng kanyang buong tiwala kay Cristo, kaysa hayaan siyang mapagtagumpayan. TKK 366.5
Kung tinatanggap natin sa Cristo bilang ating gabay, papatnubayan Niya tayong ligtas sa maliit na daan. Maaaring mahirap at matinik ang daan, at ang pag-akyat ay matarik at mapanganib; maaaring may bangin sa kanan o sa kaliwa. Kapag pagod at naghahanap ng kapahingahan, maaaring kailangang patuloy tayong magpagod; kapag mahina, ay kailangan pang makipaglaban; ngunit kasama si Cristo bilang ating gabay, hindi tayo mabibigong maabot ang langit.— SIGNS OF THE TIMES, October 29,1902 . TKK 366.6