Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
Bukal Ng Buhay - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 66—Ang Pagtatalo

    Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 22:15-46; Marcos 12:13-40; Lukas 20:20-47.

    Ang mga saserdote at mga pinuno ay tahimik na nakinig sa matatalim na sumbat ni Kristo. Hindi nila mapasinungalingan ang Kaniyang mga paratang. Nguni't dahil dito'y lalo lamang silang naging masugid na mahuli Siya sa pamamagitan ng lalang, at taglay ang ganitong layunin sila'y nagsugo ng mga titiktik sa Kaniya, “na nangagpakunwaring mga matwid, upang Siya'y mahuli sa Kaniyang mga salita, nang Siya'y maibigay nila sa kapangyarihn at kapamahalaan ng gobernador.” Hindi nila isinugo ang matatandang Pariseo na madalas nang makatagpo ni Jesus, kundi mga kabataang lalaki na masusugid at masisikap, na sa palagay nila ay hindi pa kilala ni Kristo. Ang mga ito ay pinasamahan sa mga Herodiano, na siyang makikinig ng mga salita ni Kristo, upang siyang magsisaksi laban sa Kaniya sa oras na lilitisin Siya. Ang mga Pariseo at ang mga Herodiano ay mahigpit na magkakaaway, nguni't ngayon ay nagkakaisa na sila sa paglaban kay Kristo.BB 862.1

    Ang mga Pariseo ay lagi nang tutol sa itinatakdang buwis ng mga Romano. Ang pagbabayad ng buwis ay ipinalalagay nilang salungat sa kautusan ng Diyos. Nakakita sila ngayon ng pagkakataon na makapag-umang ng silo kay Jesus. Nagsilapit sa Kaniya ang mga tiktik, at kunwari'y mga tapat na taong may hangad na makilala ang kanilang tungkulin, na nagwika, “Guro, nalalaman namin na Ikaw ay nagsasabi at nagtuturo nang matwid, at wala Kang itinatanging tao, kundi itinuturo Mo ang katotohanan na daan ng Diyos: matuwid bagang kami ay bumuwis kay Cesar, o hindi?”BB 862.2

    Ang mga salitang, “Nalalaman namin na Ikaw ay nagsasabi at nagtuturo nang matwid,” kung naging tapat lamang sa loob nila, ay sana'y naging isang kahanga-hangang pag-amin. Nguni't ang mga ito ay sinalita upang mandaya; gayon pa ma'y tunay ang kanilang patotoo. Batid ng mga Pariseo na si Kristo'y nagsalita at nagturo nang matwid, at sila'y hahatulan ng sarili nilang patotoo.BB 864.1

    Ang akala ng mga nagsipagtanong kay Jesus ay naikubli na nila ang kanilang layunin; nguni't nabasa ni Jesus ang kanilang mga puso na tulad sa isang bukas na aklat, at isinatinig Niya ang kanilang pagpapaimbabaw. “Bakit ninyo Ako tinutukso?” wika Niya; sa ganito'y binigyan Niya sila ng tandang hindi nila hiningi, sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila na nababasa Niya ang kanilang itinatago o inililihim na layunin. Lalo pa rin silang nalito nang Kaniyang idugtong, “Pagpakitaan ninyo Ako ng isang denaryo.” Naglabas naman sila, at sila'y tinanong Niya, “Kanino ang larawan at ang nasusulat dito? Sila'y sumagot at nagsabi, Kay Cesar.” Pagkaturo Niya sa nakasulat sa denaryo, ay nagwika si Jesus, “Kung gayo'y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar; at sa Diyos ang sa Diyos.”BB 864.2

    Inasahan ng mga tiktik na tuwirang sasagutin ni Jesus ang tanong nila ng alinman sa oo, o hindi. Kung sasabihin Niyang hindi matuwid ang bumuwis kay Cesar, ay isusumbong nila Siya sa mga maykapangyarihang Romano at huhulihin dahil sa pang-uudyok na maghimagsik. Subali't sakali namang ang sasabihin Niya'y matuwid na bumuwis kay Cesar, panukala nilang paratangan Siya sa bayan bilang lumalaban o sumasalansang sa kautusan ng Diyos. Ngayon ay nararamdaman nilang sila'y bigo at gapi. Nagkagulu-gulo ang kanilang mga panukala. Ang mahusay na pagkakasagot sa kanilang katanungan ay bumigo sa kanila at wala na silang masabi pang anuman.BB 864.3

    Ang sagot ni Kristo ay hindi pag-iwas, kundi isang tapat na kasagutan sa katanungan nila. Hawak sa Kaniyang kamay ang salaping Romano na kinatatatakan ng pangalan at larawan ni Cesar, ay sinabi Niyang yamang sila'y nabubuhay sa ilalim ng pagkukupkop ng kapangyarihan ng Roma, ay dapat nilang ibigay sa kapangyarihang yaon ang tangkilik o sustentong hinihingi nito, habang ito'y hindi nasasalungat sa lalong mataas na tungkulin. Subali't bagaman sila'y mapayapang napasasakop sa mga batas o mga kautusan ng bansa, dapat namang sa buong panahon ay unahin nila ang pagtatapat sa Diyos.BB 865.1

    Ang mga salita ng Tagapagligtas na, “Ibigay ninyo ... sa Diyos ang sa Diyos,” ay isang matinding sumbat sa mga Hudyong mapaghanap ng kamalian. Kung buong tapat lamang nilang tinupad ang kanilang mga tungkulin sa Diyos, hindi sana sila naging isang bansang wasak, na sakop ng isang kapangyarihang dayuhan. Sana'y walang watawat ng Roma na matataas at wawagayway sa ibabaw ng Jerusalem, at sana'y walang kawal na Romanong tatayo sa kaniyang mga pintuang-bayan, at walang gobernador na Romanong magpupuno sa loob ng kaniyang mga kuta. Pinagbabayaran lamang noon ng ban sang Hudyo ang parusa sa kaniyang pagtalikod sa DiyosBB 865.2

    Nang marinig ng mga Pariseo ang sagot ni Kristo, “nagsipanggilalas sila, at Siya'y iniwan, at nagsiyaon.” Sinuwatan Niya ang kanilang pagpapaimbabaw at kapangahasan, at sa ginawa Niyang ito ay isang dakilang simulain ang Kaniyang ipinahayag, isang simulaing malinaw na nagpapakilala ng mga hangganan ng tungkulin ng tao sa pamahalaang sibil at ng tungkulin ng tao sa Diyos. Sa maraming isipan ay isang nakagugulong suliranin ang nalutas. Magbuhat na noon ay nanghawak na sila sa matwid na simulain. At bagaman marami ang umalis na di-nasisiyahan, nakita nilang ang simulaing pinagbabatayan ng suliranin ay malinaw na naipakilala, at sila'y nanggilalas sa malaking katalinuhan ni Kristo.BB 865.3

    Hindi pa natatagalang napatatahimik ang mga Pariseo ay lumapit naman ang mga Saduceo na taglay ang mapanlinlang nilang mga tanong. Ang dalawang pangkat na ito ay mahigpit na magkalaban. Ang mga Pariseo ay masusugid na tagasunod ng sali't saling sabi. Mahigpit silang sumunod sa mga panlabas na seremonya, masisikap sa mga paghuhugas, sa mga pag-aayuno, at sa mahahabang pananalangin, at sa pakitang-taong paglilimos. Nguni't sinabi ni Kristong niwawalan nilang kabuluhan ang kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga aral ng mga tao bilang mga utos ng Diyos. Bilang isang uri ng mga tao ay sila'y mayayabang at mapagpaimbabaw; gayon pa man sa gitna nila ay mayroon din silang mga kasamahan na may tunay na kabanalan, na tumanggap sa mga aral ni Kristo at naging mga alagad Niya. Tinanggihan ng mga Sadueeo ang mga sali't saling sabi ng mga Pariseo. Nagpanggap silang naniniwala sa malaking bahagi ng mga Kasulatan, at itinuturing nila ang mga ito na tuntunin ng paggawa; subali't sa katotohanan ay sila'y mga di-naniniwala at mga materyalista.BB 866.1

    Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa pagkakaroon ng mga anghel, sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, at sa aral tungkol sa buhay na panghinaharap, na may mga gantimpala at mga kaparusahan. Sa lahat ng mga bagay na ito ay naiiba sila sa mga Pariseo. Sa dalawang pangkating ito ang pagkabuhay na mag-uli ay tangi nang isang paksa ng pagtatalo. Ang mga Pariseo ay matibay na nananampalataya sa pagkabuhay na maguli, nguni't ang kanilang mga kuru-kuro at paliwanag tungkol sa magiging kalagayan ng tao sa hinaharap ay nakalilito. Sa ganang kanila ang kamatayan ay isang hiwagang di-maipaliwanag. Ang kawalang-kakayahan nila na matugunan ang mga katwiran ng mga Saduceo ay naging daan upang hindi na matapos ang kanilang pagtatalo. Ang mga pag-uusap ng dalawang pangkating ito ay karaniwan nang nauuwi sa mga pagkakagalit, na siyang lalong naglalayo sa kanila.BB 866.2

    Sa bilang ay higit na kakaunti ang mga Saduceo kaysa kanilang mga kalaban, at hindi lubhang malakas ang kapit nila sa mga karaniwang tao; nguni't marami naman sa kanila ang mayaman, at sila'y may impluwensiyang dulot ng kayamanan. Sa kanilang hanay nabibilang ang maraming mga saserdote, at sa kanila karaniwan nang pinipili at binubunot ang dakilang saserdote. Ito, gayon pa man, ay ayon sa hayag na pagkakasundo na hindi nila paiiralin ang kanilang mga di-paniniwala. Dahil sa dami at katanyagan ng mga Pariseo, ay kinailangang ang mga Sadueeo ay huwag maging masigasig sa kanilang mga doktrina pagka sila'y humahawak ng anumang tungkuling pagkasaserdote; subali't dahil sa sila'y pinaging-marapat na humawak ng gayong tungkulin ay ito ang nagbibigay ng impluwensiya o bisa sa kanilang mga kamalian.BB 867.1

    Hindi tinanggap ng mga Saduceo ang turo ni Jesus. Siya'y kinakasihan ng isang diwa o espiritung ayaw nilang kilalanin; at ang turo Niya tungkol sa Diyos at sa buhay na darating ay nalalaban sa kanilang mga teorya o mga pala-palagay. Naniniwala silang ang Diyos lamang ang higit na makapangyarihan kaysa tao; nguni't ikinakatwiran nila na ayon sa talaga ng Diyos at ayon sa Kaniyang karunungan ay mangyayaring maalisan ng malayang kapangyarihang moral ang tao, at hahantong ito sa kalagayang busabos. Naniniwala sila, na, pagkalikha ng Diyos sa tao, ay pinabayaan na Niya ito sa sarili nito, at hindi na pinakikialaman ng nakatataas na kapangyarihan. Naniniwala sila na malaya ang taong pangasiWaan ang sarili niyang buhay at ayusin ang mga pangyayari sa sanlibutan; na ang kaniyang kapalaran o kahahantungan ay nasa sarili niyang mga kamay. Itinatatwa nila na ang Espiritu ng Diyos ay gumagawang katulong ng mga pagsisikap ng tao o ng mga katutubong pangyayari. Gayon pa ma'y naniniwala pa rin sila na, sa pamamagitan ng tumpak na paggamit ng tao ng mga katutubo niyang kapangyarihan, ay siya'y magiging marangal at marunong; na sa pamamagitan ng puspusan at mahigpit na pagsasakit ay maaaring maging malinis ang kaniyang buhay.BB 867.2

    Ang mga kuru-kuro nila tungkol sa Diyos ay siyang humugis ng sarili nilang likas. Ayon sa kanilang kurukuro ang Diyos ay walang pagmamalasakit sa tao, kaya sila naman ay bahagya nang magpahalaga sa isa't isa; wala silang gasinong pagsasamahan. Palibhasa'y ayaw nilang kilalanin na ang Espiritu Santo ay tumutulong sa tao, kaya wala namang kapangyarihan ang Diyos sa kanilang mga kabuhayan. Katulad ng ibang mga Hudyo, kanilang ipinagmalaking lubha ang kanilang karapatan sa pagiging mga anak ni Abraham, at ang kanilang mahigpit na pagsunod sa mga hinihingi ng kautusan; subali't ang tunay na diwa ng kautusan at ang pananampalataya at kagandahang-loob ni Abraham, ay walang-wala sa kanila. Maliit lamang ang nasasaklaw ng kanilang likas na mga pakikiramay. Sila'y nanganiwalang kaya ng lahat ng mga tao na magtamo ng mga kaginhawahan at mga pagpapala ng buhay; at ang kanilang mga puso ay hindi naantig ng mga pagsasalat at mga paghihirap ng iba. Nabuhay sila ng para sa kanilang mga sarili lamang.BB 868.1

    Sa pamamagitan ng mga salita at mga gawa ni Kristo, ay pinatotohanan Niyang may isang makapangyarihang Diyos na lumilikha o gumagawa ng mga di-pangkaraniwang mga bunga, sa buhay na darating na nasa kabila nitong kasalukuyan, at sa Diyos na Ama ng lahat ng mga tao, na lagi nang nag-iingat ng tunay nilang mga kapakanan. Ipinakilala Niya na ang kagandahang-loob at kahabagan ay gawain ng kapangyarihan ng Diyos na sumumbat sa labis na pagkamakasarili ng mga Saduceo. Itinuro Niya na alang-alang sa ikabubuti ng tao sa buhay na ito at sa walang-hanggan din naman niyang ikapapaanyo, ang Diyos ay gumagawa sa puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ipinakilala Niyang hindi tamang magtiwala sa kapangyarihan ng tao sa ikapagbabago ng likas na Espiritu ng Diyos lamang ang makagagawa.BB 868.2

    Ang turong ito ay pinagpilitan ng mga Saduceo na sirain at pawalang-halaga. Sa kanilang pakikipagtalo kay Jesus, ay nagtiwala silang maihahatid nila Siya sa pagkapahiya, kung hindi man Siya mahatulan. Ang pagkabuhay na mag-uli ay siyang paksang pinili nilang itanong sa Kaniya. Kung sakaling sumang-ayon Siya sa kanila, lalo pa Niyang pagagalitin ang mga Pariseo. Sakali namang sumalungat Siya sa kanila, panukala nilang libakin ang Kaniyang turo.BB 869.1

    Ikinatwiran ng mga Saduceo na kung ang katawan ay binubuo ng magkakaparehong mga partikula ng materya sa kalagayan nitong walang kamatayan gaya rin naman ng sa kalagayan nitong may kamatayan, kung gayon pagka ito'y binuhay nang muli mula sa mga patay ay dapat itong magkaroon ng laman at dugo, at dapat nitong ituloy sa walang-hanggang sanlibutan ang buhay na napugto o naputol sa lupa. Sa ganitong pangyayari wika nila ang mga pag-uugnayan sa lupa ay muling ipagpapatuloy, ang mag-asawa ay muling magsasama, magkakaroong muli ng mga pag-aasawa, at ang lahat ng mga bagay ay magpapatuloy na gaya noong hindi pa namamatay, ang mga kahinaan at mga damdamin ng tao sa buhay na ito ay magpapatuloy hanggang sa kabilang buhay.BB 869.2

    Sa sagot ni Jesus sa kanilang mga tanong, ay hinawi Niya ang tabing ng panahong darating. “Sa pagkabuhay na mag-uli,” sabi Niya, “ay hindi na sila mangag-aasawa ni mga papag-aasawahin pa, kundi gaya ng mga anghel ng Diyos sa langit.” Ipinakilala Niyang mali ang paniniwala ng mga Saduceo. Ang pinagsasaligan ng kanilang paniniwala ay mali. “Nangagkakamali kayo,” dugtong pa Niya, “sa hindi pagkaalam ng mga Kasulatan, ni ng kapangyarihan man ng Diyos.” Hindi Niya pinaratangan sila ng pagpapaimbabaw, gaya nang paratangan Niya ang mga Pariseo ng gayon, kundi ng maling paniniwala.BB 869.3

    Ipinagmamalaki ng mga Saduceo na sa lahat ng mga tao ay sila ang mahigpit na nanghahawak sa mga Kasulatan. Nguni't ipinakilala ni Jesus na hindi nila nalalaman ang tunay na kahulugan ng mga ito. Ang kaalamang yaon ay dapat maitanim sa puso sa pamamagitan ng pagpapaunawa ng Banal na Espiritu. Ang hindi nila pagkaalam ng mga Kasulatan at ng kapangyarihan ng Diyos ay sinabi Niyang siyang dahilan ng pagkalito ng kanilang pananampalataya at ng kadiliman ng pag-iisip. Ang ibig nilang mangyari ay maabot ng kanilang maigsing pagiisip ang malawak na mga hiwaga ng Diyos. Inanyayahan sila ni Kristo na buksan nila ang kanilang mga pag-iisip sa mga banal na katotohanang yaon na siyang magpapalawak at magpapalakas ng kanilang pang-unawa. Libulibo ang nawawalan ng paniniwala sa Diyos dahil sa hindi kayang unawain ng kanilang mga pahat na pagiisip ang mga hiwaga ng Diyos. Hindi nila maipaliwanag ang kahanga-hangang pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos sa Kaniyang mga pamamatnubay, kaya tinatanggihan nila ang mga katunayan ng Kaniyang kapangyarihan, at itinuturing na ang mga iyon ay mga katutubong pangyayari lamang na bahagya pa rin nilang malirip. Ang tanging susi upang maalaman ang mga hiwaga ng Diyos na nakapaligid sa atin ay ang kilalanin na ang lahat ng iyan ay gawa ng pakikiharap at ng kapangyarihan ng Diyos. Kailangang kilalanin ng mga tao na ang Diyos ay siyang Maylikha sa sansinukob, Isa na nag-uutos at nagsasagawa ng lahat ng mga bagay. Kailangan nila ang lalong malawak na pagkakilala sa Kaniyang likas, at sa hiwaga ng Kaniyang mga kapangyarihang ginagamit.BB 870.1

    Ipinahayag ni Kristo sa Kaniyang mga tagapakinig na kung talagang walang pagkabuhay na mag-uli sa mga patay, ang mga Kasulatang sinasabi nilang kanilang pinaniniwalaan ay mawawalan ng kabuluhan. Sinabi Niya, “Datapwa't tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, hindi baga ninyo nabasa ang sinalita sa inyo ng Diyos, na nagsasabi, Ako ang Diyos ni Abraham, at ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob? Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buhay.” Ibinibilang ng Diyos ang mga bagay na wala na para bagang naroroon. Nakikita Niya ang wakas buhat sa pasimula, at namamasdan Niya ang bunga ng Kaniyang gawain na para bagang ngayon nangyayari. Ang mga mahal na nangamatay, magmula kay Adan hanggang sa kahuli-hulihang banal na mamamatay, ay makakarinig ng tinig ng Anak ng Diyos, at magsisilabas mula sa libingan upang magkamit ng buhay na walang-kamatayan. Ang Diyos ay siya nilang magiging Diyos, at sila'y magiging Kaniyang bayan. Magkakaroon ng malapit at magiliw na pagsasama ang Diyos at ang binuhay na mga banal. Ang ganitong kalagayan, na inaasam na mangyayari ayon sa Kaniyang panukala, ay nakikita Niyang para bagang nangyari na. Ang mga patay ay nabubuhay sa Kaniya.BB 871.1

    Pinatahimik ng mga salita ni Kristo ang mga Saduceo. Wala silang maisagot sa Kaniya. Wala Siyang binitiwang pangungusap na magagamit nila upang Siya'y mahatulan. Walang napakinabang na anuman ang Kaniyang mga kaaway kundi ang sila'y hamakin lamang ng mga tao.BB 871.2

    Ang mga Pariseo, gayon pa man, ay hindi pa rin nawalan ng loob na udyukan Siyang magsalita ng bagay na magagamit nila laban sa Kaniya. Napahinuhod nila ang isang pantas na eskriba na magtanong kay Jesus na kung alin sa sampung utos ang higit na mahalaga.BB 871.3

    Itinanyag ng mga Pariseo ang unang apat na utos, na nagtuturo ng tungkulin ng tao sa Maylalang sa kaniya bilang siyang higit na mahalaga kaysa sa huling anim na utos, na nagtuturo naman ng tungkulin ng tao sa kaniyang kapwa tao. Ang ibinunga nito, ay nagkulang sila nang malaki sa pagsasagawa ng kabanalan. Ipinakilala ni Jesus sa mga tao ang malaki nilang pagkukulang, at itinuro naman Niya ang pangangailangan ng mabubuting gawa, sa pagsasabi Niya na ang punungkahoy ay nakikilala sa kaniyang mga bunga. Dahil dito'y pinaratangan Siya na ibinubunyi Niya ang huling anim na utos nang higit kaysa unang apat.BB 871.4

    Lumapit kay Jesus ang tagapagtanggol ng kautusan na may tiyak na katanungan, “Alin baga ang pangunang utos sa lahat?” Ang sagot ni Kristo ay tiyak at matindi: “Ang panguna sa lahat ng mga utos ay, Pakinggan mo, Oh Israel; Ang Panginoon nating Diyos ay isang Panginoon: at iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo: ito ang pangunang utos.” Ang ikalawa ay katulad ng una, wika ni Kristo; sapagka't ito'y dito rin nagbubuhat, “Iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili. Walang ibang utos na hihigit sa mga ito.” “Sa dalawang utos na ito nauuwi ang buong kautusan at ang mga propeta.”BB 872.1

    Ang unang apat sa Sampung Utos ay nabubuo sa isang dakilang utos, “Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo.” Ang huling anim ay nabubuo naman sa pangalawa, “Iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” Ang dalawang utos na ito ay kapwa nagpapahayag ng simulain ng pag-ibig. Ang una ay hindi maiingatan nang lalabagin ang ikalawa, ni hindi rin naman maiingatan ang ikalawa samantalang nilalabag ang una. Pagka ang Diyos ay nasa tumpak nang lugar sa luklukan ng puso, ang tumpak din namang lugar ay ibibigay natin sa ating kapwa. Iibigin natin siya na gaya ng ating mga sarili. At kapag iniibig lamang natin ang Diyos nang higit sa lahat ay saka lamang natin magagawang ibigin ang ating kapwa nang walang itinatangi.BB 872.2

    At yamang ang lahat ng mga utos ay nabubuo sa pagibig sa Diyos at sa tao, nangangahulugang wala isa mang utos na maaaring labagin nang hindi nilalabag ang simulaing ito. Sa ganitong paraan itinuro ni Kristo sa mga nakikinig sa Kaniya na ang kautusan ng Diyos ay hindi napakaraming hiwa-hiwalay na mga utos, na ang iba ay may malaking kahalagahan, samantalang ang iba pa ay may kaunting kahalagahan at maaaring labagin nang walang kaparusahan. Inihaharap ng ating Panginoon ang unang apat at huling anim na utos bilang isang banal na kabuuan, at itinuturo Niyang ang pag-ibig sa Diyos ay maipakikilala sa pamamagitan ng pagtalima sa lahat Niyang mga utos.BB 873.1

    Ang eskribang nagtanong kay Jesus ay bihasa sa kautusan, at napamaang ito sa mga salita Niya. Hindi nito inakalang Siya ay may malalim at lubos na kaalaman sa mga Kasulatan. Nagtamo ito ng lalong malawak na pagkaunawa sa mga simulaing pinagbabatayan ng mga banal na utos. Sa harap ng nagkakatipong mga saserdote at mga pinuno ay tapat nitong inaming si Kristo ay nagbigay ng tumpak na paliwanag sa kautusan, na sinasabi:BB 873.2

    “Sa katotohanan, Guro, ay mabuti ang pagkasabi Mo na Siya'y iisa; at wala nang iba liban sa Kaniya: at ang Siya'y ibigin nang buong puso, at nang buong pagkaunawa, at nang buong kaluluwa, at nang buong lakas, at ibigin ang kapwa niya na gaya ng sa kaniyang sarili, ay higit pa kaysa lahat ng mga handog na susunugin at mga hain.”BB 873.3

    Nasumbatan ang eskriba ng matalinong sagot ni Kristo. Batid niya na ang relihiyon ng mga Hudyo ay pawang panlabas na mga seremonya at hindi panloob o pangkabuhayang pagbabanal. May bahagya siyang pagkaunawa sa kawalang-kabuluhan ng mga seremonya sa paghahandog ng mga hayop, at ng walang-pananampalatayang pagtitigis ng dugo para sa ikatutubos ng kasalanan. Ang pag-ibig at pagtalima sa Diyos, at ang dimakasariling pagpapahalaga sa kapwa tao, sa ganang kaniya, ay higit pang mahalaga kaysa lahat ng mga seremonyang ito. Ang kagyat na pag-amin ng taong ito na tumpak ang katwiran ni Kristo, at ang kaniyang tiyak at walang-paliguy-ligoy na sagot sa harap ng mga tao, ay nagpakilala ng isang diwang ganap na naiiba sa diwa ng mga saserdote at mga pinuno. Naawa si Jesus sa tapat na eskriba na hindi natakot harapin ang mga paguyam ng mga saserdote at ang mga banta ng mga pinuno sa pagsasabi ng mga paniniwala ng kaniyang puso. “At nang makita ni Jesus na siya'y sumagot na may katalinuhan, ay sinabi Niya sa kaniya, Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.”BB 873.4

    Ang eskriba ay malapit sa kaharian ng Diyos, sapagka't kinilala niya na ang mga gawa ng katwiran ay higit na katanggap-tanggap sa Diyos kaysa mga handog na susunugin at mga hain. Nguni't kailangan ding makilala niya ang likas na pagka-Diyos ni Kristo, at sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kaniya ay makatanggap siya ng kapangyarihan na magawa ang mga gawa ng katwiran. Ang seremonya ng paghahandog ay walang halaga, malibang nakaugnay kay Kristo sa pamamagitan ng buhay na pananampalataya. Maging ang kautusang moral ay nawawalan ng halaga, malibang nauunawaan ang pagkakaugnay nito sa Tagapagligtas. Paulit-ulit na ipinakilala ni Kristo na ang kautusan ng Kaniyang Ama ay nagtataglay ng bagay na hindi na malalim kaysa mga utos lamang ng makapangyarihan. Sa kautusan ay nakalangkap ang simulain ding yaon na inihahayag sa ebanghelyo. Itinuturo ng kautusan ang tungkulin ng tao at ipinakikita sa kaniya ang kaniyang kasalanan. Kay Kristo siya dapat humingi ng kapatawaran at ng kapangyarihan upang magawa niya ang iniuutos ng kautusan.BB 874.1

    Nagsilapit kay Jesus ang mga Pariseo nang sagutin Niya ang tanong ng eskriba. Ngayo'y bumaling Siya at sila'y tinanong: “Ano ang inaakala ninyo tungkol kay Kristo? Kanino bagang anak Siya?” Ang tanong na ito ay upang subukin ang kanilang paniniwala sa Mesiyas— upang maalaman kung ang palagay nila sa Kaniya ay tao lamang o kaya'y Anak ng Diyos. Sabay-sabay na sumagot ang karamihan, “Siya'y Anak ni David.” Ito ang titulong ibinigay ng hula sa Mesiyas. Nang ihayag ni Jesus ang Kaniyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang mga makapangyarihang kababalaghan, nang Kaniyang pagalingin ang mga maysakit at buhayin ang mga patay, ang mga tao ay nagtanung-tanungan, “Hindi baga ito ang Anak ni David?” Ang babaeng Sirofenisa, ang bulag na si Bartimeo, at ang marami pang iba ay nagsihingi sa Kaniya ng tulong, “Kahabagan Mo ako, Oh Panginoon, Ikaw na Anak ni David.” Mateo 15:22. Nang Siya'y nakasakay sa batang asno sa Kaniyang pagpasok sa Jerusalem ay ipinagbunyi Siya ng masayang sigawan, “Hosana sa Anak ni David: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.” Mateo 21:9. At ang maliliit na batang nasa loob ng templo ay nagsigawan ng masayang papuri. Nguni't ang maraming tumawag kay Jesus sa tawag na Anak ni David ay hindi nakilala ang Kaniyang pagka-Diyos. Hindi nila napag-uunawang ang Anak ni David ay siya rin namang Anak ng Diyos.BB 874.2

    Bilang sagot sa pahayag na si Kristo ay Anak ni David, ay sinabi ni Jesus, “Bakit nga si David na nasa Espiritu [ang Espiritu ng Pagkasi na mula sa Diyos] ay tinawag Siya na Panginoon, na sinasabi, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, Maupo Ka sa Aking kanan, hanggang sa Aking gawing tuntungan Mo ang Iyong mga kaaway? Kung tinatawag nga Siya ni David na Panginoon, paanong Siya'y kaniyang anak? At walang sinumang nakasagot sa Kaniya ng isang salita, ni walang sinumang nangahas buhat nang araw na yaon na tumanong pa sa Kaniya ng anumang mga tanong.”BB 875.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents