Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
Bukal Ng Buhay - Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Kabanata 69—Sa Bundok ng mga Olibo

    Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 24; Marcos 13; Lukas 21:5-38.

    Ang mga salitang binitiwan ni Kristo sa mga saserdote at mga pinuno na, “Narito, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak” (Mateo 23:38), ay nakasindak sa kanilang mga puso. Sinikap nilang ito'y ipagwalangbahala, subali't nanatiling umuukilkil sa kanilang mga isip ang bagay na ito dahil sa kahalagahan ng mga salitang ito. Isang di-nakikitang panganib ang nagbabanta sa kanila. Mangyayari kaya na ang dakila't marilag na templo, na siyang kaluwalhatian ng bansa, ay malapit nang maging isang bunton ng kagibaan? Nangamba rin ang mga alagad, at buong pagkabalisang naghintay sila kay Jesus ng lalo pang tiyak na pangungusap. Nang sila'y makalampas na sa templo, ay tinawag nila ang pansin Niya sa tibay at ganda ng templo. Ang mga bato ng templo ay tunay na marmol, na sakdal sa kaputian, at ang iba sa mga ito ay totoong napakalaki. Ang isang bahagi ng pader nito ay hindi naigiba ng pagsalakay ng hukbo ni Nabucodonosor. Dahil sa kabutihan ng pagkakalapat nito ay walang iniwan ito sa isang buong bato na hinukay nang buo mula sa tibagan. Kaya hindi maubos-maisip ng mga alagad kung paano nga maiguguho ang matibay na pader na yaon.BB 906.1

    Nang ang pansin ni Kristo ay mapabaling sa karilagan ng templo, ano kaya ang sumaisip ng Isang Itinakwil! Ang tanawing nakikita Niya ay tunay na maganda, nguni't malungkot Niyang sinabi, Oo nakikita Ko. Ang mga gusali ay tunay na kahanga-hanga. Itinuturo ninyo ang mga pader na ito na wari bagang hindi maigigiba; subali't pakinggan ninyo ang Aking sasabihin: Darating ang araw na “dito'y walang maiiwang isang bato sa ibabaw ng ibang bato, na hindi ibabagsak.”BB 906.2

    Ang mga salita ni Kristo ay binigkas nang naririnig ng malaking bilang ng mga tao; nguni't nang Siya'y nagiisa nang nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, ay nagsilapit sa Kaniya sina Pedro, Juan, Santiago at Andres. “Sabihin Mo sa amin,” wika nila, “kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng Iyong pagparito, at ng katapusan ng sanlibutan?” Hindi sinagot ni Jesus ang Kaniyang mga alagad sa pamamagitan ng magkahiwalay na paglalahad ng tungkol sa pagkagiba ng Jerusalem at ng dakilang araw ng Kaniyang pagparito. Pinagsama Niya ang paglalarawan ng dalawang pangyayaring ito. Kung binuksan Niya sa Kaniyang mga alagad ang mga mangyayari sa hinaharap na gaya ng nakikita Niya, ay hindi nila makakayang tingnan ang tanawin. Dahil sa awa Niya sa kanila ay Kaniyang pinaglakip ang paglalarawan sa dalawang malalaking krisis, at ipinaubaya sa mga alagad ang pag-aaral sa kahulugan ng mga ito. Nang tukuyin Niya ang pagkagiba ng Jerusalem, ang mala-hula Niyang mga salita ay umabot sa kabila pa ng pangyayaring yaon hanggang sa huling sunog sa araw na yaon pagka ang Panginoon ay titindig na mula sa Kaniyang dako upang parusahan ang sanlibutan sa kanilang katampalasanan, pagka inihayag na ng lupa ang kaniyang dugo, at hindi na kailanman tatakpan pa ang kaniyang mga patay. Ang buong pagpapaliwanag na ito ay ibinigay, hindi para sa mga alagad lamang, kundi para doon din naman sa mga mangabubuhay sa mga huling yugto ng kasaysayan ng lupang ito.BB 907.1

    Pagbaling sa mga alagad, ay sinabi ni Kristo, “Mangag-ingat kayo na huwag kayong mailigaw ninuman. Sapagka't marami ang magsisiparito sa Aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Kristo; at ililigaw ang marami.” Maraming bulaang Mesiyas ang magsisilitaw, na nagsasabing gumagawa ng mga kababalaghan, at nagpapahayag na dumating na ang araw ng pagliligtas sa bansang Hudyo. Ito ang magliligaw sa marami. Natupad ang mga salita ni Kristo. Sa pagitan ng Kaniyang pagkamatay at ng pagkubkob sa Jerusalem ay nagsilitaw ang maraming bulaang mesiyas. Nguni't ang babalang ito ay ibinigay din naman para sa mga nabubuhay sa panahong ito ng sanlibutan. Ang mga pagdarayang ginawa noong bago magiba ang Jerusalem ay ginawa na sa buong mga panahon, at gagawin pa uli.BB 907.2

    “At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka't ang lahat ng mga bagay na ito ay kinakailangang mangyari, datapwa't hindi pa ang wakas.” Noong bago nagiba ang Jerusalem, nag-agawan ang mga tao sa pagka-pangulo o pagka-dakila. Pinatay ang mga emperdor. Ang mga ipinalalagay na kasunod na uupo sa trono ay pinatay rin. Nagkaroon ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan. “Ang lahat ng mga bagay na ito ay kinakailangang mangyari,” sinabi ni Kristo, “datapwa't hindi pa ang wakas [ng bansang Hudyo bilang isang bansa]. Sapagka't magtitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom, at magkakasalot, at lilindol, sa iba't ibang dako. Ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng mga kahirapan.” Sinabi ni Kristo, Pagka nakita ng mga rabi ang mga tandang ito, sasabihin nilang ang mga ito ay siyang hatol ng Diyos sa mga bansa dahil sa pag-alipin nila sa Kaniyang bayang hinirang. Sasabihin nilang ang mga ito ay siyang tanda ng pagdating ng Mesiyas. Huwag nga kayong padaya; ang mga ito ay siyang pasimula ng Kaniyang mga hatol. Nangagsiasa ang mga tao sa kanilang mga sarili. Hindi sila nangagsisi at nangahikayat upang sila sana'y Aking napagaling. Ang sinabi nilang mga tanda ng kanilang paglaya mula sa pagkaalipin ay siyang mga tanda ng kanilang pagkapahamak.BB 908.1

    “Kung magkagayo'y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo'y papatayin: at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa Aking pangalan. At kung magkagayo'y maraming mangatitisod, at mangagkakanuluhan ang isa't isa, at mangagkakapootan ang isa't isa.” Lahat ng mga ito ay binata ng mga Kristiyano. Ipinagkanulo ng mga ama at mga ina ang kanilang mga anak. Ipinagkanulo ng mga anak ang kanilang mga magulang. Isinuplong sa Sanedrin ng mga kaibigan ang kanilang mga kaibigan. Isinagawa ng mga nang-uusig ang kanilang layunin sa pamamagitan ng pagpatay kay Esteban, kay Santiago, at sa iba pang mga Kristiyano.BB 909.1

    Sa pamamagitan ng Kaniyang mga lingkod, ay binigyan ng Diyos ang bansang Hudyo ng huling pagkakataon na makapagsisi. Inihayag Niya ang Kaniyang sarili sa pamamagitan ng Kaniyang mga saksing hinuli, nilitis, at ibinilanggo. Gayon man ay nilapatan sila ng hatol na kamatayan ng mga nagsihukom sa kanila. Sila'y mga taong ang sanlibutan ay hindi karapat-dapat sa kanila, at sa pagpatay sa kanila ay ipinakong pamuli ng mga Hudyo ang Anak ng Diyos. Ganito ring muli ang mangyayari. Maglalagda ang mga maykapangyarihan ng mga batas na mahihigpit o magbabawal sa kalayaan ng relihiyon. Aangkinin nila ang karapatan at kapangyarihang iyon ay sa Diyos lamang. Aakalain nilang kaya nilang pilitin ang budhi, na Diyos lamang ang dapat makakontrol. Ngayon pa man ay nagpapasimula na sila; ang gawaing ito ay ipagpapatuloy nila hanggang sa maabot nila ang isang hangganang hindi nila malalampasan. Ang Diyos ay mamamagitan alang-alang sa ikabubuti ng Kaniyang tapat na bayang nagsisitupad ng mga utos.BB 909.2

    Sa bawa't pagkakataon pagka nagaganap ang paguusig, ang mga nakakasaksi nito ay gumagawa ng mga pagpapasiya na para kay Kristo o laban sa Kaniya. Ang mga nakikiramay sa mga hinahatulan nang buong kamalian ay nagpapakilala ng kanilang pagpanig kay Kristo. Ang mga iba ay nagagalit dahil sa tuwirang nakakasalungat ng kanilang ginagawa ang mga simulain ng katotohanan. Marami naman ang nangatitisod at nangabubuwal, at nangagsisitalikod sa pananampalatayang minsa'y kanilang ipinangaral. Ang mga nagsisitalikod sa panahon ng pagsubok, upang mailigtas lamang ang kanilang mga buhay, ay magsisinungaling, at ipagkakanulo ang kanilang mga kapatid. Pinaaalalahanan na tayo ni Kristo tungkol dito, upang tayo'y huwag nang mangagtaka sa di-katutubo at malupit na hakbangin niyaong mga nagsisitanggi sa liwanag.BB 910.1

    Binigyan ni Kristo ang Kaniyang mga alagad ng isang tanda ng pagkagibang sasapit sa Jerusalem, at sinabi Niya sa kanila kung paano sila makaliligtas: “Pagka nangakita ninyong nakukubkob ng mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo'y talastasin ninyo na ang kaniyang pagkawasak ay malapit na. Kung magkagayo'y ang mga nasa Judea ay magsitakas sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng bayan ay magsilabas; at ang mga nasa parang ay huwag magsipasok sa bayan. Sapagka't ito ang mga araw ng paghihiganti, upang maganap ang lahat ng mga bagay na nangasulat.” Ibinigay ang babalang ito upang dinggin nila pagkaraan ng apatnapung taon, nang wasakin ang Jerusalem. Tinalima ng mga Kristiyano ang babala, at wala isa mang Kristiyanong namatay nang bumagsak ang lungsod.BB 910.2

    “Magsipanalangin kayo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa panahong taginaw, o sa Sabbath man,” wika ni Kristo. Siya na gumawa sa Sabbath ay hindi ito pinawi, ni ipinako man ito sa krus. Ang Sabbath ay hindi niwalang-kabuluhan at hindi niwalang-saysay ng Kani- yang pagkamatay. Makaraan ang apatnapung taon pagkatapos Niyang mapako sa krus ay itinuring pa rin itong banal. Apatnapung taong idadalangin ito ng mga alagad na sana'y huwag mangyari sa araw ng Sabbath ang kanilang pagtakas.BB 910.3

    Magbuhat sa pagkawasak ng Jerusalem, ay mabilis na lumaktaw si Kristo sa lalong dakilang pangyayari, sa kahuli-hulihang kawing sa tanikala ng kasaysayan ng lupang ito—ang pagdating ng Anak ng Diyos na nasa kamaharlikaan at kaluwalhatian. Sa pagitan ng dalawang pangyayaring ito, ay nakabukas sa paningin ni Kristo ang mahahabang dantaon ng kadiliman, mga dantaon na ang Kaniyang iglesya ay natigmak sa dugo, sa luha, at sa kapighatian. Ang mga tagpo o mga tanawing ito ay hindi makakayang tingnan ng Kaniyang mga alagad, at nilaktawan nga ito ni Jesus sa pamamagitan ng pahapyaw lamang na pagbanggit “Kung magkagayo'y magkakaroon ng malaking kapighatian,” sabi Niya, “na ang gayo'y hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailanman. At malibang paikliin ang mga araw na yaon, ay walang makaliligtas: datapwa't dahil sa mga hirang ay paiikliin ang mga araw na yaon.” Sa loob ng mahigit na sanlibong taon ay dumating sa mga alagad ni Kristo ang isang pag-uusig na di-kailanman nakita ng sanlibutan noong una. Angaw-angaw sa mga tapat Niyang saksi ang mga pinatay. Kung hindi lamang iniunat ng Diyos ang Kaniyang kamay upang maingatan ang Kaniyang bayan, lahat sana ay napuksa. “Datapwa't dahil sa mga hirang,” wika Niya, “ay paiikliin ang mga araw na yaon.”BB 911.1

    Ngayon, sa di-mapagkakamalang pangungusap, ay sinabi ng ating Panginoon ang tungkol sa Kaniyang ikalawang pagparito, at Siya'y nagbibigay ng babala tungkol sa mga panganib na mauuna sa Kaniyang pagparito sa sanlibutan. “Kung may magsabi sa inyong sinumang tao, Narito ang Kristo, o nariyan; huwag ninyong paniwalaan. Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Kristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; anupa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang. Narito, ipinagpauna Ko nang sinabi sa inyo. Kaya nga kung sa inyo'y kanilang sasabihin, Narito, Siya'y nasa ilang; huwag kayong magsilabas: narito, Siya'y nasa mga silid; huwag ninyong paniwalaan. Sapagka't gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kanluran; gayundin naman ang pagparito ng Anak ng tao.” Bilang isa sa mga tanda ng pagkawasak ng Jerusalem, ay sinabi ni Kristo, “Magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.” Nangagsibangon nga ang mga bulaang propeta, at dinaya ang mga tao, at inakay sa ilang ang marami. Nagkaroon ng mga mahiko at mga manggagaway, na nagsasabing may angkin silang kapangyarihan na gumawa ng mga kababalaghan, at inakay nila ang mga taong tumungo sa mga yungib ng kabundukan. Nguni't ang hulang ito ay sinasabi rin naman para sa mga huling araw. Ang tandang ito ay ibinibigay bilang isang tanda ng ikalawang pagparito. Ngayon pa man ay nagpapakita na ng mga tanda at mga kababalaghan ang mga bulaang kristo at mga bulaang propeta upang dayaing maakit ang Kaniyang mga alagad. Hindi ba natin naririnig ang sigaw, “Narito, Siya'y nasa ilang”? Hindi ba libu-libo ang nangagsitungo sa ilang, sa pagasang makikita roon si Kristo? At buhat sa libu-libong mga pagkakatipon ng mga taong nagsisipagpanggap na sila'y nakikipag-usap sa mga espiritu ng mga namatay ay hindi ba naririnig ngayon ang tawag na, “Narito, Siya'y nasa silid”? Ito ang ibinabalita mismo ng espiritismo. Subali't ano ang sinasabi ni Kristo? “Huwag ninyong paniwalaan. Sapagka't gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan at nakikita hanggang sa kanluran; gayundin naman ang pagparito ng Anak ng tao.”BB 911.2

    Nagbibigay ang Tagapagligtas ng mga tanda ng Kaniyang pagparito, at bukod pa sa rito, ay itinatakda Niya ang panahon ng paglitaw ng unang tanda: “Karaka-rakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit: at kung magkagayo'y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo'y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na pumaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. At susuguin Niya ang Kaniyang mga anghel na may matinding tunog ng pakakak, at kanilang titipunin ang Kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin ng sanlibutan, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.”BB 912.1

    Pagkatapos ng malaking pag-uusig ng kapapahan, sinabi ni Kristong magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag. Kasunod nito, ay mangalalaglag ang mga bituin sa langit. At sinabi Niya, “Sa puno ng igos nga ay pag-aralan ninyo ang kaniyang talinhaga; Pagka nananariwa ang kaniyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tag-araw: gayundin naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na Siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga.” Mateo 24:32, 33.BB 913.1

    Nagbigay si Jesus ng mga tanda ng Kaniyang pagparito. Sinasabi Niyang maaaring malaman natin kung Siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga. Sa mga nakakakita ng mga tandang ito ay sinasabi Niya, “Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.” Nangagsilitaw na ang mga tandang ito. Ngayo'y nalalaman na nating tunay na malapit na ang pagdating ng Panginoon. “Ang langit at ang lupa ay lilipas,” sabi Niya, “datapwa't ang Aking mga salita ay hindi lilipas.”BB 913.2

    Si Kristo ay pariritong nasa mga alapaap at may dakilang kaluwalhatian. Isang karamihan ng nangagliliwanag na mga anghel ang sasama sa Kaniya. Paririto Siya upang buhayin ang mga patay, at upang baguhin ang mga nabubuhay na banal mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian. Paririto Siya upang parangalan ang mga nagsiibig sa Kaniya, at mga nagsitupad ng Kaniyang mga utos, at upang ipagsama sila sa Kaniya rin. Hindi Niya nalilimutan sila ni ang Kaniya mang pangako. Muling magkakasama-sama ang mga pami-pamilya. Pagka tinitingnan natin ang ating mga namatay, ay maaari na ting isipin ang umagang yaon pagka hihipan na ang pakakak ng Diyos, pagka “ang mga patay ay mabubuhay ng mag-uli na walang-kasiraan, at tayo'y babaguhin.” 1 Corinto 15:52. Kaunti na lamang panahon, at makikita na natin ang Hari sa Kaniyang kagandahan. Kaunti na lamang panahon, at papahirin Niya ang lahat ng mga luha sa ating mga mata. Kaunti na lamang panahon, at ihaharap Niya tayong “walang-kapintasan na may malaking galak sa harapan ng Kaniyang kaluwalhatian.” Judas 24. Kaya nga, nang ibigay Niya ang mga tanda ng Kaniyang pagparito ay sinabi Niya, “Kung magpasimulang mangya ri ang mga bagay na ito, ay magsitingin nga kayo, at itaas ninyo ang inyong mga uio; sapagka't malapit na ang pagkatubos ninyo.”BB 914.1

    Datapwa't ang araw at oras ng Kaniyang pagparito ay hindi inihayag ni Kristo. Malinaw Niyang sinabi sa Kaniyang mga alagad na Siya man ay hindi makapaghahayag ng araw at oras ng Kaniyang ikalawang pagpapakita. Kung malaya Siyang makapaghahayag nito, bakit pa nga Niya kakailanganing sila'y pagpayuhan na laging sila'y magsihanda? May mga taong nagsasabing alam nila ang araw at oras ng pagpapakita ng ating Panginoon. Masigasig sila sa pagsasabi ng tungkol sa hinaharap. Nguni't binabalaan sila ng Panginoon sa ginagawa nilang batayan. Ang tiyak na panahon ng ikalawang pagparito ng Anak ng tao ay isang hiwaga ng Diyos.BB 914.2

    Nagpatuloy si Kristo, na dinadaliri ang magiging kalagayan ng sanlibutan sa panahon ng Kaniyang pagdating: “Kung paano ang mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagparito ng Anak ng tao. Sapagka't gaya ng mga araw na bago nagkagunaw, sila'y nagsisikain at nagsisiinom, nangag-aasawa at pinapag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong, at hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang paggunaw, at sila'y tinangay na lahat; gayundin naman ang pagparito ng Anak ng tao.” Dito'y walang sinasabi si Kristo na sanlibong taong kapayapaan sa lupa, sanlibong taong ang lahat ng tao ay makapaghahanda para sa walang-hanggan. Sinasabi Niya sa atin na kung paano sa kaarawan ni Noe, ay gayundin ang magiging kalagayan sa muling pagparito ng Anak ng tao.BB 915.1

    Ano ba ang kalagayan noong panahon ni Noe? “Nakita ng Panginoon na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pag-iisip ng kaniyang puso ay pawang masama na lamang parati.” Genesis 6:5. Ang mga tao ng sanlibutan noong bago nagkagunaw ay nagsitalikod kay Jehoba, at nagsitangging gumanap ng Kaniyang banal na kalooban. Sinunod nila ang sarili nilang likong haka at mga makasalanang pita ng isipan. Dahil sa kanilang katampalasanan kaya sila nilipol; at ganyan din ang ginagawa ngayon ng sanlibutan. Hindi ito ang mga tanda ng sanlibong taong kaluwalhatian. Ang mga mananalansang sa kautusan ng Diyos ay siyang pumupuno sa lupa ng katampalasanan. Ang kanilang mga pagpupustahan, ang kanilang mga karera ng kabayo, ang kanilang mga pagsusugal, ang kanilang pagwawaldas, ang kanilang pagpapakagumon sa masasamang pita ng kahalayan, ang kanilang di-mapigil na kamunduhan, ay siyang mabilis na pumupuno sa sanlibutan ng karahasan.BB 915.2

    Sa hula ni Kristo tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem ay sinabi Niya, “Dahil sa pagsagana ng katampalasanan, ang pag-ibig ng marami ay lalamig. Datapwa't ang magtiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas. At ipangangaral ang ebanghelyong ito ng kaharian sa buong sanlibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo'y darating ang wakas.” Ang hulang ito ay muling matutupad. Ang masaganang katampalasanan nang panahong yaon ay nakakawangis din ng sa panahong ito. Gayundin naman sa hulang tumutukoy sa pangangaral ng ebanghelyo. Bago nagiba ang Jerusalem, sa udyok ng Espiritu Santo ay ipinahayag ni Pablo na ipangaral ang ebanghelyo sa “lahat ng mga nilalang sa silong ng langit.” Colosas 1:23. Kaya ngayon, bago dumating ang Anak ng tao, ang walang-hanggang ebanghelyo ay ipangangaral “sa bawa't bansa, at angkan, at wika, at bayan.” Apocalipsis 14:6, 14. Ang Diyos ay “nagtakda ng isang araw, na Kaniyang ipaghuhukom sa sanlibutan.” Mga Gawa 17:31. Sinasabi sa atin ni Kristo kung kailan darating ang araw na yaon. Hindi Niya sinasabing ang buong sanlibutan ay mahihikayat, kundi “ang ebanghelyong ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong sanlibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo'y darating ang wakas.” Sa pangangaral natin ng ebanghelyo sa sanlibutan ay pinadadali natin ang pagbabalik ng ating Panginoon. Hindi lamang natin dapat hintayin at pakanasain ang pagdating ng kaarawan ng Diyos kundi dapat din nating papagmadaliin. 2 Pedro 3:12. Kung ginanap lamang ng iglesya ni Kristo ang gawaing itinakda sa kaniya ng Panginoon, sana'y nababalaan na ang buong sanlibutan, at sana'y nakaparito na rin sa lupa ang Panginoong Jesus na nasa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.BB 916.1

    Nang masabi na ni Kristo ang mga tanda ng Kaniyang pagparito, ay idinugtong Niya, “Pagka nangakita ninyong nangyari ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.” “Kayo'y mangagingat, mangagpuyat at magsipanalangin.” Lagi nang binibigyan ng Diyos ng babala ang mga tao tungkol sa dumarating na mga kahatulan. Ang mga nagsisisampalataya sa Kaniyang pabalita noong panahon nila, at nagsakabuhayan ng kanilang pananampalataya, bilang pagtalima sa Kaniyang mga utos, ay nakaligtas sa mga kahatulan o kaparusahang sumapit sa mga masuwayin at mga di-sumasampalataya. Ang salita ay dumating kay Noe, “Lumulan ka at ang iyong buong sambahayan sa sasakyan; sapagka't ikaw ay Aking nakitang matwid sa harap Ko.” Tumalima si Noe at naligtas. Dumating ang pasabi kay Lot, “Magtindig kayo, magsialis kayo sa dakong ito; sapagka't gugunawin ng Panginoon ang bayang ito.” Genesis 7:1; 19:14. Ipinagkatiwala ni Lot ang kaniyang sarili sa pag-iingat ng mga sugong tagalangit, at siya'y naligtas. Gayundin binigyan ni Kristo ng babala ang Kaniyang mga alagad tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem. Lahat ng nag-abang ng tanda ng dumarating na kagibaan, at tumakas sa lungsod, ay nangaligtas sa kapahamakan. Gayundin naman ngayon tayo'y binibigyan ng babala tungkol sa ikalawang pagdating ni Kristo at tungkol sa kawasakang sasapit sa sanlibutan. Lahat ng makikinig sa babala ay maliligtas.BB 916.2

    Sapagka't hindi natin alam ang tiyak na oras o panahon ng Kaniyang pagparito, inuutusan tayong magpuyat. “Mapapalad yaong mga alipin na kung dumating ang Panginoon ay maratnang nangagpupuyat.” Lukas 12: 37. Yaong mga nagpupuyat sa pagdating ng Panginoon ay hindi nagsisipaghintay nang walang ginagawa. Ang pagasang dumarating si Kristo ay nagsisilid ng takot sa Panginoon, at ang takot sa Kaniyang mga kahatulan upang huwag silang magsisalansang. Ito ang gumigising sa kanila upang madama nila na malaking kasalanan ang tumanggi sa Kaniyang iniaalok na kahabagan. Ang mga nagpupuyat sa paghihintay sa Panginoon ay nagsisipaglinis ng kanilang mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagtalima sa katotohanan. Sinasamahan nila ng masikap na paggawa ang matamang pagpupuyat. Sapagka't nalalaman nilang ang Panginoon ay nasa pintuan na, ay nabubuhay ang kanilang kasigasigan sa pakikipagtulungan sa mga anghel ng Diyos sa paggawa para sa ikaliligtas ng mga kaluluwa. Ito ang mga tapat at matatalinong alipin na nagbigay sa sambahayan ng Pnginoon ng “kanilang bahagi na pagkain sa kapanahunan.” Lukas 12:42. Ibinabalita nila ang katotohanang tangi nang nauukol sa panahong kasalukuyan. Kung paanong si Enoc, si Abraham, at si Moises ay nagsipagbalita ng katotohanang nauukol sa kanilang panahon, gayundin naman ang mga lingkod ni Kristo ngayon ay magbibigay ng tanging babalang nauukol sa kanilang kapanahunan.BB 917.1

    Nguni't may isa pang uring ipinatatanaw si Kristo: “Kung ang masamang aliping yaon ay magsabi sa kaniyang puso, Magtatagal ang aking panginoon; at magsimulang bugbugin ang kaniyang mga kapwa alipin, at makipagkainan at makipag-inuman sa mga lasing; darating ang panginoon ng aliping yaon sa araw na hindi niya hinihintay.”BB 918.1

    Sinabi ng masamang alipin sa kaniyang puso, “Magtatagal ang aking panginoon.” Hindi niya sinasabing si Kristo'y hindi darating. Hindi niya hinahamak ang pani niwala sa Kaniyang ikalawang pagparito. Subali't sa kaniyang puso at sa kaniyang mga gawa at salita ay sinasabi niyang magtatagal o magluluwat ang pagdating ng Panginoon. Pinapawi niya sa isip ng mga iba ang paniniwala na ang Panginoon ay dumarating nang madali. Ang kaniyang impluwensiya ay umaakay sa mga tao na magpakalabis at magwalang-ingat. Sila'y mga gumon na sa pagkamakasanlibutan at pagwawalang-bahala, mga hangaring makalupa, at masasamang haka, ang pumupuno sa pag-iisip. Ang masamang alipin ay nakikipagkainan at nakikipag-inuman sa mga lasing, at nakikipagkaisa sa sanlibutan sa paghanap ng kalayawan. Binubugbog niya ang kaniyang mga kapwa alipin, at pinararatangan at hinahatulan yaong mga nagtatapat sa kanilang Panginoon. Nakikisalamuha siya sa sanlibutan. Ang katulad ay lumalaking kasama ng katulad sa gawang pag salansang. Ito'y isang kakila-kilabot. na pakikisama. Nasisilo siyang kasama ng sanlibutan. “Darating ang panginoon ng aliping yaon ... sa oras na hindi niya nala laman, at siya'y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga mapagpaimbabaw.”BB 918.2

    “Kaya't kung hindi ka magpupuyat, ay paririyan Akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong panahon paririyan Ako sa iyo.” Apokalipsis 3:3. Ang pagparito ni Kristo ay siyang gugulat sa mga bulaang tagapagturo. Sinasabi nila, “Kapayapaan at katiwasayan.” Katulad ng mga saserdote at mga guro noong bago bumagsak ang Jerusalem, sila'y nagsiasang ang iglesya ay magtatamasa ng makalupang kasaganaan at kaluwalhatian. Ipinaliwanag nila na ang mga tanda ng panahon ay nagpapakilala ng ganitong kasaganaan. Subali't ano ang sinasabi ng Kinasihang pangungusap? “Darating sa kanila ang biglang pagkawasak.” 1 Tesalonica 5:3. Sa lahat ng tumatahan sa ibabaw ng balat ng lupa, sa lahat ng nagsisikap na ang sanlibutang ito ay gawin nilang tahanan, ang kaarawan ng Diyos ay darating na gaya ng silo. Darating ito sa kanila na gaya ng isang nanunubok na magnanakaw.BB 919.1

    Ang sanlibutang puno ng kaguluhan, puno ng walangDiyos na kalayawan, ay nahihimbing, nahihimbing sa katiwasayang ukol sa laman. Pinatatagal na lubha ng mga tao ang pagdating ng Panginoon. Pinagtatawanan nila ang mga babala. Ang palalong paghahambog ay ginagawa, “Nangananatili ang lahat ng mga bagay na gaya ng kalagayan nila mula nang pasimulan ang paglalang.” “Bukas ay magiging gaya ng araw na ito, at higit pang masagana.” 2 Pedro 3:4; Isaias 56:12. Magpapakagumon pa kami sa pag-ibig sa kalayawan. Subali't sinasabi ni Kristo, “Narito, Ako'y pumaparitong gaya ng magnanakaw.” Apocalipsis 16:15. Sa panahong iyon mismo na ang sanlibutan ay may paglibak na nagtatanong, “Saan naroon ang pangako ng Kaniyang pagparito?” ay kasalukuyang natutupad naman ang mga tanda. Samantalang sila'y sumisigaw ng, “Kapayapaan at katiwasayan,” dumarating naman ang biglang pagkawasak o pagkapahamak. Pagka nagpapakalabis na ang manlilibak at ang tumatanggi sa katotohanan; pagka ang sari-saring hanay ng hanapbuhay na pagkakakuwartahan ay isinasagawa na nang walang-pasintabi o walang-pagpapahalaga sa simulain; pagka ang nag-aaral ay buong kasabikang naghahanap ng karunungan ng lahat ng bagay maliban sa kaniyang Bibliya, saka darating si Kristo na gaya ng isang magnanakaw.BB 919.2

    Lahat ng bagay sa sanlibutan ay nasa kaligaligan. Ang mga tanda ng panahon ay nagbabadya ng kasamaan. Narito na ang anino ng mga dumarating na pangyayari. Ang Espiritu ng Diyos ay binabawi na sa lupa, at sunod-sunod na kasakunaan ang nangyayari sa dagat at sa lupa. Nariyan ang mga bagyo, mga lindol, mga sunog, mga baha, at lahat ng uri ng mga pagpatay. Sino ang makababasa ng dumarating? Nasaan ang katiwasayan? Walang kapanatagang masusumpungan sa bagay na pantao o panlupa. Mabilis na nagkakampi-kampi ang mga tao sa ilalim ng watawat na kanilang napili. Hindi sila mapalagay sa kanilang paghihintay at pag-aabang ng mga ikikilos ng kanilang mga pinuno. Nariyan din naman ang mga taong naghihintay at nagpupuyat at gumagawa para sa pagpapakita ng ating Panginoon. Ang isa pang uri ay nagtitipun-tipon sa ilalim ng pamumuno ng dakila't kaunaunahang tumalikod. Iilan ang buong puso at kaluluwang naniniwala na mayroong isang impiyernong dapat nating iwasan at isang langit na dapat makamtan.BB 920.1

    Ang krisis ay unti-unti nang nalalapit sa atin. Ang araw ay nagliliwanag sa mga langit, na dumaraang gaya ng karaniwan nitong pagligid, at ang mga langit ay naghahayag pa rin ng kaluwalhatian ng Diyos. Ang mga tao ay nananatili pa ring kumakain at umiinom, nagtatanim at nagtatayo ng bahay, nag-aasawa, at pinapagaasawa. Ang mga mangangalakal ay patuloy pa ring bumibili at nagbibili. Ang mga tao ay nag-uunahan sa isa't isa, at nagpapaligsahan para sa pinakamataas na tungkulin. Ang mga maibigin sa kalayawan ay patuloy pa ring nagsisiksikan sa mga teatro, sa mga karerahan, at sa mga sugalan. Namamayani ang pinakamasasarap na kasayahan, gayunma'y matulin namang natatapos ang palugit na panahon, at ang bawa't usapin ng tao ay malapit nang pasiyahan. Nakikita ni Satanas na maigsi na ang kaniyang panahon. Pinakikilos na niya ang lahat niyang mga anghel upang ang mga tao ay madaya, mahibuan, malibang at malulong, hanggang sa matapos ang palugit na panahon, at ang pintuan ng awa ay masarhan na magpakailanman.BB 920.2

    Buong kasolemnehang dumarating sa atin sa buong mga dantaon ang nagbababalang pangungusap ng ating Panginoon mula sa Bundok ng mga Olibo: “Mangag-ingat kayo sa inyong sarili, baka mangalugmok ang inyong mga puso sa katakawan, at sa kalasingan, at sa mga pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo.” “Mangagpuyat nga kayo, at mangagsipanalanging lagi, upang maging karapat-dapat kayo na makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang mangakatayo kayo sa harapan ng Anak ng tao.”BB 921.1

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents