Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    11—Ang Protesta ng mga Prinsipe

    Ang isa sa mga pinakadakilang patotoo na kailanma’y binigkas para sa Repormasyon ay ang Protestang inihain ng mga Kristiyanong prinsipe sa Konseho of Spires noong 1529. Kinuha ng katapangan, pananampalataya at katatagan ng mga taong iyon ng Diyos para sa susunod na mga panahon ang kalayaan ng kaisipan at ng konsensya. Ang Protesta nila ang nagbigay ng pangalang Protestante sa repormadong iglesya; ang mga prinsipyo nito ay “siyang pinakadiwa ng Protestantismo.”—D’Aubigné, b. 13, ch. 6.ADP 115.4

    Isang madilim at nagbabantang araw ang sumapit sa Repormasyon. Sa kabila ng kautusan ng Worms, na nagdedeklarang si Luther ay labag sa batas at nagbabawal na ituro o paniwalaan ang kanyang mga doktrina, ang kalayaan sa relihiyon ay nanaig pa rin sa buong imperyo hanggang sa panahong iyon. Pinigilan ng pamamatnubay ng Diyos ang mga puwersang kumakalaban sa katotohanan. Si Charles V ay disididong durugin ang Repormasyon, ngunit kadalasan sa tuwing itataas niya ang kanyang kamay upang umatake, siya’y napipilitang ipagpaliban ang dagok. Paulit-ulit na ang dagliang pagkawasak ng lahat ng nangangahas na kumalaban sa Roma ay mukhang hindi na maiiwasan; ngunit sa panahon ng panganib, ang mga sundalong Turko ay sumulpot sa hangganan sa silangan, o kaya’y ang hari ng France o maging ang papa pa nga mismo ay nakipagdigma sa emperador, dahil naiinggit sa lumalaking katanyagan niya; at sa gayon, sa gitna ng paglalaban-laban at kaguluhan mga bansa, ang Repormasyon ay napabayaang lumakas at lumawak.ADP 115.5

    Ngunit sa wakas, ay sinugpo na ng mga haring makapapa ang matatagal na nilang alitan, upang sila’y makagawa ng iisang layunin laban sa mga Repormador. Ang Konseho ng Spires noong 1526 ay nagbigay sa bawat estado ng lubos na kalayaan sa mga bagay na may-kinalaman sa relihiyon hanggang sa magpulong ang pangkalahatang konsilyo; ngunit di pa gaanong nakakalipas ang panganib na dahilan ng pagkakatamo sa karapatang ito, ang emperador ay nagpatawag uli ng ikalawang Konseho noong 1529 na magpupulong sa Spires para sa layuning durugin ang erehiya. Ang mga prinsipe kung maaari’y dapat na mahimok sa mapayapang paraan na pumanig laban sa Repormasyon; ngunit kung ito’y mabigo, si Charles ay handang gumamit ng tabak.ADP 115.6

    Ang mga makapapa ay tuwang-tuwa. Napakarami nilang sumipot sa Spires, at hayagang ipinakita ang kanilang galit sa mga Repormador at sa lahat ng pumapanig sa kanila. Ang sabi ni Melanchthon: “Kami ang kinasusuklaman at pinagwalisan ng san-libutan; ngunit susubaybayan ni Cristo ang Kanyang kaawa-awang bayan at iingatan sila.”—Ibid., b. 13, ch. 5. Ang mga ebanghelikal na prinsipe na dumalo sa Konseho ay pinagbawalang ipangaral ang ebanghelyo kahit sa kanilang tinitirhan. Ngunit ang mga taga-Spires ay uhaw sa Salita ng Diyos, at sa kabila ng pagbabawal, libu-libong tao ang nagpuntahan sa mga serbisyong ginanap sa kapilya ng elektor ng Saxony.ADP 116.1

    Pinabilis nito ang krisis. Isang mensahe mula sa emperador ang nagpabatid sa Konseho na yamang ang resolusyong nagbibigay kalayaan ng konsensya ay lumikha ng malalaking kaguluhan, ipinag-uutos ng emperador na ito ay ipawalang-bisa. Ang di-makatarungang hakbang na ito ay pumukaw sa galit at pagkabahala ng mga ebanghelikong Kristiyano. Ang sabi ng isa: “Si Cristo ay napasakamay uli nina Caifas at Pilato.” Ang mga Romanista ay lalong naging marahas. Isang panatikong makapapa ang nagsabi: “Ang mga Turko ay mas maigi pa kaysa sa mga Lutheran; sapagkat ang mga Turko ay nangingilin ng mga araw para sa pag-aayuno; pero nilalabag ito ng mga Lutheran. Kung dapat tayong pumili sa pagitan ng Banal na Kasulatan ng Diyos at ng matatagal nang kamalian ng simbahan, dapat nating itakwil iyang nauna.” Ang sabi ni Melanchthon: “Araw-araw, sa buong kapulungan, si Faber ay naghahagis ng mga bagong bato sa amin na mga Makaebanghelyo.”—Ibid., b. 13, ch. 5.ADP 116.2

    Ang kalayaan sa relihiyon ay naitatag nang ayon sa batas, at ang mga ebanghelikong estado ay disididong labanan ang paglabag sa kanilang mga karapatan. Si Luther, na nasa ilalim pa rin ng pagbabawal dahil sa kautusan ng Worms, ay hindi pinayagang dumalo sa Spires; ngunit ang kanyang lugar ay pinunan ng kanyang mga kamanggagawa at ng mga prinsipe na ibinangon ng Diyos upang ipagtanggol ang Kanyang gawain sa ganitong kagipitan. Ang marangal na si Frederick ng Saxony, na dating protektor ni Luther ay patay na; ngunit si Duke John, na kapatid niya at pumalit sa kanya, ay magalak namang tinanggap ang Repormasyon, at samantalang siya’y kaibigan ng kapayapaan, siya’y nagpakita ng malaking sigasig at tapang sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa kapakanan ng pananampalatayang ito.ADP 116.3

    Ipinag-utos ng mga pari na ang mga estadong tumanggap sa Repormasyon ay lubos na magpasakop sa kapangyarihan ng Roma. Sa kabilang dako ay iginiit naman ng mga Repormador ang kalayaang naipagkaloob na dati. Hindi sila makapapayag na muling ipasailalim ng Roma sa kapangyarihan nito ang mga estadong iyon na may malaking kagalakang tumanggap sa Salita ng Diyos.ADP 116.4

    Bilang kompromiso ay iminungkahi sa wakas, na sa mga lugar na hindi pa naitatatag ang Repormasyon, ang kautusan ng Worms ay dapat na ipatupad nang mahigpit; at “doon sa mga lugar na ang mga tao ay lumihis dito, at hindi makaayon dito nang walang panganib ng pag-aaklas, sila’y hindi dapat gumawa ng bagong reporma, sila’y hindi dapat tumalakay ng mga paksang pagtatalunan, hindi nila dapat kontrahin ang pagdaraos ng misa, hindi nila dapat pahintulutan ang sinumang Romano Katoliko na tanggapin ang Lutheranismo.”— Ibid., b. 13, ch. 5. Ang batas na ito ay nakapasa sa Konseho, at labis na ikinasiya ng mga pari at prayleng Katoliko.ADP 116.5

    Kung ang utos na ito ay maipatutupad, “ang Repormasyon ay hindi na mapapaabot...sa mga lugar na hindi pa nakakaalam nito, ni maitatatag nang may matibay na pundasyon...sa mga lugar na meron na nito.”—Ibid., b. 13, ch. 5. Ang kalayaang magsalita ay ipagbabawal. Walang paghikayat na pahihintulutan. At sa mga paghihigpit at pagbabawal na ito, ang mga kapanalig ng Repormasyon ay dapat na magpasailalim kaagad. Ang mga pag-asa ng sanlibutan ay parang mapapawi na. “Ang muling pagkakatatag sa pangasiwaan ng Roma...ay siguradong magpapanauli sa mga dating pang-aabuso;” at agad na makakasumpong ng pagkakataon upang “lubusin ang pagkawasak ng gawaing napakarahas nang niyanig” ng panatismo at pag-aaway-away.—Ibid., b. 13, ch. 5.ADP 116.6

    Samantalang ang panig ng mga ebanghelikal ay nagpupulong upang mag-usap, sila’y nagkatinginan nang may tulalang pagkadismaya. Mula sa bawat isa ay ang katanungang: “Anong dapat nating gawin?” Malalaking usapin para sa sanlibutan ang nakataya. “Papasakop ba ang mga pinuno ng Repormasyon, at tatanggapin ang utos? Napakadali sanang ang mga Repormador sa krisis na ito, na talagang napakalubha, ay mangatwiran para sa maling hakbangin! Napakarami sanang kapani-paniwalang dahilan at magagandang katwiran na maaari nilang sabihin para magpasakop na lang! Tiniyak sa mga prinsipeng Lutheran ang kalayaang isagawa ang kanilang relihiyon. Ang ganon ding biyaya ay ipinaabot sa lahat ng nasasakupan nila na, bago pa maipasa ang batas, ay tinanggap na ang mga bagong paniniwala. Hindi ba’t dapat makontento na sila dito? Napakaraming panganib ang maiiwasan sa pagpapasakop! O anong daming lingid na panganib at alitan ang idudulot sa kanila ng pagsalungat! Sinong nakakaalam kung anong mga oportunidad ang maaaring hatid ng bukas? Yakapin na natin ang kapayapaan; sunggaban na natin ang sanga ng olibo na iniaabot ng Roma, at paghilumin na ang mga sugat ng Germany. Sa mga ganitong pangangatwiran, maaari sanang idahilan ng mga Repormador ang kanilang paggawa ng isang hakbangin na di-katagala’y tiyak sanang magreresulta sa pagbagsak ng kanilang gawain.ADP 117.1

    “May kagalakan silang tumingin sa prinsipyong pinagbatayan ng kasunduang ito, at sila’y kumilos ayon sa pananampalataya. Ano ang prinsipyong iyon? Iyon ay ang karapatan ng Roma na puwersahin ang konsensya at ipagbawal ang malayang pagsisiyasat. Ngunit hindi ba’t sila mismo at ang mga Protestanteng sakop nila ay magtatamasa ng kalayaang panrelihiyon? Tama, bilang isang pabor na bukud-tanging nakasaad sa hinihingi ng kasunduan, ngunit hindi bilang isang karapatan. Pero sa lahat ng wala sa kasunduan, ang dakilang prinsipyo ng kapamahalaan ang magpapasya; ang konsensya ay labas na sa usapan; ang Roma ay hindi-nagkakamaling hukom, at dapat na sundin. Ang pagtanggap sa iminungkahing kasunduan ay tahasan sanang pagtanggap na ang kalayaang panrelihiyon ay dapat na limitahan lamang sa repormadong Saxony; pero sa lahat ng iba pang bahagi ng Sangkakristiyanuhan, ang malayang pagsisiyasat at ang pagpapahayag ng paniniwala sa bagong pananampalataya ay krimen, at dapat na hatulan ng bartolina at pagpapasunog. Sila ba ay makapapayag na limitahan lang sa ilang lugar ang kalayaang panrelihiyon? Na iproklamang nakuha na ng Repormasyon ang pinakahuli nitong hikayat? Na nasakop na nito ang pinakahuli nitong lupain? At kung saan man naghahari ang Roma sa oras na ito, doon naman mapapamalagi ang pamamahala nito? Maaari kayang ipangatwiran ng mga Repormador na wala silang kasalanan sa dugo nung daan-daan at libu-libong tao na dahil sa pagsunod nila sa kasunduang ito, ay kailangang magpasakop ng kanilang buhay doon sa mga lupain ng kapapahan? Ito’y pagtataksil sa gawain ng ebanghelyo at sa mga kalayaan ng Sangkakristiyanuhan, sa dakilang oras na iyon”—Wylie, b. 9, ch. 15. Mas gugustuhin pa nilang “isakripisyo ang lahat, pati na ang kanilang mga estado, pamamahala, at kanilang buhay”—D'Aubigné b. 13, ch. 5.ADP 117.2

    “Huwag nating tanggapin ang kautusang ito,” ang sabi ng mga prinsipe. “Sa mga bagay na may-kinalaman sa konsensya, ay walang kapangyarihan ang nakararami.” Ang mga kinatawan ay nagsabi: “Utang natin sa kautusang pinalabas noong 1526 ang kapayapaan na tinatamasa ng imperyo: ang pagpapawalang-bisa nito ay lilipos ng maraming kaguluhan at pagkakahati-hati sa Germany. Ang Konseho ay walang-karapatang gumawa nang higit kaysa sa pagpapanatili ng kalayaang panrelihiyon hanggang makapagpulong ang konsilyo.”—Ibid., b. 13, ch. 5. Ang protektahan ang kalayaan ng konsensya ay tungkulin ng estado, at ito ang hangganan ng kapamahalaan nito sa mga bagay na may-kinalaman sa relihiyon. Bawat sekyular na pamahalaan na nagtatangkang magsabatas o magpatupad ng mga gawaing panrelihiyon sa pamamagitan ng kapamahalaang sibil ay isinasakripisyo ang prinsipyo mismong marangal na ipinaglaban ng mga ebanghelikong Kristiyano.ADP 117.3

    Ang mga makapapa ay disididong patigilin ang tinatawag nilang “pangahas na kasuwailan” na ito. Nagsimula sila sa pagsisikap na magdulot ng pagkakahati-hati sa mga tagasuporta ng Repormasyon at takutin lahat ng hindi pa lantarang nagpapahayag ng pagpanig dito. Ang mga kinatawan ng malalayang lunsod ay ipinatawag ng Konseho sa wakas, at sila’y inutusang sabihin kung sila ba ay papayag sa mga kondisyon ng mungkahi. Humiling sila ng palugit, pero hindi sila pinagbigyan. Nang sila’y subukin, halos kalahati ng kanilang bilang ang pumanig sa mga Repormador. Ang mga nagsitangging ito na isakripisyo ang kalayaan ng budhi at ang karapatan sa sariling pagpapasya, ay alam na alam na dahil sa paninindigan nila ay markado na sila para sa kritisismo, pagkundena, at pag-uusig sa hinaharap. Ang sabi ng isang kinatawan: “Dalawa lang ang pagpipilian, itakwil namin ang Salita ng Diyos, o kaya’y masunog”—Ibid., b. 13, ch. 5.ADP 118.1

    Nakita ni Haring Ferdinand, na siyang kinatawan ng emperador sa Konseho, na ang kautusang ito ay magdudulot ng malubhang pagkakabaha-bahagi malibang ang mga prinsipe ay mahimok na ito’y tanggapin at sang-ayunan. Kaya’t sinubukan niya ang sining ng panghihikayat, dahil alam niya na ang paggamit ng dahas sa mga taong ito ay lalong lamang magpapadisidido sa kanila. Siya’y “nakiusap sa mga prinsipe na tanggapin na lang ang kautusan, at tiniyak sa kanila na ang emperador ay labis na malulugod sa kanila.” Ngunit ang mga tapat na taong ito ay kumikilala sa kapamahalaang mas mataas kaysa mga pinuno sa lupa, at sila’y mahinahong sumagot: “Kami’y susunod sa emperador sa lahat ng bagay na makakatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at sa karangalan ng Diyos.”—Ibid., b. 13, ch. 5.ADP 118.2

    Sa wakas, sa harapan ng Konseho ay ipinaalam ng hari sa elektor at sa kanyang mga kapanalig na ang kautusan “ay malapit nang buuin bilang isang batas ng imperyo,” at “ang natitira nilang dapat gawin ay ang sumang-ayon sa nakararami.” Matapos niya itong sabihin, siya ay uma lis sa kapulungan, at hindi binigyan ng pagkakataon ang mga Repormador na makapagsalita at tumugon. “Walang nangyari sa pagsusugo nila ng mga kinatawan na nakiusap sa hari na siya’y bumalik.” Sa kanilang mga reklamo ay tumugon lang siya nang ganito; “Tapos na ang bagay na iyon; ang pagpapasakop na lang ang natitira.”— Ibid., b. 13, ch. 5.ADP 118.3

    Naniniwala ang panig ng emperador na ang mga Kristiyanong prinsipe ay maninindigan sa Banal na Kasulatan bilang mas mataas kaysa sa mga doktrina at mga ipinag-uutos ng tao; at alam nila na saanman tanggapin ang prinsipyong ito, ang kapapahan ay babagsak din. Ngunit, gaya ng libu-libong tao mula pa sa kapanahunan nila, na tumitingin lamang “sa mga bagay na nakikita” (2 Corinto 4:18), pinaniwala nila ang kanilang sarili na ang layunin ng emperador at ng papa ay matatag, at ang sa mga Repormador ay mahina. Kung ang mga Repormador ay umasa lamang sa tulong ng tao, magiging napakahina nga sana nila gaya ng iniisip ng mga makapapa. Pero bagaman mahina sa bilang, at kakontra ng Roma, sila’y merong lakas. Sila’y sumangguni, “mula sa ulat ng Konseho tungo sa Salita ng Diyos, at mula kay emperador Charles tungo kay JesuCristo, ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”—Ibid., b. 13, ch. 6.ADP 118.4

    Dahil ayaw igalang ni Ferdinand ang kanilang mga tapat na paniniwala, ipinasya ng mga prinsipe na huwag intindihin ang pagiging wala niya, kundi iharap kaagad ang kanilang Protesta sa pambansang konsilyo. Kaya’t isang pormal na deklarasyon ang kanilang binuo, at iniharap sa Konseho:ADP 118.5

    “Kami’y tumututol sa pamamagitan ng mga pahayag na ito, sa harapan ng Diyos, na tangi nating Manlalalang, Tagapagingat, Manunubos at Tagapagligtas, at Siyang magiging Hukom natin balang araw, ganon din sa harapan ng lahat ng tao at sa lahat ng nilalang, na kami, para sa amin at para sa aming mga nasasakupan, ay hindi pumapayag o sumasang-ayon sa anumang kaparaanan sa pinapanukalang batas, sa anumang bagay na laban sa Diyos, sa Kanyang Banal na Salita, sa matuwid naming konsensya, at sa kaligtasan ng aming kaluluwa.”ADP 118.6

    “Ano! Pinagtitibay namin ang pahayag na ito! Pinaninindigan namin na kapag tinatawagan ng Makapangyarihang Diyos ang isang tao sa Kanyang karunungan, ang taong ito gayunman ay hindi matatanggap ang karunungan ng Diyos!” “Walang tiyak na doktrina kundi yaong naaayon sa Salita ng Diyos.... Hindi ipinapahintulot ng Panginoon ang pagtuturo ng iba pang doktrina.... Ang Banal na Kasulatan ay dapat ipaliwanag ng ibang mas malinaw na mga talata;...ang Banal na Aklat na ito ay madaling maunawaan ukol sa lahat ng bagay na mahalaga para sa Kristiyano, at maaasahang magtataboy sa kadiliman. Disidido kami, sa biyaya ng Diyos, na panindigan ang malinis at tanging pangangaral ng Salita Niya lamang, yung mga nilalaman ng mga aklat sa Luma at Bagong Tipan ng Biblia, nang walang anumang idinadagdag dito na maaaring kasalungat nito. Ang Salitang ito ay siyang tanging katotohanan; ito ang mapapagtiwalaang pamantayan ng lahat ng aral at lahat ng pamumuhay, at hindi maaaring bumigo o dumaya sa atin. Siyang nagtatayo sa pundasyong ito ay makakatayo laban sa lahat ng kapangyarihan ng impiyerno, samantalang ang lahat ng walang-kabuluhang itinatayo ng tao laban dito ay babagsak sa harapan ng Diyos.”ADP 119.1

    “Sa kadahilanang ito ay tinatanggihan namin ang pamatok na ipinapapasan sa amin.” “Kasabay nito ay umaasa kami na ang kamahalang emperador ay makikitungo sa amin gaya ng isang Kristiyanong prinsipe na nagmamahal sa Diyos nang higit sa lahat ng bagay; at aming ipinapahayag na handa naming ibigay sa kanya, at ganon din sa inyo, mga mabubuting panginoon, ang lahat ng pagmamahal at pagsunod na siyang nararapat at matuwid naming katungkulan.”—Ibid., b. 13, ch. 6.ADP 119.2

    Isang malalim na damdamin ang nalikha sa kapulungan. Ang nakararami ay napuno ng paghanga at pagkabahala sa katapangan ng mga nagpoprotesta. Ang hinaharap para sa kanila ay parang mabagyo at walang-katiyakan. Ang pag-aaway-away, kaguluhan, at pagdanak ng dugo ay mukhang hindi maiiwasan. Ngunit ang mga Repormador, na nakatitiyak sa katar ungan ng kanilang ipinaglalaban, at umaasa sa kamay ng Makapangyarihan sa lahat, ay “puspos ng lakas ng loob at katatagan.”ADP 119.3

    “Ang mga prinsipyong napapaloob sa tanyag na Protestang ito... ay bumubuo sa pinakadiwa ng Protestantismo. Nilalabanan ng protestang ang dalawang pang-aabuso ng tao sa mga bagay na may-kinalaman sa pananampalataya: una ay ang panghihimasok ng mga mahistradong sibil, at ang pangalawa ay ang kapamahalaan ng simbahan na nakabatay sa sarili nitong kagustuhan. Kapalit ng mga abusong ito, ay inilalagay ng Protestantismo na mas mataas ang kapangyarihan ng konsensya kaysa sa mga mahistrado, at ang kapamahalaan ng Salita ng Diyos kaysa sa simbahang nakikita. Sa una pa lang ay hindi na nito tinatanggap ang kapangyarihang sibil sa mga bagay na ukol sa Diyos, at gaya ng mga propeta at apostol ay nagsasabi, ‘Kailangang sa Diyos kami sumunod, sa halip na sa mga tao.’ Sa harapan ng korona ni Charles V, ay itinataas nito ang korona ni Cristo. Ngunit lumalampas pa ito: inilalatag nito ang prinsipyo na ang lahat ng turo ng tao ay dapat nasasakupan ng mga kapahayagan ng Diyos.”—Ibid., b. 13, ch. 6. Pinagtibay pa ng mga nagprotesta ang kanilang karapatan na malayang sabihin ang kanilang paniniwala sa katotohanan. Hindi lamang sila maniniwala at susunod sa Salita ng Diyos, kundi ituturo pa nila kung ano ang ipinapahayag nito, at hindi nila tinanggap ang karapatang manghimasok ng mga pari o mahistrado. Ang Protesta sa Spires ay isang dakilang saksi laban sa paghihigpit sa relihiyon, at isang paggigiit sa karapatan ng lahat ng tao na sumamba sa Diyos ayon sa dikta ng sarili nilang konsensya.ADP 119.4

    Ang deklarasyon ay naisagawa. Ito’y nasulat sa alaala ng libu-libong tao, at naitala sa mga aklat ng langit, na hindi mapapawi ng anumang pagtatangka ng tao. Tinanggap ng buong ebanghelikong Germany ang Protesta bilang kapahayagan ng pananampalataya nito. Nakita sa deklarasyong ito ng mga tao kahit saan ang pag-asa sa isang bago at mas magandang kapanahunan. Ang sabi ng isang prinsipe sa mga Protestante ng Spires: “Ang Makapangyarihan sa lahat nawa, na nagbigay sa inyo ng biyaya upang masigasig, hayagan, at walangtakot na magpahayag ng inyong paniniwala, ang mag-ingat sa inyo sa katatagang Kristiyanong iyan hanggang sa walanghanggang araw.”—Ibid., b. 13, ch. 6.ADP 119.5

    Kung ang Repormasyon, matapos magkamit ng isang antas ng tagumpay, ay pumayag na makibagay pansamantala upang matanggap ang pabor ng sanlibu-tan, ito’y hindi magiging tapat sa Diyos at sa sarili nito, at sa gayo’y natiyak sana ang sarili nitong pagkawasak. Ang karanasan ng mararangal na Repormador na ito ay may liksyon para sa lahat ng susunod na panahon. Ang paraan ng paggawa ni Sata-nas laban sa Diyos at sa Kanyang Salita ay hindi pa rin nagbago; laban pa rin siya sa pagiging gabay sa buhay ng Kasulatan gaya noong ika-16 siglo. Sa ating kapanahunan ay may malawakang pagtalikod sa mga doktrina at alituntunin nito, at may malaking pangangailangang bumalik sa dakilang Protestanteng prinsipyo—ang Biblia, at ang Biblia lamang, bilang pamantayan ng pananampalataya at tungkulin. Si Satanas ay gumagawa pa rin sa pamamagitan ng lahat ng kaparaanang makokontrol niya upang sirain ang kalayaang panrelihiyon. Ang kapangyarihang laban sa Kristiyanismo na itinakwil ng mga nagprotesta sa Spires noon, ay nagsisikap ngayon nang may panibagong lakas upang muling itatag ang nawala nitong paghahari. Ang ganon ding matibay na paninindigan sa Salita ng Diyos na ipinakita sa panahon ng krisis na iyon ng Repormasyon, ay siyang tanging pag-asa ng pagrereporma ngayon.ADP 120.1

    May lumitaw na mga palatandaan ng panganib sa mga Protestante; may mga palatandaan din, na ang kamay ng Diyos ay nakaunat upang iligtas ang mga tapat. Noong mga panahong ito “nagmamadaling inihatid ni Melanchthon ang kanyang kaibigang si Simon Grynaeus padaan sa mga lansangan ng Spires papunta sa ilog ng Rhine, na pinipilit itong tumawid sa ilog. Si Simon naman ay takang-taka sa ganong pagaapura. Sabi ni Melanchthon, ‘Isang matandang lalaki na may mabigat at seryosong himig, pero hindi ko kilala, ang lumapit sa akin at nagsabi, Sa ilang sandali lang ay may ipapadalang mga kawal ng hukuman si Ferdinand upang dakpin si Grynaeus.’ ”ADP 120.2

    Nang araw na iyon, si Grynaeus ay siniraang-puri sa isang sermon ni Faber, isang nangungunang doktor na makapapa; at sa katapusan, siya’y sinalangsang ni Grynaeus dahil sa pagtatanggol “ng mga kasuklamsuklam na kamalian.” Itinago ni Faber ang kanyang galit, ngunit kaagad namang nagtungo sa hari kung saan siya nakakuha ng kautusan na dakpin ang kawawang propesor ng Heidelberg. Hindi pinagdudahan ni Melanchthon na ang Diyos ang nagligtas sa kanyang kaibigan sa pamamagitan ng pagsusugo ng isa sa mga banal Niyang anghel upang bigyan siyang babala.ADP 120.3

    “Habang walang-kibo sa pampang ng ilog ng Rhine, siya’y naghintay hanggang iligtas ng mga tubig ng ilog na iyon si Grynaeus mula sa mga umuusig sa kanya. ‘Sa wakas,’ sigaw ni Melanchthon nang makita niya na nasa kabilang pampang na siya, ‘sa wakas siya’y nailigtas na mula sa mabangis na panga nung mga uhaw sa dugo ng mga walang-kasalanan.’ Nang siya'y bumalik sa kanyang bahay, sinabihan si Melanchthon na ito’y hinalughog ng mga kawal na naghahanap kay Grynaeus mula itaas hanggang ibaba.”—Ibid., b. 13, ch. 6.ADP 120.4

    Ang Repormasyon ay dapat higit na maging tanyag sa harapan ng mga dakilang tao sa sanlibutan. Ang mga ebanghelikong prinsipe ay pinagkaitan ng pagdinig ni Haring Ferdinand; ngunit sila’y mapapagkalooban ng pagkakataong iharap ang kanilang ipinaglalaban sa presensya ng emperador at ng mga nagkakatipong may matataas na katungkulan sa simbahan at sa pamahalaan. Upang payapain ang pagaaway-away na gumambala sa imperyo, si Charles V, nang sumunod na taon pagkatapos ng Protesta sa Spires, ay nagpatawag ng Konseho sa Augsburg, kung saan ay ipinaalam niya ang balak niyang personal na mangasiwa. Doon ay ipinatawag ang mga Protestanteng lider.ADP 120.5

    Malalaking panganib ang nagbabanta sa Repormasyon; ngunit ipinagkatiwala pa rin ng mga tagapagtaguyod nito ang kanilang gawain sa Diyos, at nangako sila na magiging matatag sa ebanghelyo. Ang elektor ng Saxony ay pinayuhan ng mga miyembro ng kanyang konseho na huwag nang dumalo sa Konseho. Pinadadalo ng emperador ang mga prinsipe, sabi nila, upang sila’y hilahin sa bitag. “Hindi ba’t pagsasapanganib sa lahat ang pumunta roon at makulong ang sarili sa mga pader ng isang lunsod na may mga makapangyarihang kaaway? Ngunit ang iba naman ay marangal na nagsabi, “Kumilos lang nang may katapangan ang mga prinsipe, at ligtas na ang gawain ng Diyos,” “Ang Diyos ay tapat; hindi Niya tayo pababayaan,” sabi ni Luther.—Ibid., b. 14, ch. 2. Ang elektor ay humayo patungong Augsburg kasama ng kanyang mga tauhan. Alam ng lahat ang mga panganib na nagbabanta sa kanya, at marami sa kanila ang humayo nang may malungkot na mukha at nababalisang puso. Ngunit binuhay ni Luther, na sumama sa kanila hanggang sa Coburg, ang nanghihina nilang pananampalataya sa pamamagitan ng pag-awit ng awiting sinulat niya sa paglalakbay na iyon, “Isang matibay na muog ang ating Diyos.” Maraming nababahalang kutob ang nawala, maraming nabibigatang puso ang gumaan sa himig ng nakakapagpasiglang awit.ADP 120.6

    Ipinasya ng mga repormadong prinsipe na gawing sistematiko ang pahayag ng kanilang mga paniniwala, na may kasama pang katibayan mula sa Kasulatan, para iharap sa Konseho; at ang paggawa nito ay ipinaubaya kina Luther, Melanchthon at sa kanilang mga kasamahan. Ang Pagpapahayag na ito ay tinanggap ng mga Protestante bilang paliwanag ng kanilang pananampalataya, at sila'y nagtipun-tipon upang pumirma sa mahalagang dokumentong ito. Iyo’y isang taimtim at napakahirap na panahon. Ang mga Repormador ay maingat na huwag ikalito sa mga paksang pulitikal ang kanilang ipinaglalaban; nadarama nila na ang Repormasyon ay hindi dapat gumamit ng iba pang impluwensya maliban doon sa nagmumula sa Salita ng Diyos. Nang ang mga Kristiyanong prinsipe ay lumalapit na upang pumirma sa Pagpapahayag, si Melanchthon ay namagitan, at nagsabi: “Tungkulin ng mga teologo at ministro ang pagmungkahi sa mga bagay na ito; ilaan natin sa ibang bagay ang kapamahalaan ng mga dakilang tao sa lupa.” “Huwag nawang ipahintulot ng Diyos,” sagot ni John ng Saxony, “na hindi ninyo ako isama. Disidido akong gawin kung ano ang tama, nang hindi nag-aalala sa aking korona. Gusto kong ipahayag ang Panginoon. Ang pagiging elektor ko at ang katungkulan ko ay hindi gaanong mahalaga sa akin kaysa sa krus ni Jesu-Cristo.” Pagkasabi nito, ay inilagda niya ang kanyang pangalan. Ang sabi ng isa pang prinsipe nang kunin niya ang panulat, “Kung ito’y hinihingi ng karangalan ng aking Panginoong Jesu-Cristo, handa akong...iwan ang aking mga ari-arian at buhay.” “Mas gugustuhin ko pang talikuran ang aking mga nasasakupan at mga estado, mas gugustuhin pang iwan ang bayan ng aking mga ninuno sa pangangasiwa ng tauhan,” patuloy niya, “kaysa tanggapin ang ibang doktrina maliban sa nilalaman ng Pagpapahayag na ito.”—Ibid., b. 14, ch. 6. Ganyan ang pananampalataya at lakas ng loob ng mga taong iyon ng Diyos.ADP 121.1

    Ang takdang panahon para humarap sa emperador ay dumating na. Si Charles V, na nakaupo sa kanyang trono at napapalibutan ng mga elektor at prinsipe, ay nakinig sa mga Protestanteng Repormador. Ang pagpapahayag ng kanilang pananampalataya ay binasa. Sa kagalang-galang na kapulungang iyon, ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay maliwanag na nailahad, at ang mga kamalian ng simbahan ng kapapahan ay naipakita. Napakaganda ng pagkakasabi tungkol sa araw na iyon bilang “pinakadakilang araw ng Repormasyon, at isa sa pinakamaluwalhating araw sa kasaysayan ng Kristiyanismo at ng sangkatauhan.”—Ibid., b. 14, ch. 7.ADP 121.2

    Ngunit ilang taon na ang nakalipas mula noong tumayong mag-isa ang monghe ng Wittenberg doon sa Worms sa harapan ng pambansang konsilyo. Ang kapalit niya ngayon ay ang pinakamararangal at pinakamakapangyarihang mga prinsipe ng imperyo. Si Luther ay binawalang dumalo sa Augsburg, ngunit siya’y naroon sa pamamagitan ng kanyang salita at mga panalangin. “Labis akong natutuwa,” sulat niya, “na ako’y buhay pa rin hanggang sa oras na ito, kung saan ay hayagang itinaas si Cristo ng mga dakilang tagapagpahayag, sa ganon kaluwalhating kapulungan.”— Ibid., b. 14, ch. 7. Sa gayon ay natupad ang sinasabi ng Kasulatan: “Magsasalita rin ako tungkol sa Iyong mga patotoo sa harapan ng mga hari ” (Awit 119:46).ADP 121.3

    Noong panahon ni Pablo ang ebanghelyong dahilan ng pagkabilanggo niya ay naiharap sa mga prinsipe at mahal na tao ng lunsod ng imperyo. At ganon din sa okasyong ito, yung ipinagbabawal ng emperador na ipangaral sa pulpito ay naipahayag sa palasyo; yung itinuring ng marami na hindi dapat mapakinggan kahit ng mga alipin, ay may pagkamanghang pinakinggan ng mga pinuno at panginoon ng buong imperyo. Mga hari at mga daki-lang tao ang tagapakinig, mga nanunungkulang prinsipe naman ang mga mangangaral, at ang sermon ay ang makaharing katotohanan ng Diyos. “Simula pa noong panahon ng mga apostol,” sabi ng isang manunulat, “ay wala pang mas dakilang gawain o mas maringal na pagpapahayag kaysa dito.”—Ibid., b. 14, ch. 7.ADP 121.4

    “Ang lahat ng sinabi ng mga Lutheran ay totoo; hindi natin ito maitatanggi,” ang sabi ng isang obispong makapapa. “Mapapasinungalingan mo ba sa pamamagitan ng tamang pangangatwiran ang Pagpapahayag na ginawa ng elektor at ng kanyang mga kakampi?” tanong pa ng isa kay Dr. Eck. “Sa mga sinulat ng mga apostol at mga propeta—hindi!” sagot nito; “ngunit sa mga sinulat ng mga Church Father at ng mga konsilyo—oo!” “Nauunawaan ko,” ang tugon ng nagtanong. “Ang mga Lutheran sang-ayon sa iyo, ay nasa Kasulatan, at tayo’y wala.”—Ibid., b. 14, ch. 8.ADP 122.1

    May mga prinsipe ng Germany na nahikayat sa bagong pananampalataya. Kahit ang emperador mismo ay nagsabing ang mga sinulat ng mga Protestante ay pawang katotohanan nga. Ang Pagpapahayag ay isinalin sa maraming wika at ipinalaganap sa buong Europa, at ito’y tinanggap ng milyun-milyong tao sa mga sumunod na henerasyon bilang kapahayagan ng kanilang pananampalataya.ADP 122.2

    Ang mga tapat na lingkod ng Diyos ay hindi mag-isang nagpapakapagod. Habang “ang mga pinuno at mga may kapangyarihan at masasamang espiritu sa matataas na dako” ay nagsasanib laban sa kanila, hindi pinabayaan ng Diyos ang Kanyang bayan. Kung mabubuksan lamang ang kanilang mga mata, nakita sana nila ang malilinaw na katibayan ng banal na presensya at tulong gaya ng ibinigay sa mga propeta noong unang panahon. Noong ituro kay Eliseo ng kanyang alipin ang hukbo ng kalaban na nakapalibot sa kanila, at wala na talagang anumang pagkakataon para makatakas, ang propeta ay nanalangin, “Idinadalangin ko sa Iyo, Panginoon, na buksan Mo ang kanyang mga mata, upang siya’y makakita” (2 Hari 6:17). At narito, ang bundok ay napuno ng mga karwahe at mga kabayong apoy, ang hukbo ng langit ay nakaposisyon upang ipagsanggalang ang tao ng Diyos. Ganon din binantayan ng mga anghel ang mga manggagawa sa gawain ng Repormasyon.ADP 122.3

    Isa sa mga prinsipyo na napakatibay na pinaninindigan ni Luther ay, hindi dapat gumamit ng kapangyarihang sibil upang tulungan ang Repormasyon, at hindi dapat gumamit ng mga armas para ipagtanggol ito. Siya’y nagagalak dahil ang ebanghelyo ay ipinahayag ng mga prinsipe ng imperyo; ngunit nang sila’y magmungkahi ng pagkakaisa sa isang samahan na magsasanggalang dito, sinabi niya na, “ang Diyos lamang ang dapat na magsanggalang sa doktrina ng ebanghelyo.... Kung di gaanong manghihimasok ang tao sa gawain, mas kapansin-pansin ang magiging pamamagitan ng Diyos para dito. Lahat ng iminungkahing maparaang pagiingat, sa kanyang pananaw, ay maiuukol sa di-nararapat na takot at makasalanang kawalan ng pagtitiwala.”—D’Aubigné, London ed., b. 10, ch. 14.ADP 122.4

    Nang ang mga makapangyarihang kaaway ay nagsasanib upang pabagsakin ang bagong pananampalataya, at libu-libong tabak ang parang huhugutin na sa kaluban laban dito, si Luther ay sumulat: “Inilalabas na ni Satanas ang kanyang galit; ang mga masasamang obispo ay nagsasabwatan; at tayo’y binabantaan ng digmaan. Himukin natin ang mga tao na buong tapang na makipagpunyagi sa harapan ng trono ng Panginoon, sa pamamagitan ng pananampalataya at pananalangin, upang ang ating mga kaaway, kapag nadaig ng Espiritu ng Diyos, ay mapilit sa kapayapaan. Ang pangunahin nating kailangan, ang pangunahin nating gawain, ay ang manalangin; ipaalam natin sa mga tao na sila ngayon ay nakalantad sa talim ng tabak at sa galit ni Satanas, at sila’y manalangin.”— D’Aubigné, b. 10, ch. 14.ADP 122.5

    At muli, nang bandang huling petsa, ukol pa rin sa balak na pagsasanib ng mga repormadong prinsipe, sinabi ni Luther na ang tanging sandata na dapat gamitin sa labanang ito ay ang “tabak ng Espiritu.” Sumulat siya sa elektor ng Saxony: “Sa ating konsensya ay hindi natin maaaring aprubahan ang iminungkahing alyansa. Mas pipiliin pa nating mamatay nang sampung beses kaysa makitang maging sanhi ng isang patak ng dugo ang ating ebanghelyo. Ang bahagi natin ay maging katulad ng isang tupa sa katayan. Ang krus ni Cristo ay kailangang pasanin. Huwag matakot ang aming kamahalan. Mas marami tayong magagawa sa ating pananalangin kaysa sa pagyayabang ng lahat ng ating mga kaaway. Huwag mo lang pahintulutang mabahiran ng dugo ng mga kapatiran mo ang iyong mga kamay Kung ipag-utos man ng emperador na tayo’y ibigay sa kanyang mga hukuman, tayo ay handang humarap. Hindi mo maipagtatanggol ang ating pananampalataya: bawat isa ay dapat sumampalataya sa sarili niyang kapahamakan at panganib.”—Ibid., b. 14, ch. 1.ADP 122.6

    Mula sa lihim na lugar ng pananalangin ay nanggaling ang kapangyarihan na yumanig sa sanlibutan noong Dakilang Repormasyon na iyon. Doon, sa banal na katahimikan, ay itinuntong ng mga lingkod ng Panginoon ang kanilang mga paa sa bato ng Kanyang mga pangako. Sa panahon ng pagpupunyagi doon sa Augsburg, si Luther ay “hindi nagpalampas ng maghapon, nang hindi nagtatalaga ng kahit tatlong oras sa pananalangin, at iyo’y mga oras na pinili mula sa mga oras na pinakamagandang mag-aral.” Sa pag-iisa niya sa kanyang silid, siya’y maririnig na ibinubuhos ang kanyang kaluluwa sa Diyos sa mga salitang “punung-puno ng pagsamba, pangamba, at pag-asa, na gaya ng pakikipag-usap ng isang tao sa kanyang kaibigan.” “Alam ko na Ikaw ang aming Ama at Diyos,” sabi niya, “at alam kong ikakalat Mo ang mga umuusig sa Iyong mga anak; sapagkat Ikaw mismo ay nanganganib kasama namin. Lahat ng ito ay sa Iyo, at dahil lamang sa paghimok Mo kaya namin ito isinagawa. Ipagsanggalang Mo po kami, kung gayon, O Ama!”—Ibid., b. 14, ch. 6.ADP 123.1

    Kay Melanchthon, na durog sa bigat ng mga pag-aalala at takot, ay sumulat siya: “Biyaya at kapayapaan kay Cristo—kay Cristo ang sabi ko, at hindi sa sanlibutan. Amen. Kinamumuhian ko nang labis na pagkamuhi ang matitinding alalahaning iyon na nagpapahina sa iyo. Kung ang gawain ay hindi matuwid, talikuran mo ito; at kung ang gawain ay makatwiran, bakit naman natin pasisinungalingan ang mga pangako Niyang nag-uutos sa atin na matulog nang walang takot?... Hindi magkukulang si Cristo sa gawain ng katarungan at ng katotohanan. Siya’y nabubuhay, Siya’y naghahari; ano kung gayon ang ating katatakutan?”—Ibid., b. 14, ch. 6.ADP 123.2

    Pinakinggan nga ng Diyos ang mga daing ng Kanyang mga lingkod. Siya’y nagbigay ng biyaya at tapang sa mga prinsipe at mga ministro upang panindigan ang katotohanan laban sa mga pinuno ng kadiliman sa sanlibutang ito. Ang sabi ng Panginoon: “Tingnan ninyo, Aking inilalagay sa Zion ang isang bato, isang batong panulok na pinili at mahalaga; at sinumang sumasampalataya sa Kanya ay hindi mapapahiya” (1 Pedro 2:6). Ang mga Protestanteng Repormador ay nagtayo kay Cristo, at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi kayang manaig laban sa kanila.ADP 123.3

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents