Kabanata 5—Si Cain at si Abel ay Sinubok
.
Si Cain at si Abel, ang mga anak ni Adan, ay may malaking pag- kakaiba sa likas. Si Abel ay may espiritu ng pagtatapat sa Dios; kanyang nakikita ang paghatol at kaawaan ng pakikitungo ng Maylalang sa nagkasalang lahi, at may pagpapasalamat na tinanggap ang pag-asa ng pagkatubos. Subalit si Cain ay nagkimkim ng espiritu ng panghihimagsik, at nagsasalita laban sa Dios sa sumpang ipinataw sa lupa at sa lahi ng tao dahil sa kasalanan ni Adan. Pinahintulutan niyang ang kanyang isip ay dumaloy sa daang naghatid sa pagkabagsak ni Satanas—binibigyang laya ang pagnanasa upang itanghal ang sarili at pinag-aalinlangan ang banal na hatol at kapangyarihan.MPMP 79.1
Ang magkapatid ay sinubok, kung paanong si Adan ay sinubok, upang matiyak kung sila ay maniniwala at makikinig sa salita ng Dios. Kapwa nila batid ang kaloob para sa kaligtasan ng tao, at naunawaan ang paraan ng paghahandog na iniutos ng Dios. Alam nila na sa mga handog na iyon sila'y kinakailangang maghayag ng pananampalataya sa Tagapagligtas na inilalarawan ng mga handog na iyon, at sa pagkakataon ding yaon ay kilalanin ang kanilang ganap na pag-asa sa Kanya ukol sa kapatawaran; at alam nila na sa pamamagitan ng gano'ng pagsang-ayon sa banal na panukala para sa kanilang kaligtasan, pinatutunayan nila ang pagiging masunurin sa kalooban ng Dios. Kung walang pagbububo ng dugo hindi magkakaroon ng pagbabayad ng kasalanan; at kinakailangang ipakita nila ang kanilang pananampalataya sa dugo ni Kristo bilang siyang ipina- ngakong pantubos sa pamamagitan ng paghahandog ng mga panganay sa mga hayop. Sa kabila nito, ang mga unang bunga ng lupa ay kinakailangang ihandog sa Panginoon bilang handog ng pagpapasalamat.MPMP 79.2
Kapwa gumagawa ng magsintulad na altar ang magkapatid, at kapwa nagdala ng handog. Si Abel ay nagdala ng handog mula sa mga alagang hayop, ayon sa mga tagubilin ng Panginoon. “At liningap ng Panginoon si Abel at ang kanyang handog.” Ang apoy ay sumiklab mula sa langit at inubos ang handog. Subalit si Cain, sa pagwawalang bahala sa matuwid at maliwanag na tagubilin ng Dios, ay nagkaloob lamang ng handog na prutas. Walang anumang tanda mula sa langit ang nagpakitang iyon ay tinanggap. Si Abel ay nakiusap sa kanyang kapatid na lumapit sa Panginoon sang-ayon sa itinakdang paraan, subalit ang kanyang pakiusap ay lalo lamang nag-udyok kay Cain upang sundin ang sarili niyang kalooban. Bilang panganay, nadarama niyang siya ay nasa mataas na kalagayan upang siya ay mapayuhan ng kanyang kapatid, at hindi dininig ang kanyang payo.MPMP 79.3
Si Cain ay dumulog sa harapan ng Dios na may pag-ungol at hindi pananalig sa kanyang puso tungkol sa ipinangakong handog at sa pangangailangan ng mga haing handog. Ang kanyang kaloob ay hindi naghahayag ng pagsisisi sa kasalanan. Kanyang nadama, ang tulad sa nadarama ng marami ngayon, na isang pagkilala sa kahinaan ang sumunod sa ganap na panukalang inihayag ng Dios, ang pagtitiwala ng kanyang kaligtasan ng ganap sa pagtubos ng ipinangakong Tagapagligtas. Pinili niya ang daan ng pananalig sa sarili. Siya ay lumapit sa sarili niyang pagiging marapat. Hindi siya magdadala ng tupa, at ihahalo ang dugo noon sa kanyang handog, ngunit siya ay maghahandog ng kanyang mga ani, ang mga bunga ng kanyang paggawa. Dinala niya ang kanyang handog bilang isang kabutihang ginawa para sa Dios, na sa pamamagitan noon ay inaasahan niyang siya ay kaluluguran ng Dios. Si Cain ay sumunod sa paggawa ng altar, sumunod sa pagdadala ng handog; subalit siya ay nagkaloob lamang ng isang bahagi ng pagsunod. Ang mahalagang bahagi, ang pagkilalang siya ay nangangailangan ng isang Tagatubos, ay naiwan.MPMP 80.1
Kung ang pagkapanganak at pagtuturo tungkol sa relihiyon ang pag-uusapan, ang magkapatid ay patas. Kapwa makasalanan, at kapwa kumikilala sa Dios na Siya ay dapat igalang at sambahin. Sa panglabas na anyo ang kanilang relihiyon ay nagkaisa lamang hanggang sa isang banda, ngunit higit doon ang pagkakaiba ng dalawa ay malaki.MPMP 80.2
“Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Dios ng lalong mabuting hain kaysa kay Cain.” Hebreo 11:4. Pinanghawakan ni Abel ang mga dakilang alituntunin ng pagtubos. Nakita niya ang kanyang sarili bilang isang makasalanan, at nakita niya ang kasalanan at ang kaparusahan noon, ang kamatayan, nasa pagitan ng kanyang kaluluwa at ng pakikipag-ugnayan sa Dios. Dinala niya ang pinatay na biktima, ang inialay na buhay, sa gano'ng paraan ay kinilalala ang hinihiling ng kautusang hindi nasunod. Sa pamamagitan ng nabubong dugo siya ay tumingin sa hinaharap na handog, si Kristo na namatay sa krus ng kalbaryo; at nagtitiwala sa pangtubos na gagawin doon, mayroon siyang patotoo na siya ay matuwid, at ang kanyang handog ay tinanggap.MPMP 80.3
Si Cain ay mayroon ding gano'ng pagkakataon upang malaman at tanggapin ang mga katotohanang ito tulad ni Abel. Siya ay hindi biktima ng isang sinadyang panukala. Ang isang kapatid ay hindi nakatalaga upang tanggapin ng Dios, at ang isa'y tatanggihan. Pinili ni Abel ang pananampalataya at pagsunod; si Cain, ang di pananampalataya at ang paghihimagsik. Dito nakasalalay ang buong pangyayari.MPMP 81.1
Si Cain at si Abel ay kumakatawan sa dalawang uri ng tao sa sanlibutan hanggang sa dumating ang wakas. Ang isang uri ay tuma- tanggap sa itinalagang handog para sa kasalanan; ang isang uri ay nangangahas na umasa sa sarili nilang kabutihan; ang kanila'y isang sakripisyong hiwalay sa kabutihan ng isang banal na namamagitan, kung kaya iyon ay hindi makasapat upang ang tao ay gawing kaluguran ng Dios. Sa pamamagitan lamang ng kabutihan ni Kristo maaaring mapatawad ang ating mga kasalanan. Yaong mga nakadarama na hindi na nila kailangan ang dugo ni Kristo, nakadarama na kahit na walang banal na biyaya magagawa nilang sa pamamagitan ng sarili nilang mga gawa ay maaari nilang makamtan ang kaluguran ng Dios, ay gumagawa ng pagkakamaling tulad ng kay Cain. Kung hindi nila tinatanggap ang naglilinis na dugo, sila ay mapapahamak. Wala ng ibang paraan upang sila ay makawala sa pagkaalipin sa kasalanan.MPMP 81.2
Ang uri ng mga sumasambang sumusunod sa halimbawa ni Cain ay kinabibilangan ng nakalalaking bahagi sa sanlibutan; sapagkat halos lahat ng huwad na relihiyon ay nakasalalay sa ganoong prinsipyo— na ang tao ay makaaasa sa sarili niyang pagsisikap para sa kaligtasan. Iniisip ng marami na ang sangkatauhan ay nangangailangan, hindi ng pagtubos, kundi ng pag-unlad—na maaari nitong pinuhin, itaas, at baguhin ang sarili. Tulad sa inisip ni Cain sa paghanap sa kaluguran ng Dios sa pamamagitan ng isang handog na walang haing dugo, gano'n umaasa na itaas ang sangkatauhan sa banal na pamantayan, hiwalay sa pagtubos. Ang kasaysayan ni Cain ay nagpapahayag kung ano ang kinakailangang maging bunga. Ipinakikita noon kung ano ang mangyayari sa taong hiwalay kay Kristo. Ang sangkatauhan ay walang kapangyarihan upang baguhin ang sarili. Ito ay hindi magiging daang tungo sa itaas, tungo sa banal, sa halip ay paibaba, tungo sa maka Satanas. Si Kristo ang natatangi nating pag-asa. “Walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” Gawa 4:12.MPMP 81.3
Ang tunay na pananampalataya, na lubos na nakasalalay lamang kay Kristo, ay nahahayag sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng mga iniuutos ng Dios. Mula sa panahon ni Adan hanggang sa kasa- lukuyang panahon ng malaking tunggalian ay tungkol sa pagsunod sa kautusan ng Dios. Sa lahat ng kapanahunan ay mayroong uma- angkin sa kaluguran ng Dios bagaman kanilang niyuyurakan ang ilan sa Kanyang mga utos. Subalit inihahayag ng kasulatan na sa pamamagitan ng gawa “naging sakdal ang pananampalataya;” at, kung walang mga gawa ng pagsunod, ang pananampalataya “ay patay.” Santiago 2:22, 17. Siya na nagpapanggap na nakakakilala sa Dios, “at hindi tumutupad ng Kanyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya.” 1 Juan 2:4.MPMP 82.1
Noong makita ni Cain na ang kanyang handog ay hindi tinanggap, siya ay nagalit sa Panginoon at kay Abel; siya ay nagalit sapagkat hindi tinanggap ng Panginoon ang ipinalit ng tao na haing iniutos ng Dios, at galit sa kanyang kapatid sa pagpili niyang sumunod sa Dios sa halip na makiisa sa panghihimagsik. Sa kabila ng paglabag ni Cain sa utos ng Dios, hindi siya iniwan ng Dios; sa halip ay naki- pagtalastasan sa kanya na naging gano'n na lamang. At sinabi ng Panginoon kay Cain, “Bakit ka nag-init? at bakit namanglaw ang iyong mukha?” Sa pamamagitan ng isang tagapagbalitang anghel ang banal na babala ay pinarating: “Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, di ba ikaw mamarapatin? at kung hindi ka gumawa ng mabuti, ay nahahandusay ang kasalanan sa pintuan.” Ang pagpili ay nakasalalay kay Cain. Kung siya ay magtitiwala sa kabutihan ng ipinangakong Tagapagligtas, at susunod sa mga utos ng Dios, ay malulugod siya sa Kanyang kaluguran. Subalit kung siya ay mananatili sa hindi pani- niwala at sa pagsalangsang, ay wala siyang pagbabatayan ng pagtutol sapagkat tinanggihan na siya ng Panginoon.MPMP 82.2
Subalit sa halip na kilalanin ang kanyang kasalanan, si Cain ay nagpatuloy sa pagtutol sa di pagkamatarungan ng Dios at sa pag- kimkim ng inggit at galit kay Abel. Galit niyang kinausap ang kanyang kapatid, at tinangkang makipagtalo sa kanya tungkol sa pakikitungo ng Dios sa kanila. Sa kaamuan, gano'n pa man, ay walang pagkatakot at may katatagan, ay ipinagtanggol ni Abel ang kahatulan at kabutihan ng Dios. Itinuro niya ang pagkakamali ni Cain, at sinikap na ipabatid sa kanya na ang kamalian ay nasa kanyang sarili. Binanggit niya yaong kaawaan ng Dios sa pagliligtas sa buhay ng kanilang mga magulang samantalang maaari sanang pinarusahan na agad sila ng kamatayan, at ipinabatid sa kanila na sila ay mahal ng Panginoon, at kung hindi ay hindi Niya sana ibinigay ang Kanyang Anak, walang kasalanan at banal, upang paghirapan ang kaparusahang kanilang tinamo. Ang lahat ng ito ay lalo pang nagpatindi sa galit ni Cain. Ang magandang katuwiran at ang konsensya ay nagsasabi sa kanyang si Abel ay nasa tama; subalit siya ay lubhang nagalit sapagkat ang dapat sana ay nakinig sa kanyang payo ay siya pa ngayong hindi sumasang-ayon sa kanya, at siya ay hindi nakikiramay sa kanyang panghihimagsik. Sa katindihan ng kanyang galit ay pinatay niya ang kanyang kapatid.MPMP 82.3
Nagalit si Cain at pinatay ang kanyang kapatid, hindi dahil sa anumang kamaliang nagawa ni Abel, kundi “sapagkat ang kanyang mga gawa ay masasama, at ang mga gawa ng kanyang kapatid ay matuwid.” 1 Juan 3:12. Kaya sa lahat ng kapanahunan ang mga masasama ay galit sa higit na mabuti kaysa kanila. Ang buhay ni Abel na masunurin at may pananampalatayang hindi humahapay para kay Cain ay isang nagpapatuloy na panunumbat. “Ang bawat isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kanyang mga gawa.” Juan 3:20. Samantalang higit na maniningning ang makalangit na liwanag na sumisinag sa likas ng mga tapat na lingkod ng Dios, higit na maliwanag na ang kasalanan ng mga masama ay mahahayag, at higit na magiging masugid ang kanilang pagkilos upang puksain yaong mga guma- gambala sa kanilang kapayapaan.MPMP 83.1
Ang pagkapaslang kay Abel ang kauna-unahang halimbawa ng pag- aalit na inihayag ng Dios na mamamagitan sa ahas at sa binhi ng babae—sa pagitan ni Satanas at ng kanyang mga kampon at ni Kristo at ng Kanyang mga tagasunod. Sa pamamagitan ng pagkakasala ng tao, si Satanas ay nagkaroon ng kapangyarihan sa lahi ng tao, subalit sila ay bibigyan ni Kristo ng kapangyarihan upang alisin ang pamatok ni Satanas. Sa tuwing, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kordero ng Dios, ang isang kaluluwa ay tumatalikod sa paglilingkod sa kasalanan ang galit ni Satanas ay nagagatungan. Ang banal na buhay ni Abel ay nagpapatotoo laban sa inihahayag ni Satanas na imposible para sa tao ang maingatan ang kautusan ng Dios. Nang si Cain, nakilos ng espiritu ng masama, ay nakabatid na hindi niya mapasusunod si Abel, siya ay nagalit ng gano'n na lamang at inutas niya ang kanyang buhay. At kung saan mayroong sinuman na tatayo sa pagpapatotoo sa katuwiran ng kautusan ng Dios, ang gano'n ding espiritu ay mahahayag sa kanila. Ang espiritung ito ang sa buong kapanahunan ay nagpagawa ng bitayan at nagpasunog sa mga alagad ni Kristo. Subalit ang mga karahasang ginagawa sa mga tagasunod ni Jesus ay isinasagawa ni Satanas at ng kanyang mga hukbo sapagkat siya ay hindi nila mapasunod. Yaong galit ng isang talunang kaaway. Ang bawat martir ni Kristo ay namatay na isang mananagumpay. Ayon sa propeta, “At siya'y kanilang dinaig [“ang matandang ahas, ang tinatawag na Diablo, at Satanas”] dahil sa dugo ng Kordero, at dahil sa salita ng kanilang patotoo, at hindi nila inibig ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan.” Apocalipsis 12:11, 9.MPMP 83.2
Pagdaka si Cain na mamamatay tao ay tinawag upang panagutan ang kanyang krimen. “At sinabi ng Panginoon kay Cain, Saan naroon si Abel na iyong kapatid? At sinabi niya, Aywan ko: Ako ba'y taga- bantay sa aking kapatid? Malayo na ang narating ni Cain sa kasalanan at nawalan na siya ng pagkadama sa patuloy na pakikiharap ng Dios at sa Kanyang kadakilaan at sa pagkaalam ng Dios sa lahat ng mga bagay. Kung kaya't siya ay nagsinungaling upang itago ang kanyang kasalanan.”MPMP 84.1
At sa muli ay sinabi ng Panginoon kay Cain, “Anong iyong ginawa? Ang tinig ng dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa.” Ang Dios ay nagbigay kay Cain ng pagkakataon upang ihayag ang kanyang kasalanan. Siya ay binigyan ng panahon upang mag- isip-isip. Alam niya ang kamalian ng kanyang ginawa, at ng pagsisi- nungaling na kanyang binanggit upang iyon ay ikubli; subalit siya ay mapaghimagsik pa rin, at ang hatol ay hindi na pinapagliban. Ang banal na tinig na ginamit upang mangusap at magsumamo ang bumigkas sa kakila-kilabot na mga salita: “At ngayo'y sinumpa ka sa lupa na siyang nagbuka ng bibig na tumanggap sa iyong kamay ng dugo ng iyong kapatid; pagbubukid mo ng lupa ay di na ibibigay mula ngayon sa iyo ang kanyang lakas; ikaw ay magiging palaboy at hampas-lupa sa lupa.”MPMP 84.2
Sa kabila ng katotohanang si Cain sa pamamagitan ng kanyang Sinubukan sina Cain at Abel, kung paano nila nakitang sinubukan si Adan, upang matiyak kung susunod sila sa Dios. Malinaw nilang naunawaan ang paraan ng paghahandog. krimen ay naging marapat lamang na mamatay, isang mahabaging Maylalang ang nagligtas sa kanyang buhay, at nagbigay sa kanya ng pagkakataon upang makapagsisi. Subalit si Cain ay nabuhay lamang upang papagtigasin ang kanyang puso, upang magganyak ng panghihimagsik sa banal na kapangyarihan, at upang maging ulo ng hanay ng mapangahas, at itinakwil na mga makasalanan. Ang isang tumalikod na ito, na pinangungunahan ni Satanas, ay naging isang tagatukso sa iba; at ang kanyang halimbawa at impluwensya ay nagbunga ng naka- mamatay na kapangyarihan, hanggang sa ang lupa ay naging masama ng gano'n na lamang at napuno ng kasamaan upang mangailangan ng pagkagunaw.MPMP 84.3
Sa pagliligtas sa buhay ng unang mamamatay tao, ang Dios ay nagbigay para sa buong sansinukob ng isang aral tungkol sa malaking tunggalian. Ang madilim na kasaysayan ni Cain at ng kanyang mga anak ay isang halimbawa kung ano ang ibubunga kung ang makasalanan ay pahihintulutang mabuhay ng walang hanggan, upang ipag- patuloy ang kanyang panghihimagsik laban sa Dios. Ang pagpapa- hinuhod ng Dios ay naging daan lamang sa masama upang maging higit pang mapangahas at mapanglaban sa kanilang kasamaan. Labing- limang daang taon matapos ipataw ang hatol kay Cain, ay nasaksihan ng sansinukob ang impluwensya at halimbawa ng krimen at karumi- hang bumaha sa lupa. Nahayag na ang kamatayang ipinataw sa nag- kasalang lahi ay kapwa makatarungan at mahabagin. Habang tuma- tagal ang pamumuhay ng tao sa kasalanan, ay lalo silang nawawaglit. Ang banal na hatol na nagpapaiksi sa takbo ng hindi mapigil na kasamaan, at nagpapalaya sa sanlibutan mula sa impluwensya noong mga nagmamatigas sa panghihimagsik, ay isang pagpapala sa halip na sumpa.MPMP 87.1
Si Satanas ay patuloy na gumagawa, na may ibayong lakas at sa ilalim ng libu-libong pagkukunwari, upang ihayag ang likas at pamamahala ng Dios sa maling paraan. May malawak at organisadong mga panukala at kamangha-manghang kapangyarihan, siya ay gumagawa upang ang mga naninirahan sa mundo ay mapasa-ilalim ng kanyang mga panlilinlang. Ang Dios, ang Isang walang hanggan at nakaaalam sa lahat, ay nakikita ang wakas mula sa pasimula, at sa pakikitungo sa masama ang Kanyang mga panukala ay malawak at mauunawaan. Layunin Niya, hindi lamang ang maibaba ang panghihimagsik, kundi pati ang maihayag sa buong sansinukob ang likas ng panghihimagsik. Ang panukala ng Dios ay nagkakaroon ng katuparan, inihahayag - kapwa ang Kanyang pagkamatarungan at mahabagin, at ganap na pinawawalang sala ang Kanyang katalinuhan at katuwiran sa pakikitungo sa masama.MPMP 87.2
Ang mga naninirahan sa ibang mga daigdig ay nagmamasid sa mga nangyayari sa lupa. Sa kalagayan ng sanlibutan bago bumaha ay nakita nila ang halimbawa ng ibubunga ng pamamahalang sinikap ni Satanas itatag sa langit, sa pagtanggi sa kapamahalaan ni Kristo at sa pagsasa-isangtabi sa kautusan ng Dios. Doon sa mga lubhang makasalanan sa ginunaw na sanlibutan ay nakita nila ang mga kampon ni Satanas. Ang haka ng puso ng tao ay pawang naging masama na lamang parati. Genesis 6:5. Bawat damdamin, bawat simbuyo at isipan, ay may pakikipagdigma sa mga banal na alituntunin ng kadalisayan at kapayapaan at pag-ibig. Yaon ay isang halimbawa ng nakalulungkot na kakulangan bunga ng patakaran ni Satanas na alisin mula sa mga nilalang ng Dios ang pamimigil ng Kanyang banal na kautusan.MPMP 88.1
Sa pamamagitan ng mga nahahayag sa pagsulong ng malaking tunggalian, ay inihahayag ng Dios ang mga prinsipyo ng kanyang patakaran ng pamamahala, na pinasinungalingan ni Satanas at ng lahat na nadaya niya. Ang Kanyang katarungan sa wakas ay kikilalanin ng buong sanlibutan, bagaman ang pagkilalang iyon ay lubhang huli na upang ang makasalanan ay maligtas. Taglay ng Dios ang mga pakikiramay at pagsang-ayon ng buong sansinukob samantalang sa bawat hakbang ng Kanyang dakilang panukala ay nagtutungo sa kaganapan. Tataglayin Niya iyon hanggang sa kahulihang pagpawi sa panghihimagsik. Makikita na lahat na tumalikod sa banal na utos ay inilagay ang kanilang sarili sa panig ni Satanas, at nakildpagdigma laban kay Kristo. Kung ang prinsipe ng sanlibutang ito ay mahatulan, at lahat ng mga nakiugnay sa kanya ay makabahagi sa kanyang sasapitin, ang buong sansinukob bilang mga saksi sa kahatulan ay magsasabi, “Matuwid at tunay ang Iyong mga daan, Ikaw na Hari ng mga bansa.” Apocalipsis 15:3.MPMP 88.2