Loading...
Larger font
Smaller font
Copy
Print
Contents
  • Results
  • Related
  • Featured
No results found for: "".
  • Weighted Relevancy
  • Content Sequence
  • Relevancy
  • Earliest First
  • Latest First
    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents

    Efeso

    Samantalang si Apolos ay nangangaral sa Corinto, tinupad ni Pablo ang pangakong magbalik sa Efeso. Madalian siyang dumalaw sa Jerusalem, at gumugol ng ilang panahon sa Antioquia, ang bukiran ng mga unang paggawa niya. Matapos ay naglakbay siya sa Asia Minor, “sa buong lupain ng Galacia at Frigia” (Gawa 18:23), na dinalaw ang mga iglesia na siya na rin ang nagtatag, at pinalakas ang pananampalataya ng mga mananampalataya.AGA 214.1

    Sa panahon ng mga apostol, ang kanlurang bahagi ng Asia Minor ay kilala bilang probinsya ng Asia. Ang Efeso, ang kapitolyo, at pinakamalaking sentro ng komersyo. Ang pantalan nito ay nagsisikip sa mga sasakyang pandagat, ang mga lansangan ay siksikan sa mga taong buhat sa iba’t ibang lupain. Tulad ng Corinto, ito ay bukirang may magandang pangako sa paggawang misyonero.AGA 214.2

    Ang mga Judio, na ngayon ay malawakang nangalat sa mga sibilisadong lupain, ay pangkalahatang naghihintay sa pagdating ng Mesias. Nang si Juan na Tagapagbautismo ay nangangaral sa pagdalaw sa Jerusalem sa taunang pista, marami ang nagtungo sa ilog Jordan upang makinig sa kanya. Doon ay nadinig nilang inihayag na si Jesus ang Ipinangako, at dinala nila ang balita sa lahat ng bahagi ng lupa. Sa ganito ay inihanda ng Dios ang daan sa paglilingkod ng mga apostol.AGA 214.3

    Sa pagdating sa Efeso, natagpuan ni Pablo ang labindalawang mga kapatid, na tulad ni Apolos, ay naging mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo, at tulad din niya ay nakaalam kahit paano ng naging misyon ni Kristo. Wala silang kakayahang tulad ni Apolos, ngunit may katulad na kataimtiman at pananampalatayang nagsisikap na ikalat ang kaalamang kanilang tinanggap.AGA 214.4

    Ang mga kapatid na ito ay wala pang pagkakilala sa misyon ng Banal na Espiritu. Nang tanungin sila ni Pablo kung natanggap na nila ang Banal na Espiritu, tumugon sila, “Ni hindi namin nadinig na mayroong Banal na Espiritu.” “Saan kayo nabautismuhan kung gayon?” tanong ni Pablo, at sinabi nila, “Sa bautismo ni Juan.”AGA 214.5

    Iniharap ng apostol sa kanila ang mga dakilang katotohanan na siyang pundasyon ng pag-asa ng Kristiano. Sinabi niya sa kanila ang tungkol sa buhay ni Kristo dito sa lupa, at ng Kanyang malupit na kamatayan sa kahihiyan. Sinabi niya kung paanong ang Panginoon ng buhay ay nagwasak ng hadlang ng kamatayan, at kung paanong Siya’y bumangong matagumpay mula sa kamatayan. Inulit niya ang gawaing ibinigay ng Tagapagligtas sa Kanyang mga alagad: “Lahat ng kapangyarihan ay nabigay sa Akin sa langit at sa lupa. Magsihayo kayo kung magkagayon, at turuan ang lahat ng mga bansa, na bautismuhan sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Banal na Espiritu.” Mateo 28:18, 19. Sinabi din niya sa kanila ang tungkol sa pangako ni Kristo na pagsusugo ng Mang-aaliw, na sa kapangyarihan Niya ay magaganap ang mga dakilang tanda, at inilarawan niya kung paanong ang pangakong ito ay maluwalhating natupad sa Araw ng Pentecostes.AGA 215.1

    May malalim na interes at kagalakang may pagpapasalamat at paghanga, nakinig ang mga kapatid sa mga salita ni Pablo. Sa pananampalataya ay pinanghawakan nila ang kahanga-hangang katotohanan ng tumutubos na sakripisiyo ni Kristo, at tinanggap Siya bilang kanilang Manunubos. At sila ay nabautismuhan sa pangalan ni Jesus; at “ipinatong ni Pablo ang kanyang mga kamay sa kanila,” at tinanggap din nila ang bautismo ng Banal na Espiritu, na sa pamamagitan nito ay nakapagsalita sila ng mga wika ng ibang mga bansa, at nakapagpropesiya. Sa ganito ay naging marapat silang humayo bilang mga misyonero sa Efeso at mga karatig bayan, at nakahayo din sa paghahayag ng ebanghelyo sa Asia Minor.AGA 215.2

    Sa pamamagitan ng diwang maamo at natuturuang espiritu, ang mga lalaking ito ay nagkaroon ng karanasang maging angkop bilang mga manggagawa sa bukirang aanihin. Ang kanilang halimbawa ay malaking halaga sa mga Kristiano. Marami ang mabagal ang paglago sa kabuhayang banal, sapagkat sila ay nag-aaring ganap sa sarili upang lumagay sa dako ng mga mag-aaral. Nasisiyahan sila sa mababaw na kaalaman sa salita ng Dios. Hindi nila nais na magbago sa pananampalataya at kabuhayan anupa’t hindi nagsisikap na magkaroon ng higit na liwanag.AGA 215.3

    Kung ang mga tagasunod ni Kristo lamang ay magiging masikap na tagapagsaliksik ng karunungan, sila sana ay maaakay sa mayayamang bukiran ng katotohanan, na kailanman ay di nila naalaman. Siya na lubusang magkakaloob ng sarili sa Dios, ay papatnubayan ng banal na kamay. Maaaring siya ay mababa at sa tingin ay walang talento; ngunit sa pusong mapagmahal, nagtitiwala at sumusunod sa bawat sangkap ng kalooban ng Dios, ang kanyang mga kapangyarihan ay madadalisay,. mapaparangal, mabubuhay, at ang mga kakayahan niya ay madadagdagan. Sa pagmamahal niya sa mga liksyon ng karunungan ng Dios, isang banal na komisyon ay ipagkakatiwala sa kanya; siya ay magkakaroon ng kakayahang ang buhay ay maging karangalan sa Dios at pagpapala sa sanlibutan. “Ang pagpasok ng iyong mga salita ay nagbibigay liwanag; ito ay nagkakaloob ng unawa sa walang muwang.” Awit 119:130.AGA 215.4

    Marami ngayon tulad sa Efeso ay walang nalalaman sa paggawa ng Banal na Espiritu sa puso; gayunman ay walang katotohanang higit na maliwanag sa salita ng Dios kaysa dito. Itinuro ito ng mga propeta at apostol. Si Kristo na rin ang tumatawag ng ating pansin tungkol sa pagtubo ng mga halaman bilang halimbawa ng paggawa ng Kanyang Espiritu sa pagpapanatili at pagtangkilik ng buhay espirituwal. Ang dagta ng halaman, na tumataas mula sa ugat, ay kumakalat sa mga sanga, at nagtataguyod ng paglago at pamumulaklak at pagbubunga. Gayon din naman ang nagbibigay buhay na kapangyarihan ng Banal na Espiritu, na mula sa Panginoon, ay lumalaganap sa kaluluwa, nagpapanibago ng mga motibo at pagmamahal, at dinadala kahit na ang isipan sa pagsunod sa kalooban ng Dios, upang ang tumatanggap nito ay magbunga ng mahahalagang bunga ng mga banal na gawa.AGA 216.1

    Ang May-akda ng buhay espirituwal ay di nakikita, at ang tiyak na paraan upang ang buhay na ito ay maibahagi at maitaguyod, ay labas sa kapangyarihan ng pilosopiya ng tao na ipaliwanag. Gayunman ang paggawa ng Espiritu ay laging katugma ng nasusulat na Salita. Kung paano sa kalikasan, gayon din sa espirituwal. Ang pisikal na buhay ay iniingatan sa bawat sandali ng kapangyarihan ng langit; ngunit hindi sa isang tuwirang milagro, kundi sa paggamit ng mga pagpapalang inilagay sa abot kamay ng tao. Kung kaya’t ang espirituwal na buhay ay mapapanatili sa pamamagitan ng paggamit ng mga bagay na ibinigay ng Dios. Kung ang alagad ni Kristo ay “magiging ganap na tao, ayon sa ganap na sukat ni Kristo” (Efeso 4:13), dapat na kumain siya ng tinapay ng buhay at uminom sa tubig ng kaligtasan. Dapat na siya’y manalangin at magbantay, at sa lahat ng bagay ay sinusunod ang mga turo ng Dios na nasa Kanyang salita.AGA 216.2

    May isa pang liksyon tayong dapat matutuhan mula sa mga Judiong ito na nahikayat. Nang tinanggap nila ang bautismo kay Juan, di nila lubos na naunawaan ang bautismo ni Jesus bilang tagapagdala ng kasalanan. Malala ang mga kamaliang pinanghawakan nila. Ngunit sa dagdag na liwanag, magalak na tinanggap nila si Kristo bilang Manunubos, at kasabay ng hakbang na ito sa pagsulong ay may katumbas na pagbabago sa kanilang mga tungkulin. Habang tumatanggap sila ng dalisay na pananampalataya, ay may katumbas na pagbabago sa kanilang mga buhay. Bilang tanda ng pagbabagong ito, at bilang patunay ng kanilang pananampalataya kay Kristo, sila ay muling nabautismuhan sa pangalan ni Jesus.AGA 217.1

    Tulad ng kaugalian niya, si Pablo ay nagsimula ng gawain sa Efeso sa pangangaral sa sinagoga ng mga Judio. Nagpatuloy siya sa paggawa sa tatlong buwan, “nakikipagtalo at nanghihikayat sa mga bagay tungkol sa kaharian ng Dios.” Sa pasimula ay naging maganda ang pagtanggap; datapuwat katulad sa ibang bukiran, di nagtagal ay marahas na siya ay kinalaban. “Nagmatigas ang ilan at ayaw magsipaniwala, at pinagsalitaan ng masama ang daan sa harapan ng karamihan.” Sa kanilang patuloy na pagtanggi sa ebanghelyo, ang apostol ay tumigil nang mangaral pa sa sinagoga.AGA 217.2

    Ang Espiritu ng Dios ay gumawang kasama at sa pamamagitan ni Pablo sa kanyang paggawa sa kanyang mga kababayan. Sapat na katibayan ay naiharap upang ang lahat ay tapat na magnais na makaalam ng katotohanan. Ngunit marami ang nagpabaya na ang kanilang sarili ay mapigil ng maling akala at kawalang paniniwala, at tumangging pasakop kahit na sa pinakamalinaw na katibayan. Sa pangambang ang pananampalataya ng mga nahikayat ay maimpluwensyahan ng mga lumalabang ito sa katotohanan, humiwalay si Pablo sa kanila, at nagpasiyang tipunin ang mga alagad sa isang bukod na grupo, at nagpatuloy na turuan sila sa paaralan ni Tirano, isang kilalang guro.AGA 217.3

    Nakita ni Pablo na “isang dakila at mabisang pintuan” ay nabubuksan sa kanya, bagama’t “maraming kaaway.” 1 Corinto 16:9. Ang Efeso ay hindi lamang pinakamaganda, kundi pinakamasama ding siyudad sa Asia. Mga pamahiin at kalayawan ay laganap sa karamihan. Sa kanyang mga templo, ay nanganganlong ang mga kriminal at ang pinakanagpapababang mga bisyo ay laganap.AGA 217.4

    Ang Efeso ay tanyag na sentro ng pagsamba kay Diana. Ang katanyagan ng templo ni “Diana ng mga taga Efeso,” ay laganap sa buong Asia at sanlibutan. Ang pambihirang kagandahan nito ay ipinagmamalaki hindi lamang ng siyudad kundi ng buong bansa. Ang rebultong sinasamba sa loob nito ayon sa tradisyon ay galing sa langit. Nakasulat dito ang mga simbulo na pinaniniwalaang may dakilang kapangyarihan. Mga aklat ay isinulat ng mga taga Efeso upang ipaliwanag ang mga kahulugan at paggamit ng mga simbulong ito.AGA 218.1

    Kabilang sa mga nag-aral sa mga mamahaling aklat na ito, ay mga mahiko, na may gayumang kapangyarihan sa mga isipan ng mapamahiing mananamba sa mga imahen sa loob ng templo.AGA 218.2

    Ang paggawa ni apostol Pablo sa Efeso, ay pinagkalooban ng tanging pagsang-ayon ng langit. Ang kapangyarihan ng langit ay sumama sa kanyang pagsisikap, at marami ang napagaling sa mga sakit na pisikal. “Ang Dios ay gumawa ng tanging kababalaghan sa pamamagitan ng kamay ni Pablo: anupa’t mga panyolitong nadikit sa kanyang katawan ay nagpagaling ng mga maysakit, at nagpalayas ng mga masasamang espiritu.” Ang paghahayag na ito ng hindi karaniwang kapangyarihan ay higit na makapangyarihan sa anumang nakita ng mga taga Efeso, at hindi maaaring magaya ng mga kakayahan ng mga mahiko at manggagaway. Habang ang mga milagrong ito ay nagaganap sa pangalan ni Jesus ng Nasaret, ang bayan ay nagkaroon ng pagkakataong makita na ang Dios ng langit ay higit na makapangyarihan kaysa mga mahikong sumasamba kay Diana. Sa ganito ay itinaas ng Panginoon ang Kanyang lingkod, sa harapan ng mga mananamba sa mga diyos, na higit na mataas sa pinakamakapangyarihan at may kakayahang mahiko.AGA 218.3

    Datapuwat Siyang kinatatakutan ng lahat ng masamang espiritu, at nagkaloob ng kapangyarihan sa Kanyang mga lingkod, ay gagawa pa ng higit na kahihiyan at pagkalupig sa mga umaglahi at nagpahiya sa Kanyang banal na pangalan. Ang panggagaway ay ipinagbabawal sa batas ni Moises, sa parusang kamatayan, ngunit paminsan-minsan ay palihim na isinasagawa ng mga tumalikod na Judio. Sa panahon ng pagdalaw ni Pablo sa Efeso ay “naroroon ang ilan sa mga gumagalang Judio, mga manggagaway,” na, pagkakita ng mga kababalaghang ginawa niya ay ginamit ang pangalan ng Panginoong Jesus sa kanilang may masasamang espiritu.” Isang tangka ang ginawa ng “pitong anak na lalaki ni Esceba, isang Judio, at punong saserdote.” Pagkakita sa isang inaalihan ng demonyo ay pinagsalitaan ito, “Ipinamamanhik ko sa inyo sa pangalan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo.” Datapuwat “sumagot ang masamang espiritu at sinabi, Kilala ko si Jesus, at gayon din si Pablo; ngunit sino kayo? At ang taong kinaroroonan ng masamang espiritu ay lumukso sa kanila, at sila’y kanyang natalo, at nadaig sila anupa’t nagsitakas sila sa bahay na iyon na mga hubo’t hubad at mga sugatan.”AGA 218.4

    Nahayag ang di mapapasubaliang katibayang ito ng kabanalan ng pangalan ni Kristo, at ang panganib sa kanilang gagamit nito na walang pananampalataya sa kabanalan ng misyon ng Tagapagligtas. “At sinidlan silang lahat ng takot, at pinadakila ang pangalan ng Panginoong Jesus.”AGA 219.1

    Mga katunayang dati ay nakatago ang nahayag ngayon. Sa pagtanggap sa Kristianismo, ilan sa mga mananampalataya ay di lubusang nagwaksi ng kanilang mga pamahiin. Patuloy pa rin sila sa mga pagggawa ng mahiko. Ngayon, sa nakitang kamalian, “marami ang lumapit na mga mananampalataya, at nagkumpisal, at nagpahayag ng kanilang mga gawain.” Ang mabuting bagay na ito ay sumaklaw kahit na sa ilang mga manggagaway; at “hindi kakaunti sa mga nagsisigamit ng mga kabihasnang mahika ay nagsipagtipon ng kanilang mga aklat, at pinagsusunog sa paningin ng lahat: at kanilang binilang ang halaga niyaon at nasumpungang may limampung libong putol ng pilak. Sa gayo’y lumagong totoo ang salita ng Panginoon at nanaig.”AGA 219.2

    Sa pagsunog sa kanilang mga aklat ng mahika, ipinakita ng mga nahikayat sa Efeso na ang mga bagay na dati nilang kinaluguran ngayon ay kanilang kinamuhian. Sa pamamagitan ng mga mahikang ito ay kanilang sinaktan ang Dios at naglagay sa panganib sa kanilang sarili; at laban din sa mahika na ipinahayag nila ang kanilang galit. Sa ganito ay nagpahayag sila ng katibayan ng kanilang pagkahikayat.AGA 219.3

    Ang mga aklat na ito ay nagtaglay ng mga patakaran at paraan ng pakikipagtalastasan sa masasamang espiritu. Ito ang mga batas ng pagsamba kay Satanas—mga direksyon sa paghingi ng tulong at impormasyon mula sa kanya. Sa pag-iingat ng mga aklat na ito ang mga bagong alagad ay patuloy pa sanang naging lantad sa mga tukso nito; sa pagbibili naman nito ay ilalagay nila ang iba sa tukso. Itinakwil nila ang kaharian ng kadiliman, at hindi sila nag-atubiling wasakin ang kapangyarihan nito. Sa ganito ay nagtagumpay ang katotohanan laban sa maling akala at pag-ibig ng tao sa salapi.AGA 219.4

    Sa pagpapahayag na ito ng kapangyarihan ni Kristo, isang makapangyarihang tagumpay ng Kristianismo ay natamo sa pinakadakong ito ng pamahiin. Ang impluwensya ng naganap ay higit pa sa inasahan ni Pablo. Mula sa Efeso ay mabilis na kumalat ang balita, at isang malakas na pasimulang puwersa ay nabigay sa gawain ni Kristo. Matagal na panahon pagkaraan ng gawain ng apostol, ang mga tanawing ito ay nanatili sa isipan ng tao, at naging paraan ng higit pang pagkahikayat sa ebanghelyo.AGA 220.1

    Inaakala na ang mga pamahiing pagano ay wala na bago pumasok ang ika-dalawampung daantaon. Ngunit ang salita ng Dios at ang matigas na patotoo laban dito ay nagsasaad na ang panggagaway ay patuloy pa rin sa ating kapanahunan. Ang sinaunang sistema ng mahika ay tinatawag ngayong makabagong espirituwalismo. Si Satanas ay nakapapasok sa libong isipan sa paghaharap ng sarili sa anyo ng mga namatay na kaibigan. Sinasabi ng Kasulatan na “ang mga patay ay walang nalalamang anumang bagay.” Eclesiastes 9:5. Ang kanilang mga pag-iisip, pag-ibig, at pagkamuhi, ay wala nang lahat. Ang patay ay di nakakausap ng mga buhay. Ngunit tulad sa unang katusuhan niya, si Satanas ay gumagamit ng mga kasangkapan upang makuha ang isipan ng tao.AGA 220.2

    Sa pamamagitan ng espirituwalismo maraming maysakit, namimighati, mga usyoso, ang nakikipagsanggunian sa masasamang espiritu. Silang sumusubok nito ay pumapasok sa dakong mapanganib. Ang salita ng katotohanan ay naghahayag kung ano ang isipan ng Dios tungkol dito. Sa mga panahong sinauna ay naghayag Siya ng matigas na hatol sa isang haring nakipagsanggunian sa isang paganong orakulo: “Dahil ba sa walang Dios sa Israel, na kaya kayo nagsisiyaon upang makipag-usisa kay Baalzebub na diyos sa Ekron? Ngayon nga’y ganito ang sabi ng Panginoon, Ikaw ay hindi bababa sa higaan na iyong sinampahan, kundi walang pagsalang ikaw ay mamamatay.” 2 Hari 1:3,4.AGA 220.3

    Ang mga mahiko noong unang panahon ay may katumbas ngayon sa mga paraan ng espirituwalismo, at mga manghuhula. Ang mga mahimalang tinig na nadinig sa Endor at Efeso ang nandadaya pa rin ngayon sa mga anak ng tao. Kung maitataas lamang ang lambong sa ating mga mata, ay makikita natin ang mga anghel ng kasamaan na gumagamit ng lahat ng kanilang kasangkapan sa pandaraya at pagwasak. Saan mang dakong ang impluwensya ay ginagamit upang ang tao ay makalimot sa Dios, si Satanas ay naroon na gumagamit ng kapangyarihan ng gayuma. Kapag ang tao ay napadaig sa kanyang impluwensya, madadama nilang ang isipan ay bagabag at ang sarili ay napasama. Ang payo ng apostol sa iglesia sa Efeso ay dapat dinggin ng bayan ng Dios ngayon: “Huwag kayong makibahagi sa mga walang mapapakinabang na gawa ng kadiliman, kundi bagkus inyong sawatain.” Efeso 5:11.AGA 220.4

    Larger font
    Smaller font
    Copy
    Print
    Contents